
Binatikos ng Kaniyang mga Kaibigan ang Lalaking Ito nang Makilala Nila ang Napakaganda Niyang Nobya; Ginayuma Lamang daw Niya Ito
“Pare, sino kaya ’yong babaeng ipakikilala raw sa atin ni Ogie? Natatawa talaga ako, wala pa man. Akalain mong may pumatol na babae doon!” pigil ang tawang sabi ng binatang si Andrew sa kanilang mga kaibigan na agad namang nagkatawanan dahil sa kaniyang sinabi. Ang tinutukoy niya ay ang kabarkada nilang si Ogie, na kilalang pinakapangit at pinakamahirap sa kanilang magtotropa noong sila ay hayskul pa lang.
Ang totoo n’yan ay hindi naman talaga ito kabilang sa kanila, ngunit dahil ito ang nagsisilbing water boy nila noon sa mga liga ay lagi na rin talaga nila itong naging kasa-kasama. Iyon nga lang, palagi ay tampulan nila ng tukso ang nasabing kaibigan, dahil sa hitsura nito. Maliit kasi si Ogie at maitim. Bukod doon ay sarat din ang kaniyang ilong at malalaki ang ngipin sa unahan, kaya naman madalas, kung tawagin nila ito ay si “Orangutan.”
“Sus! Baka naman kasi ’yong babaeng pumatol sa kaniya ay kasing pangit niya rin!” humahagalpak namang singit ng isa pa sa kanilang mga kaibigan, kaya naman muli silang nagkatawanang magkakaibigan.
Ang mga babae namang kasama nila ay kanina pa napapangiwi, dahil sa kanilang mga ugali. Ang totoo, kung hindi nga lang nakakahiya ay kanina pa nila iniwan ang mga lalaking ito na akala yata’y nakatutuwa ang ginagawa nilang panlalait.
May usapan kasi silang magkakaibigan na magkikita ngayong gabi sa isang sikat at bagong bukas na bar at nagsabi si Ogie na tamang-tama raw dahil gusto nitong ipakilala sa kanila ang nobya nito na malapit na rin nitong maging asawa.
Maya-maya pa, halos sabay-sabay na napalingon sina Andrew at ang kaniyang mga kaibigan sa entrance ng naturang bar, nang pumasok mula roon ang isang napakaganda at napakaseksing babae. Simple lang ang suot nito ngunit mukhang elegante. Ang ganda rin ng mukha nito, kahit pa bahagya lamang iyong nalapatan ng kolorete. Ni hindi na rin nito kailangan pang magpakita ng labis na balat para lang makitang napakaganda ng hubog ng katawan nito. Ito na yata ang pinakamagandang babae ngayong gabi sa naturang bar. Dahil doon ay halos maglaway naman sila kahit pa sa harap ng kanilang mga nobya.
Ngunit ganoon na lang ang biglang pagngiwi ng magkakaibigan, nang mapansin nilang kasunod ng napakagandang babaeng iyon ang kanilang hinihintay na kaibigan—si Ogie—at halos mapanganga sila nang makitang umangkla sa braso nito ang magandang babaeng ’yon!
“Mga pare, kanina pa ba kayo? Pasensiya na kung na-late ako. Dinaanan ko pa kasi itong nobya ko. Siya nga pala, siya si Christina, ang mapapangasawa ko,” tuloy-tuloy na pagpapakilala ni Ogie sa babaeng kasama nito sa kaniyang mga kaibigan na halos hindi naman makapagsalita dahil sa kaniyang sinabi.
“G-girlfriend mo ’yan?” nakangiwing tanong ni Andrew nang sa wakas ay makabalik siya sa kaniyang ulirat. “Paano nangyari ’yon? Ginayuma mo yata ’yan, e!” hirit pa niya sabay hagalpak nang tawa na agad namang sinegundahan ng kaniyang mga kasama.
“Oo nga! Miss, sigurado ka bang hindi ka nauuntog lang? May panahon pa para umatras sa kasal n’yo ni Orangutan!” hiyaw pa ng isa sa kanilang mga kaibigan na agad namang nagpangiwi sa babaeng kasama ni Ogie.
“P’re, huwag n’yo naman akong hiyain sa harap ng nobya ko,” maayos na pakiusap ni Ogie sa mga kaibigan ngunit hindi pa rin natinag ang mga ito.
“Pare, paano kami magseseryoso? Sa mukha mo pa lang, palagi nang parang joke time! Sabihin mo nga sa amin kung ano ang ipinakain mo sa babaeng ’to para patulan ka niya? Ano, binigyan mo ba siya ng pera?” natatawa pang tanong ulit ni Andrew kay Ogie.
Ngunit bago pa man makapagsalita si Ogie ay isang sampal ang inabot ni Andrew sa babaeng kasama nito. “Kaysa naman sa ’yo. Guwapo ka nga, pangit naman ang ugali mo! Kung ako ang tatanungin, mas gugustuhin ko pa talagang makisama sa lalaking katulad ng kaibigan n’yo, kaysa sa inyo. Pare-pareho kayong mga bastos at parang mga walang pinag-aralan!” nanggagalaiting sabi pa nito sa kaniya sabay hingi ng paumanhin sa magkasintahang Ogie at Christina. Pagkatapos ay isa-isang iniwan ng kanilang mga nobya ang magbabarkada.
“Alam mo, mister, tama ang nobya mo. Alam mo ba kung bakit nagustuhan ko si Ogie? Kasi hindi siya kagaya n’yo. Mga bulok ang pag-uugali!” hiyaw pa ng ngayon lamang nagsalitang si Christina bago nito tinawag ang bouncer ng naturang bar. Doon nila napag-alaman na ang magnobyong Ogie at Christina pala ang may-ari niyon, pati na rin ng iba’t iba pang mga negosyo.
Nagkamali pala sila ng hinamak na tao, dahil kung tutuusin ay mas higit na ito sa kanila, at kung ikukumpara sila rito ngayon ay ’di hamak na wala silang mga binatbat!
Yuyuko-yuko na lamang na nagsiuwi ang mapanlait na magkakaibigan.