
Pilit na Pinalayo ng Ina ang Kaniyang Anak sa Nobyo Nitong Hardinero; Hindi Niya Akalaing Nagkamali pala Siya ng Desisyon
“Hindi ba at sinabi ko sa ’yo, layuan mo na ’yang nobyo mong ’yan?!” malakas na hiyaw ni Aling Teresita sa anak na si Janice, matapos niya itong mahuli habang kasama ang nobyo nito na hardinero.
Pareho silang nagtatrabaho ng kaniyang anak sa mansyong iyon bilang mga katulong, at matagal na silang naninilbihan sa kanilang mga amo. Kaya naman hindi naiwasang naging malapit ang anak na si Janice sa bagong hardinerong si Calisto na palagi rin nilang nakakasama sa halos araw-araw.
“E, ’nay, bakit ba ayaw n’yo na lang kaming hayaan? Nasa edad naman na ako, a!” protesta naman ng kaniyang anak na lalo namang ikinainit ng ulo ni Aling Teresita.
“Oo nga, pero hindi ba’t sinabi ko, mag-isip ka nang mabuti? P’wede ka namang kumuha ng ibang lalaki! Iyong may pangarap sa buhay. Iyong mayaman! Hindi gaya niyan!” muli ay galit na sabi pa ni Aling Teresita sa anak na ngayon ay umiiyak na. Wala itong magawa, dahil naiisip niyang dapat ay sundin niya ang kaniyang ina. Lalo na at may punto naman ito.
Lumaki na sa hirap si Janice kaya naman gusto niyang makaahon sila sa kahit na anong paraan. Kaya naman napagdesisyonan ni Janice na imbes na ipaglaban ang kaniyang nobyo ay sundin na lamang ang kaniyang ina. Lalo pa at ngayon ay sinabi ng kanilang amo na gusto siyang pakasalan ng panganay nitong anak, bagama’t sampung taon ang tanda niyon sa kaniya.
Sa muling pagkikita ni Janice at ng nobyong si Calisto ay doon na tinapos ng dalaga ang lahat ng namamagitan sa kanila…
“B-bakit? Hindi ko maintindihan, Janice. Wala naman tayong problema, hindi ba? Ano’ng nangyayari?” umiiyak na tanong sa kaniya ng binata matapos niyang sabihin dito na nakikipaghiwalay na siya.
“Pasensiya ka na, Calisto. Hindi na kita mahal. M-magpapakasal na kami ni Sir Favian,” pagsisinungaling pa ni Janice sa kasintahan.
Wala namang nagawa ang binata kahit pa halos maglumuhod siya sa harap nito. Talagang iniwan na siya ng dalaga para sumama sa iba. Dahil doon ay umalis sa trabaho nito si Calisto at bumalik na sa kaniyang pamilya. Tuwang-tuwa naman si Aling Teresita sa nangyari, at sa lalong madaling panahon ay ipinakasal niya ang kaniyang anak sa mayamang anak ng kanilang amo, na maikokonsidera nang isang matandang binata.
Sa una ay naging maayos naman ang pagsasama nina Janice at ng kaniyang asawang si Favian. Maganda rin naman ang pakikitungo ng lalaki kay Aling Teresita. Ngunit hindi nagtagal ang mga ’yon, dahil makalipas lamang ang ilang buwang pagsasama ay lumabas na ang tunay na kulay ng nasabing lalaki.
Sinasaktan ni Favian si Janice, at higit pa’y pati na rin si Aling Teresita. Bukod doon ay ginugutom din sila nito at kailan man ay hindi niya binigyan ng sariling pera si Janice o ang pamilya nito. Hindi naman makapagsumbong sa mga awtoridad ang mag-ina lalo pa at natatakot sila sa pera at koneksyon ni Favian. Naghihirap sila sa kamay nito at walang ibang magawa si Aling Teresita kundi ang magsisi sa lahat ng kaniyang nagawa, lalo na nang malaman niya ang tunay na katayuan ng dating nobyo ni Janice na si Calisto…
Isa pala itong heredero ng isang mayamang angkan na matagal nang hinahanap ng kaniyang mga kapamilya buhat nang ito ay tumakas, dahil gusto itong ipakasal ng kaniyang ina sa babaeng hindi naman nito mahal! Doon ito napadpad sa mansyong pinagtatrabahuhan nina Aling Teresita at Janice, na siyang naging dahilan naman upang mahulog ito sa dalaga! Talagang puno ng pagsisisi si Aling Teresita, maging si Janice. Sana pala ay sinunod na lamang niya ang tibok ng kaniyang puso kaysa nagpadala siya sa kagustuhan ng kaniyang ina.
Hindi nagtagal ay nagbunga ang pagsasama ni Favian at Janice. Dahil sa gabi-gabing pang-aabuso sa kaniya ng asawa ay nagkaroon ng laman sa kaniyang sinapupunan. Nang malaman ito ng lalaki ay doon ito nagkalakas ng loob na makipaghiwalay kay Janice, dahil sabi nito ay hindi raw nito kailangan ng asawang pangit ang katawan!
Ngayon ay wala nang ibang pupuntahan sina Aling Teresita at ang nagdadalang taong si Janice. Ngunit para sa kanila ay mas mabuti na ito kaysa manatili sa buhay na kasama nila si Favian. Ang magagawa na lamang nila ngayon ay ang maghanap buhay at magsimula ulit.

Binatikos ng Kaniyang mga Kaibigan ang Lalaking Ito nang Makilala Nila ang Napakaganda Niyang Nobya; Ginayuma Lamang daw Niya Ito
