
Palagi Siyang Binibigyan at Hinahatian ng Kaibigan sa Lahat ng Bagay; Magawa Niya Kayang Ibigay Rito ang Hinahangaang Dalaga?
Maagang namulat sa lungkot ng buhay ang binatang si Kyle. Siyam na taong gulang pa lang siya nang masaksihan niya kung paano iwan ng kaniyang ama ang kaniyang ina dahil sa isang babaeng dinadala nito sa kanilang bahay.
Buong akala niya noon, katulad ng pakilala ng kaniyang ama, tiyahin niya raw ang babaeng iyon dahilan para pakitinguhan niya ito nang maayos at sundin ang lahat ng utos nito kagaya ng huwag sasabihin sa kaniyang ina na nagpupunta ito roon.
Kaya lang, nang makita niyang nagtutukaan ang dalawa sa kanilang sofa, roon na siya biglang naguluhan kaya siya’y nagsabi na sa kaniyang ina at doon na nagsimula ang pagkabuhol-buhol ng kanilang buhay.
Madalas niyang sisihin ang sarili sa pagkasira ng kanilang pamilya. Iniisip niya na kung hindi na lang sana siya nagsumbong o nagtaka, sana hanggang pagtanda niya, mayroon pa rin siyang nanay at tatay.
At dahil nga iniwan na silang mag-ina ng kaniyang ama, nagdoble kayod ang kaniyang ina na dumating sa puntong hindi na niya ito nakikita sa kanilang bahay. Siya na ang nag-aasikaso sa kaniyang sarili, mag-isang gumagawa ng kaniyang takdang-aralin, at ang naglilinis ng mga pinagkalatan ng kaniyang inang palaging nag-iinom ng alak para lang makatulog sa gabi.
Sa araw-araw na tinitiis niya ang gutom dahil wala siyang baon sa eskwela, may natagpuan siyang kaibigan na palagi siyang binibigyan ng pagkain. Anuman ang baon nito, mapakanin man o tinapay, lagi silang naghahating dalawa.
Nang malaman pa nitong palagi lang siyang mag-isa sa bahay, pinakiusapan nito ang mga magulang na siya’y kupkupin na lang.
Noong una’y ayaw niyang pumayag sa kagustuhan nito dahil nahihiya siya, ngunit nang makita niya kung gaano kabait ang mga magulang nitong agad siyang tinuring na anak, doon na siya nagpasiyang manirahan sa bahay ng mga ito na agad namang sinang-ayunan ng kaniyang ina.
“Mabuti pa nga’t magpaampon ka na, wala na akong mapakakain sa’yo!” sabi pa nito habang nag-iinom dahilan para lalo siyang magdesisyong doon na nga manirahan.
Wala siyang ibang naramdaman sa bago niyang pamilyang ito kung hindi kasiyahan, pagmamahal, at suporta. Lahat ng mayroon ang kaibigan niya, mayroon din siya na talagang kumumpleto sa kaniyang pagkabata.
Pagtungtong nila ng kolehiyo, may isang dalaga na talaga namang bumihag sa kaniyang puso. Mala-anghel ang mukha nito, matalino, at palakaibigan dahilan para hindi niya mapigilan ang sarili na hindi humanga rito.
May pagkakataon pa nga, tuwing gabi nang natatapos ang kanilang klase, patago niya itong sinusundan upang masiguro lang na ligtas itong makauwi sa sariling bahay.
Kaya lang, paglipas lang ng ilang buwan, napag-alamanan niyang may gusto rin dito ang kaniyang kaibigan na kapatid ang turing sa kaniya.
“Ang ganda niya talaga, ‘no? Kahit sobrang init, hindi siya pinagpapawisan!” sabi nito sa kaniya habang tinitingnan nilang dalawa ang naturang dalaga.
“Oo nga, eh, gusto mo ba siya?” tanong niya rito kahit ayaw niyang marinig ang sagot.
“Masyado bang halata?” birong sabi nito, “Sa katunayan, balak ko na siyang yayaing lumabas ngayon. Ilang linggo ko na rin siyang nakakausap sa social media, eh, at sobrang bait niya!” kwento pa nito na ikinadurog ng puso niya.
“Talaga? Hindi mo nakwento sa akin ‘yan, ha?” tugon niya.
“Hindi ka rin naman nagkukwento tungkol sa mga babaeng nilalandi mo!” sambit pa nito saka na siya tuluyang iniwan at tumabi sa naturang dalaga.
Para bang nilalapirot ang puso niya nang makita niya kung paano magtawanan at mag-usap ang dalawa habang siya, ni hindi man lang makalapit sa naturang dalaga.
Buong akala niya, iyon na ang pinakamasakit na tagpong makikita niya. Ngunit isang gabi, bago siya matulog, bigla siyang kinatok ng kaibigan niyang ito at tuwang-tuwa sinabing, “May girlfriend na ako, Kyle!” saka nagtutumalon sa kaniyang harapan.
Gusto man niyang umiyak at magwala dahil sa sakit na nararamdaman, hindi niya ito magawa dahil malaki ang utang na loob niya rito at sa mga magulang nitong nagpakain, nagpaaral, at tumanggap sa kaniya.
“Mabuti naman! Wala nang mang-iistorbo sa akin simula ngayon! Sige na, lumabas ka na, matutulog na ako!” sigaw niya rito.
“Inggit ka lang!” bulyaw nito saka siya binelatan at tuluyang iniwan.
Pagkaalis nito, roon na siya humagulgol. Hindi niya mawari kung bakit puro sakit at lungkot ang hatid ng tadhana sa kaniya.
“Minsan na nga lang akong maging masaya, nakalaan pa para sa iba,” iyak niya.
Patuloy man siyang nasaktan habang nakikitang magkasama ang dalawa, pinili niya na lang na tuluyang magparaya kaysa masira ang kanilang pagkakaibigan at ang tiwala ng tinuring niyang mga magulang.
“Darating din ang araw na ako naman ang makahahanap ng babaeng tunay na nakatadhana para sa akin,” sabi niya sa sarili saka sumalo sa hapagkainan ng naturang pamilya kasama ang hinahangaan niyang dalaga noon. Handa na siyang magparaya para sa kaligayahan ng kaniyang kaibigan na itinuturing na niyang tunay na kapatid.