Inday TrendingInday Trending
Mula Pagkabata ay Magkaibigan na ang Dalawang Babaeng Ito at Para Ba Silang Magkapatid sa Magkaibang Sinapupunan; May Makasisira pa Kaya sa Kanilang Dalawa?

Mula Pagkabata ay Magkaibigan na ang Dalawang Babaeng Ito at Para Ba Silang Magkapatid sa Magkaibang Sinapupunan; May Makasisira pa Kaya sa Kanilang Dalawa?

Mga bata pa lamang sila, parang magkapatid na ang turingan nina Melba at Erizza. Sabi nga ng mga nakakakilala sa kanila, para silang tunay na magkapatid sa magkaibang sinapupunan. Kahit ang mga magulang nila ay nagkakasundo-sundo rin.

Sa katunayan, gumawa pa sila ng pulseras nilang dalawa na magkapareho ng kulay, simbolo ng kanilang pagkakaibigan.

At ang nakakatuwa sa kanilang dalawa, sabay silang pumasok sa paaralan, naging magkaklase, mula elementarya, hayskul, hanggang sa kolehiyo.

Pareho silang mahilig sa sinigang na bangus.

Pareho silang mahilig sa beach.

Pareho silang halos mawalan ng bait sa K-Drama at K-Pop.

Ngunit marami silang pagkakaiba.

Pagdating sa patalinuhan, mas angat si Melba. Sa katunayan, siya ang class valedictorian ng kanilang klase sa elementarya hanggang hayskul. Pagdating naman sa talento, bibida riyan si Erizza. Siya ang pambato ng kanilang paaralan pagdating sa kantahan, sayawan, at pagandahan.

Nang magkolehiyo na, malinaw na kay Melba kung ano ang nais niyang maging. Nais niyang maging abogado. At bago mangyari iyon, kailangan muna niyang kumuha ng prerequisite na kurso, bago siya mapayagang kumuha ng Law. Political Science ang pinili niya.

“Ikaw, Erizza? Anong balak mong kunin sa kolehiyo?” tanong ni Melba sa kaniyang kaibigan.

“Ah eh… wala pa akong maisip eh… hindi ko rin alam kung ano ba talaga ang gusto ko. Pero parang gusto ko na ring mag-Political Science,” sagot ni Erizza sa kaibigan.

“Gusto mo ba talaga ‘yan, o dahil iyan ang kursong kukunin ko?” tanong ni Melba kay Erizza.

Napakamot naman sa kaniyang ulo si Erizza.

“Baka naman magustuhan ko na rin kapag naroon na.”

Ngunit parang nais pagsisihan ni Erizza na sumunod siya sa yapak ng kaniyang kaibigan. Hindi kinakaya ang hirap ng mga aralin, at lagi pa siyang napapagalitan ng kanilang mga propesor kapag hindi siya nakakasagot nang maayos.

Mabuti na lamang at nariyan si Melba na siyang sumasalo sa kaniya.

Makalipas ang apat na taon…

“Parang ayoko na, Melba… napasubo yata ako sa pinasok kong ito. Huminto na lang kaya ako sa pag-aaral? O kaya mag-shift na lang ako sa ibang kurso, yung kaya ng brain cells ko! Nakakapiga ng utak at nawawala ang katiwasayan ng buhay ko dahil sa mga leksyon nating pangmatatalino lang gaya mo,” pag-amin sa kaniya ni Erizza.

Habang nasa senior year na sila ay patindi nang patindi ang kanilang mga leksyon, padami nang padami ang mga kailangang aralin at basahin.

“Naku sayang naman, Erizza! Maapit na tayong matapos. Ilang buwan na lang at magtatapos na tayo sa kolehiyo. Huwag mong sayangin ang apat na taon, kakayanin mo pa ‘yan,” panghihikayat sa kaniya ni Melba.

“Pero mukhang alanganin ako kay Prof. Tantengco…” at bumadha ang pangamba sa mukha ni Erizza.

Si Prof. Tantengco ang pinaka-notoryus na propesor sa kanilang departamento pagdating sa pagbibigay ng bagsak na marka. Napaka-istrikto nito sa klase subalit aminado naman silang isa sa mga magagaling at talaga namang de-kalibre pagdating sa pagtuturo at pagbabahagi ng kaniyang mga kaalaman at karunungan sa propesyong kaniyang kinabibilangan. Isa itong abogado at sinasabing marami nang naipanalong kaso.

