Dinakip ng mga Awtoridad ang Dalawang Ginang sa Barangay na Iyon; Sila raw Kasi ay mga Talamak na ‘Marites’

Dinakip ng mga Awtoridad ang Dalawang Ginang sa Barangay na Iyon; Sila raw Kasi ay mga Talamak na ‘Marites’

FunKarmaStories

Kagigising pa lamang ni Aling Marina nang umagang ’yon. Ni hindi pa nga tuluyang sumisikat ang araw nang magpasiya siyang lumabas ng kanilang bahay upang bumili ng pandesal sa malapit na bakery. Hindi naman niya inaasahang sa kaniya palang paglalakad ay makakasalubong niya ang kaibigan at kumare niyang si Aling Isay na noon ay bumili rin ng kapeng 3-in-1 sa tindahan ni Aling Betsay.

“Oy, mare, good morning!” bati ni Aling Marina sa kumare.

“Good morning naman, mare! Ang aga nating pareho. Papasok kasi sa trabaho ang mister ko,” ganting bati naman ni Aling Isay sa kaniya.

“Naku, tamang-tama at nakasalubong kita. May itsi-tsismis ako sa ’yo. May nasagap kasi ako roon kay Mareng Abena kagabi, tungkol d’yan sa kinakasama ni Pulis,” pabulong namang sabi pa ni Aling Marina sa kumare na agad naman niyang nakuha ang interes pagkarinig palang nito sa salitang ‘tsismis’ na animo nabuhayan.

Sa isang iglap ay hindi na nakaalis pa sa kanilang mga puwesto, sa gitna ng kalsada, ang dalawang babae dahil nawili na sila sa kanilang usapan na para bang ito ang kanilang magsisilbing umagahan.

“Ano bang mayroon?” puno ng kasabikang tanong ni Aling Isay kay Aling Marina.

“Aba’y may kumakalat kasing tsismis na dati raw palang bayarang babae ’yang kinakasamang ’yan ni Pulis,” tukoy nito sa asawa ng isa sa kanilang mga kapitbahay na pulis. Ang totoo ay bagong lipat lamang ang mga ito kaya naman mainit na mainit ang mga mata nilang mga tismosa sa nasabing mga bagong salta.

“Naku, totoo. Halata naman! Aba’y sa pananamit palang noong babae, mukha nang marumi ’yon. Siguro nga’y kabit lang ’yan ng pulis. Tingnan mo’t parang itinatago. Hindi naglalalabas ng bahay,” komento pa ni Aling Isay.

Eksakto namang nang mga sandaling ’yon ay papaalis din ang kapitbahay nilang pulis. Mukhang papasok sa trabaho. Oras na makaalis ito ay siya namang dating din ng isa pang lalaki na agad namang sinalubong ng babaeng kinakasama nito! May iniabot ang nasabing lalaking nakamotorsiklo rin sa babae, pagkatapos ay hinalikan ito ng babae sa pisngi bago umalis.

Doon ay nanlaki ang mga mata ng dalawang magkumare at nakaisip agad ng hindi maganda ang marurumi nilang mga utak. “Naku, mare, mukhang nangangaliwa pa ang maharot!” impit na ani Aling Marina kay Aling Isay.

“Kabit na nga, may kabit pa! Grabe na talaga ang mundo ngayon!” sagot naman ng kaniyang kausap.

Naghiwalay na busog sa tsismis ang magkumare. Kung hindi pa nila napansing paumaga na pala at male-late na ang kanilang mga asa-asawa ay hindi pa sila titigil sa tsismisan. Pagkatapos nilang mag-asikaso sandali sa kanilang bahay ay lumabas muli ang dalawa at ipinagkalat ang kanilang mga nakita kanina. Tuloy, hindi natapos ang araw na ’yon na hindi nakarating sa kapitbahay nilang bagong salta ang kumakalat na tsismis!

Hindi naman alam nina Aling Marina at Aling Isay na nagkamali lamang sila ng tingin sa naturang pangyayari. Dahil hindi naman ‘kinakasama’ ng bago nilang babae ang pulis na umuuwi doon, kundi kaniya mismong asawa! Kakakasal lamang ng dalawa kaya naman bago pa lamang silang bumubukod, habang ang isa pang lalaki namang nakita nilang pumunta kanina at hinalikan ng babaeng kapitbahay nila ay ang ama nito na idinaan lang ang naiwan niyang gadget sa kanilang dating bahay, tutal ay papasok din ito sa trabaho!

Agad na nagsampa ang mag-asawa ng kaso para sa dalawang tsismosang nagpakalat ng maling balita sa kanilang barangay. Namalayan na lamang nina Aling Marina at Aling Isay na dinadakip na sila ng mga awtoridad, dahil sa kanilang pagiging tsismosa!

Hindi malaman ng dalawa ang kanilang gagawin. Halos wala silang mukhang maiharap sa kanilang mga asawa nang sila’y sunduin ng mga ito upang piyansahan. Pagkatapos, sa kanilang pagdating sa kanilang barangay galing sa presinto ay hindi rin sila nakaligtas sa mapanuring mga tingin ng kanilang mga kapitbahay na tila natutuwa pa sa kanilang sinapit. Hiyang-hiya sila ngayon dahil sa pagkakataong ito ay sila naman ang paksang pinag-uusapan ng buong barangay!

Ni hindi makalabas ng bahay ang dalawa dahil pinariringgan sila ng kanilang mga kapitbahay. Anang mga ito ay tama lang ang nangyari sa kanila upang magsilbi iyong leksyon para sa susunod na mangati ang kanilang dila ay matuto na lamang silang kagatin iyon kaysa dumaldal pa at gumawa ng kung anu-anong gulo at kuwento na wala namang katotohanan.

More Stories