
Pinagtawanan ng mga Kaeskuwela ang Binata Dahil sa ‘Espesyal’ Niyang Ama; Matatameme pala Sila sa Kanilang Malalaman
“A-anak, uwi na tatay, ha? Uwi na kami ng nanay,” paalam ni Mang Agustin, ama ni Jeric, isang college student sa kilalang unibersidad na ’yon, sa kursong Business Management, matapos siyang hatiran ng kaniyang mga magulang ng pananghalian, dahil naiwan niya ito kanina sa bahay.
“Sige po, ’pa. Ingat po kayo ni mama, ha?” sabi naman niya sa kaniyang ama sabay yakap dito at humalik naman siya sa pisngi ng ina.
Nang talikuran niya ang mga ito at humarap sa kaniyang mga kaeskuwela ay hindi nakaligtas sa kaniyang pansin ang mapanuring mga tingin ng kaniyang mga kaklase sa kaniya. Ang iba sa mga ito ay natatawa pa at mga nagbubulungan. Ganoon pa man ay hindi na iyon pinansin pa ni Jeric.
Sanay na siya sa ganitong mga pagtrato ng ibang tao sa kaniya sa tuwing makikita ng mga ito ang kaniyang ama. Sa kilos pa lang kasi nito ay hindi na maikakailang may kakaiba sa kaniyang ama. Kailan man ay hindi naman itinago ni Jeric na anak siya ng isang ‘espesyal’ na ama. Nang ipanganak pa lamang ito ay mayroon na itong kondisyon sa pag-iisip, dahilan upang ang kilos nito ay maging animo kilos ng bata, pati na rin ang pag-iisip nito. Mabagal kasi ang pagtanda ng utak ng kaniyang ama, ngunit magkaganoon pa man ay ito pa rin ang isa sa pinakamabuting taong kilala ni Jeric.
“Oy, p’re, hindi mo naman sinabing abnoy pala ang tatay mo,” natatawang pang-aasar sa kaniya ng isa sa mga kaeskuwela niyang makitid ang utak, maya-maya.
“Ngayon ko lang nalamang kailangan ko palang mag-report sa ’yo,” pilosopong sagot naman niya rito nang hindi niya matiis ang banat nito sa kaniyang ama. Bahagya tuloy itong napahiya at lalong nanggalaiti.
“Aba’t sumasagot pa itong anak ng abnoy na ’to! Baka naman mana ka sa tatay mong abnoy, ha?” Tila wala itong masabi upang siya ay mainsulto, ngunit taas noo lamang itong hinarap ni Jeric.
“Ang lakas naman ng loob mong lait-laitin ang tatay ko, e, kung ikukumpara siya sa ’yo, ’di hamak na wala kang binatbat doon. Tingnan mo nga ’yang grades mo, wala kang problema sa pag-iisip pero babagsakin ka at ni hindi mo kayang ipasa ’yang bagsak mong mga grado? Pagkatapos, lalaitin mo ang tatay ko na nakapagpatapos ng apat na anak sa kolehiyo, na ngayon ay malapit nang maging lima, kahit pa ’tulad ng sabi mo ay isa siyang abnoy! Ngayon, sino’ng mas nakakahiya sa inyong dalawa?” nakangiwi pang aniya sabay ngisi nang makitang wala nang maisagot pa ang kaeskuwela. Maging ang iba niyang mga kaklase na kanina ay nagtatawa rin tungkol sa kaniyang ama, ngayon ay walang masabi.
“Alam n’yo, bago n’yo pahirin ang uling sa mukha ng iba, matuto kayong tumingin sa salamin. Baka kasi mas marami pa kayong duming kailangang linisin sa mga pagmumukha ninyo. Bago kayo manlait ng taong wala namang ginagawa o ipinakikitang masama sa inyo, siguraduhin n’yo ring walang kalait-lait sa sarili n’yong mga pagkatao,” dugtong pa ni Jeriv sa kaniyang mga sinabi bilang panghuling pananalita sa mga ito.
Dahil sa pangyayaring iyon, sa isang iglap ay napalitan ng labis na paghanga ang mapanuyang mga tingin ng kaniyang mga kaeskuwela sa kaniyang ama. Lalo na nang mapatunayan nilang totoo ngang nakapagpatapos na ito ng mga anak sa kolehiyo sa kabila ng kalagayan nito!
Mayroon na itong Doktor, Engineer, Teacher, at Nurse, at ngayon ay madadagdagan pa ng isang negosyante, oras na matapos na sa pag-aaral si Jeric na siyang bunso sa limang magkakapatid! Salat man sa pag-iisip ang kaniyang ama ay binusog naman sila nito sa labis na pagmamahal na kailan man ay hindi nito pinutol. Binusog sila nito sa magagandang pangaral, dala ng pagiging inosente nito at iyon ang pinakahinahangaan niya sa ama.
Ipinangako ni Jeric na kailan man ay hindi niya ikahihiya na anak siya ng isang espesyal na lalaki lalo pa at hindi naman sila pinabayaan nito, hindi tulad ng ibang lalaki. Ginampanan nito ang lahat ng responsibilidad nito at kailan man ay hindi ito nagkulang sa kanila, lalong-lalo na sa kanilang ina na taos puso rin namang minahal ang kanilang ama sa kabila ng kondisyon nito.
Wala talagang mas lalakas pa sa mga taong lumaki sa isang mapagmahal na pamilya. Iyon ang nagsisilbi nilang sandatang magkakapatid sa anumang pagsubok.