At dumating na nga ang kinatatakutan ng lahat.

“Ok class, you listen to me. Ilang buwan na lang at malapit na ang inyong pagtatapos. I regret to tell you that majority of this class will fail. Kinausap na ako ni Dean Cuevas kung puwede ko bang baguhin ang formula ng pagbibigay ko ng mga marka. I have to choose between curve or cut-off. Pinili ko ang curve,” paliwanag ng propesora.

Isang mag-aaral naman ang naglakas-loob na tanungin ang propesora kung ano ang ibig sabihin ng curve.

“Ang ibig sabihin niyon, maaapektuhan ang marka ninyo batay sa taong nakakuha ng pinakamataas sa inyo. Pero may magandang balita ako sa inyo, dahil ang nakakuha ng pinakamataas na marka sa inyo, ay walang iba kundi si Melba Vicencio. Flat uno! Perpekto!”

At nagpalakpakan naman ang klase.

“Teka muna, teka muna… bakit kayo masaya? Iyan ang hirap sa curve. When someone keeps going up, mas marami ang babagsak. Pero kung magsasakripisyo si Ms. Vicencio, mas marami siyang maisasalba,” paliwanag ng propesora.

“Kaya Ms. Vicencio, nasa sa iyo ang desisyon. Kapag nanatili ka sa flat 1, anim ang babagsak sa klaseng ito. Kapag 1.25 naman, apat ang babagsak. Kapag 1.5 naman, dalawa na lamang. Mamili ka.”

“Ma’am, may I know who are going to fail if I chose 1.25?” tanong ni Melba.

“Well… I can’t disclose it to you for ethical reasons, but if you choose 1.5, maililigtas mo ang kaibigan mong si Erizza. So you choose wisely. It’s your call,” paliwanag ng propesora.

Pagkatapos ng klase, masinsinang nag-usap ang magkaibigan.

“Erizza, sa pagkakataong ito, hindi kita mapagbibigyan. Kapag nag-1.5 ako sa subject ni Prof. Tantengco, makakaapekto ito sa general weighted average ko. Pang-summa cum laude na ang parangal na matatanggap ko. Alam mo naman ‘di ba, na freshmen pa lang tayo, ito na talaga ang pangarap ko? Ayokong maging cum laude o magna cum laude kundi summa cum laude.”

“Pero babagsak ako… at hahayaan mo akong bumagsak bilang kaibigan mo?” naiiyak na sabi ni Erizza.

Ngunit hindi nagpatinag si Melba. Sa palagay niya kasi ay deserve at pinaghirapan naman niya ang grado niya, at kung may babagsak man, iyon ay kasalanan na nila.

Ngunit hindi makakapagtapos si Erizza dahil kailangan nitong ulitin ang subject. Magiging iregular na mag-aaral siya at hindi makakasabay sa martsa.

“Maghanap ka na ng kaibigan mo!” padabog na sabi ni Erizza sabay alis.

Nang gabing iyon ay hindi nakatulog si Melba.

Kinabukasan…

“Hindi mo kailangang mamili, Melba. Hindi mo kailangang magsakripisyo para lang sa amin. Magkaibigan tayo at hindi iyon maaapektuhan kahit anuman ang piliin mo. Kasalanan ko rin naman ang lahat kung bakit ako bumagsak,” paliwanag ni Erizza. Humingi siya ng kapatawaran sa kaibigan.

“Nakausap ko na si Prof, Melba. At alam mo ba, naawa siya sa inyong mga babagsak? Kaya ipapasa na raw niya kayo. Huling taon na pala ito ng pagtuturo ni Prof. At sa huling taon ng kaniyang pagtuturo, naging napakasaya niya dahil sa kauna-unahang pagkakataon daw ay may isang mag-aaral siya na nakakuha ng flat 1. At ako iyon. Nakuha ko raw ang respeto niya. Kaya nang tanungin niya ako, ito ang hiniling ko sa kaniya.”

At nagtapos na summa cum laude si Melba at kasama niyang nakatapos at nagmartsa si Erizza. Tuwang-tuwa ang kanilang mga magulang! Masayang-masaya sila para sa isa’t isa.

Ngunit sa pagkakataong ito, nag-iba na ang kanilang mga landas.

Si Erizza ay naging college instructor habang si Melba naman ay nagpatuloy sa kaniyang pag-aaral ng Law.

Alam nila, wala nang makatitibag sa kanilang samahan bilang tunay na magkaibigan!

Advertisement