
Pumasok sa Isang Kainan ang Mag-amang Pulubi; Isang Babaeng Estranghero ang Magpaparamdam sa Kanila ng Diwa ng Pasko
Marami na namang tao ang nagpaparoo’t parito sa paligid ngayong sumapit na ang Kapaskuhan. Ilang araw na ang nakalipas buhat nang matapos ang mismong araw na ’yon ngunit ang diwa at simoy nito ay tila hindi pa rin nagtatapos.
Bukod doon ay nakarami rin ng naipong pamasko ang mag-amang sina Mang Tasyo at ang anak nitong si Tutoy, kung kaniyang tawagin. Kapwa sila mga pulubi na kalsada na ang naging tahanan noon pa man, at natutulog na lamang sa lugar kung saan sila abutin ng antok.
“Anak, hindi ba at pangarap mong makakain d’yan sa kainang ’yan? Gusto mo bang dalhin ka riyan ni tatay?” isang tanghali ay tanong ng amang si Mang Tasyo kay Tutoy. Naaawa kasi siya sa anak lalo pa at makailang ulit niya itong nakitang nakatitig sa mga batang naglalabas masok sa kainang ’yon habang sila ay nakalahad ang mga kamay na nanghihingi ng maski barya sa mga dumaraang tao.
Tiningnan naman siya ni Tutoy nang may pagdadalawang isip. “E, tatay, mahal po ang pagkain d’yan. Baka hindi kakasya itong naipon natin para sa ating dalawa,” sagot pa ng bata.
Pilit namang tumawa si Mang Tasyo. “Naku, huwag mo akong intindihin, anak. Ang totoo ay sawa na akong kumain d’yan, dahil noong ako’y bata-bata pa at malakas ang pangangatawan ay lagi rin akong kumakain d’yan. Ikaw na lang ang patitikimin ko, ’nak, para kahit papaano’y maranasan mong makapasok d’yan,” pagsisinungaling pa ni Mang Tasyo sa anak, bagama’t nag-aalala siyang hindi siya pinaniniwalaan nito.
Ganoon pa man ay hindi na niya hinintay pang sumagot ang anak. Alam niya kung gaano kabait na bata si Tutoy kaya siguradong tatanggi ito. Ngunit talagang gusto ni Mang Tasyo na ipatikim sa anak ang mga putaheng kinatatakaman nito. Kamuntik pa silang harangin ng guwardiya sa naturang kainan nang sila ay dumating, ngunit sa awa at sa labis na pakikiusap ni Mang Tasyo na sila ay papasukin nito, dahil magbabayad naman siya ay pinapasok din sila nito.
Sabik na sabik na nag-order ng pagkain si Mang Tasyo sa bandang counter. “Miss, p’wede bang bigyan mo ako ng pagkaing kakasya rito sa pera ko? Pakakainin ko kasi ’yong anak ko. Pers taym niya kasi rito,” aniya sa cashier na nasa counter na malugod naman siyang ginabayan sa pag-order.
Masayang pinanunuod ni Mang Tasyo ang anak na si Tutoy habang magana nitong nilalantakan ang isang pirasong manok, kanin at kaunting french fries sa harap nito. Inalok pa siya nito na pagsaluhan na lamang nila ’yon ngunit ayaw niyang mabitin ang anak sa kinakain nito. Nagkakasya na lamang si Mang Tasyo sa panunuod sa anak habang nginangata ang hawak na monay na kahapon pa niya pinakatatagu-tago.
Lingid sa kaalaaman ng mag-ama ay kanina pa sila matamang pinanunuod ng isa sa mga kustomer din sa naturang kainan. Isang estranghero, na habag na habag naman sa tagpong iyon ng mag-ama. Bigla nitong naalala ang mga sandaling hindi niya pa kayang bumili ng pagkain sa kainang ’yon dahil wala pa siyang trabaho at hindi pa sapat ang kinikita ng kaniyang ama.
Dahil doon ay nagdesisyon ang babaeng iyon na bumalik sa counter ng kainan upang um-order ulit ng pagkain. Iba’t ibang putahe ang kaniyang in-order at sinigurado niyang mabubusog doon ang tatlong tao. Pagkatapos ay ipina-serve niya iyon sa mesa ng mag-amang Mang Tasyo at Tutoy at sinabi niyang kanila iyong pagsalu-saluhan.
“Wala po kasi akong kasabay ngayong kumain. P’wede po bang kayo na lang?” palusot niya sa mag-ama upang hindi makatanggi ang mga ito. Nang tanguan siya ni Mang Tasyo ay tuwang-tuwa siya, lalo na nang makita niyang maluha-luha ang mga mata nito sa bawat subo nito ng masarap na pagkain.
Ipinadama ng estrangherong nagpakilalang si Jane, ang diwa ng Pasko sa mag-ama. Pagkatapos nilang kumain ay inabutan pa sila nito ng pera bago sila nito iniwan nang may ngiti sa labi. Samantala, si Tutoy ay mas piniling ibili ng kaunting gamit ang ilan sa mga perang ibinigay ng mabait na estranghero sa kanila, habang ang natira naman ay ipinangpuhunan naman ni Mang Tasyo sa pagbobote.
Sino ang mag-aakalang dahil sa ginawang iyon ng babae ay lalago ang negosyo ni Mang Tasyo na ngayon ay may-ari na ng isang junk shop? Habang si Tutoy naman, ngayon ay malapit nang magtapos bilang isang engineer! Ganito pala ang maaaring magawa ng isang simpleng pagtulong!