Inday TrendingInday Trending
Isang Makabagbag-Damdaming Mensahe ang Binasa Nang Malakas at Inialay ng Dalaga sa Pagdiriwang ng Kaarawan ng Tatay Niya; Naging Emosyunal ang Lahat

Isang Makabagbag-Damdaming Mensahe ang Binasa Nang Malakas at Inialay ng Dalaga sa Pagdiriwang ng Kaarawan ng Tatay Niya; Naging Emosyunal ang Lahat

Kaarawan na ng tatay ni Megan kaya naghanda siya ng isang maiksing liham na nais niyang basahin sa harapan nito. Nais niya maging makabagbag-damdamin ang mensahe niya, na alam niyang magpapaluha sa lahat ng mga makakarinig sa kaniya.

Kinahapunan, nakahanda na ang kaniyang Nanay at mga kapatid. Nakahanda na rin ang mga pagkain. Bumiyahe na sila patungo sa lugar kung saan sila magdiriwang ng kaarawan ni Tatay Mel.

Nang naroon na sila, sabay-sabay na silang kumanta ng ‘Happy Birthday to you!’ Maya-maya, binasa na nang malakas ni Megan ang handog niyang mensahe para sa kaniyang tatay.

“Maligayang kaarawan, Tatay Mel! Gulat ka ‘no? Akala mo, hindi ka na namin sosorpresahin. Heto, may pa-cake pa nga kami sa iyo. May nakalagay na kandila na may dibuhong numero. 53 ka na pala ngayon. Nagulat ka rin ba na nagsasalita ako ngayon? Na nagbibigay ako ng mensahe sa kaarawan mo ngayon? Sa totoo lamang ‘Tay, hindi ko alam kung bakit ko ginagawa ito. Nababaduyan ako,” ani Megan.

Tahimik ang lahat. Tila ninanamnam ang mga salitang namumutawi sa bibig ni Megan.

“Ang ikinatatakot ko, baka magalit ka pa sa amin dahil may pa-cake kami. Kasi hindi mo naman talaga gusto ang cake. Ayaw mo nga na hinahandaan. Pero ginawa namin ngayon. Hindi ka talaga mahilig sa mga spaghetti, sa morcon, sa carbonara, at iba pang mga banyagang pagkain. Mas gusto mo pa rin ang mga simpleng ulam gaya ng paksiw na ayungin, o kaya naman ay kinilaw na dilis sa sukang paombong.”

“Reregaluhan sana kita eh, kaya lang naisip ko, mas gugustuhin mong cash na lang. Katwiran mo lagi, ikaw na lang ang bibili ng gusto mo. Mas gusto mong nag-iipon dahil lagi mong sinasabi na para tayong mga langgam, kailangang may madurukot sa oras ng pangangailangan. O kaya naman tulong sa iba, kapag may umutang sa iyo, o kaya naman may nangailangan ng mahigpit na tulong.”

Nagsimulang sumigok ang kaniyang nanay. Agad na nagpahid ng luhang sumusungaw na sa mga mata. Pinipigil ang pagbalong ng mga luha. Bitbit nito ang isang malaking picture frame kung saan nakalagay ang kanilang renewal of vow ng mister.

“Alam mo ‘Tay, marami sana akong nais gawin sa iyo, para mas mapasaya ka pa. Balak nga kitang ibili ng sarili mong motorsiklo para hindi ka na naiinggit sa mga kapitbahay natin, na panay patakbo ng kanilang motorsiklo sa harapan ng bahay natin. O kaya naman nakiki-angkas ka lamang sa likuran nila kapag may tomahan kayo.”

“O baka, ibibili kita ng sariling malawak na lote para magagawa mo roon ang pagtatanim mo at pag-aalaga ng mga tandang mo, na minsan, pinagseselosan na namin ni Nanay dahil parang sila na ang misis at mga anak mo. Naalala mo ba noong minsan, sa sobrang inis at selos ni Nanay, kin*tay niya ang isa sa mga paborito mong panlaban sa sabong? Huli na nang mapagtanto mo na ang kinakain mong manok sa tinola, si Tyson na pala. Hindi mo magawang magalit sa amin kasi kahit na ganyan ka, hindi ka naman mapanakit na tao. Ni minsan ay hindi mo mapagbuhatan ng kamay ang Nanay, o kahit kaming mga anak mo.”

“O baka ibili kita ng isang kahang tabako at kapeng Batangas na nagpapasaya sa iyong mga umaga at pag-iisa.”

“Kaarawan mo kaya iniisip ko, halos isang linggo, kung ano kayang kakaibang gagawin ko sa araw na ito upang mas mapasaya ka pa.”

“Tatay, hinulaan mo ako dati, na sabi mo ay biro lamang, na maaga akong makakapag-asawa. Na mabubuntis kaagad ako dahil sa maaga kong pakikipagrelasyon.”

“Dahil sa mga sinabi mong iyon, natakot ako sa mga posibleng mangyari, kaya naman nagsumikap ako na patunayan sa iyo na hindi totoo ang mga hulang iyon. Na magtatagumpay ako sa buhay. Na kakayanin kong tumayong mag-isa at ipakita sa iyo na kahit babae ako, kaya kong harapin ang mundo at maging matagumpay na gaya mo.”

“Lahat ng wala tayo noon, simula nang magkatrabaho na ako ay pinagsumikapan kong maipundar, hindi para iyabang ko sa mga kapitbahay, kundi upang maipagmalaki mo ako bilang anak.”

“Hindi tayo masyadong nakakapag-usap noon… noong nabubuhay ka pa, Tatay. Pero ngayon, kahit na wala ka na, hindi mo na ako mapipigilang sabihin sa iyo ang mga bagay na gusto kong sabihin sa iyo noon pa man, noong kapiling ka pa rin namin. Alam ko, hindi mo na ito maririnig dahil matagal ka na riyan sa hukay, pero nais kong sabihin sa iyo na mahal na mahal kita, Tatay!”

“Miss na miss ka na namin, Tatay!”

At hindi na nga napigilan ni Megan ang pagbalong ng luha sa kaniyang mga mata.

Matapos ang kaniyang mensahe ay nagpalakpakan ang mga kamag-anak niyang sumama sa kanila. Maging ang mga naroong naninirahan sa sementeryo at naglalakad na sepulturero ay napahinto at naging emosyunal nang marinig ang mensahe ni Megan para sa kaniyang Tatay, na nagdiriwang ng kaniyang kaarawan—sa langit!

Maya-maya ay nagkainan na sila. Si Megan ang naglagay ng alay na pagkain sa puntod ng kaniyang tatay, na alam niyang masaya at nakangiti, kung saan man ito naroroon.

Advertisement