Nahingan ng Tulong ang Babae ng Kaniyang Dating Kaklase Para sa Kanilang Alumni Homecoming; Bakit Makalipas ang Isang Buwan, Wala Pang Inilalabas na Detalye Tungkol Dito?
Naabala sa kaniyang ginagawa si Vanessa nang tumunog ang kaniyang cellphone. May tumatawag.
“Istorbo naman ito,” naiusal ni Vanessa. Kinuha niya ang cellphone at tiningnan kung sino ang tumatawag. Hindi nakarehistro ang numero. Kapag ganoon, hindi niya ito sinasagot. Sa halip na pindutin at kausapin kung sinuman ang tumatawag, hininaan na lamang niya ang ringtone nito, at bumalik na sa kaniyang ginagawa sa laptop.
Ngunit parang nais siya talagang kausapin ng tumatawag sa kaniya. Nagpadala na ito ng text message sa kaniya.
“Si Carla ito, remember? Kaklase mo noong high school.” saad sa mensahe.
Hinawan ni Vanessa ang mga sapot ng kaniyang alaala.
Oo, si Carla. Isa sa mga bibo niyang kaklase noong high school na minsan na niyang nakasagutan noon. Pero matapos ng insidenteng iyon, nagkaayos na rin naman sila.
“Sige, tawag ka ulit.”
Maya-maya, tumawag na nga ito.
“Hello, hello Vanessa Del Mundo? Si Carla Esseng ito, naalala mo pa ako? You know, those high school days,” masayang bati nito sa kaniya.
“Oo naman. Bakit naman kita makakalimutan, matapos ng sagutan natin noon? Natatandaan mo rin ba?” biro niya.
“Ay oo naman! Sus, matagal na ‘yun. Kinalimutan na natin pareho ‘yun, saka nagkaayos naman tayo, ‘di ba?”
“Oo, pasalamat na lang sa mga kaklase natin. Teka, napatawag ka nga pala? Paano mo nalaman ang numero ng cellphone ko?”
“Ah, pinagtanong-tanong ko lang. Kuwan kasi, may alumni homecoming kasi tayo, eh ako ang naitalagang maging chairperson mula sa klase natin. Ang napag-usapan ng komite, mangatok sa mga dating ka-batch na… na magkaroon ng pondo. Alam mo na… kahit na magkano naman ay malaking bagay na kapag nagsama-sama,” paliwanag ni Carla.
“Alumni homecoming? Parang wala naman akong nababalitaan na mayroon tayong ganyan? Saka wala naman akong natatanggap na imbitasyon?” sansala ni Vanessa.
“Ah oo, wala pa naman talagang anunsyo kasi hindi pa naman naisasapinal ang lahat. Wala pa ngang tiyak na petsa. Pero sinabihan na kami na baka puwede na kaming mangatok sa lahat para mag-solicit ng pondo,” paliwanag ni Carla.
“Wala namang problema. Paano ko pala maipapadala ang pera, kung sakali? At kailan ito kailangan?”
“Puwede naman ngayon, o kaya bukas. Simula ngayon, puwede nang magpadala,” wika ni Carla.
Para matapos na at hindi na siya maabala pa, nagpadala na kaagad si Vanessa ng 5,000 piso kay Carla sa pamamagitan ng online money transfer.
“Naku ang laki-laki naman nito, Vanessa! Hindi ako nagkamali sa taong nilapitan ko. Kahit noon pa man ay talaga namang maaasahan ka na,” pasasalamat ni Carla.
“Wala iyon. Para naman sa atin ‘yan. Teka, kailan na ba ang petsa ng alumni homecoming natin para naman makapaghanda na ako at mailagay ko na sa iskedyul ko? Ano pala ang magiging tema?” sunod-sunod na tanong ni Vanessa. Nasasabik na rin kasi siyang makita ang kaniyang mga dating kaklase at makatsikahan sila.
“Naku, wala pa talaga. Magpupulong palang kami sa susunod na araw. Babalitaan naman namin kayo. Gagawa ang komite ng isang social media page at i-aadd namin kayong lahat, para updated kayo sa mga ganap. Oh siya, maraming salamat Vanessa dito sa donasyon mo. Kita kits!”
Ngunit dumaan ang isang linggo, dalawang linggo, hanggang isang buwan ay wala pa ring mga detalye o balita tungkol sa alumni homecoming na sinasabi ni Carla. Wala ring social media page na nalikha para sa kanilang batchmates.
Hanggang isang araw, isang social media page na nga ang lumabas at nag-add sa kaniya at sa iba pa nilang batchmates. Subalit nagulat siya dahil hindi tungkol sa alumni homecoming ang nakalagay rito kundi isang babala.
“Pinaaalalahanan po ang lahat na wala pong katotohanan na magkakaroon ng alumni homecoming ang batch 2005 sa ating paaralan, kaya malaking kasinungalingan po ang paghingi ng solisitasyon ng nagngangalang Carla Esseng. Sa mga nakapag-abot na po ng kahit na anumang pera sa kaniya, makipag-ugnayan lamang po sa amin…”
At doon na nabantad ang katotohanan na isang ‘scam’ lamang pala ang alumni homecoming na sinasabi ni Carla, na ginamit lamang niya upang makahuthot ng pera. Hindi lamang si Vanessa ang nabiktima kundi marami pala sila.
Hindi na mahanap kung nasaan na si Carla. Wala na raw ito sa apartment na tinutuluyan dahil nagtatago. Hindi na rin ito matawagan. Naka-deactivate na rin ang mga social media account.
Makalipas ang dalawang linggo, isang balita ang gumimbal sa lahat. Isang b*ngk*y ng babae umano ang nakitang palutang-lutang sa isang ilog sa Maynila. Batay sa inisyal na ulat, ang babaeng ito ay pinaghigantihan ng mga taong niloko niya, kabilang ang isang malaking sindikato na siyang gumawa nito sa kaniya.
Walang iba kundi si Carla Esseng.
Alam ni Vanessa na hindi na niya mababawi ang kaniyang 5,000 piso. Bagkus, ipinagdasal na lamang niya ang kaluluwa ng kaklaseng manggagantso.