Inday TrendingInday Trending
Palagi Niyang Pinapaalaga sa Biyenan ang Kaniyang Mga Anak; Pinagsisihan Niya Ito sa Huli

Palagi Niyang Pinapaalaga sa Biyenan ang Kaniyang Mga Anak; Pinagsisihan Niya Ito sa Huli

Palaging inaasa ni Blezy sa kaniyang biyenan ang pag-aalaga sa kaniyang mga anak. Simula sa panganay niyang anak hanggang sa pangatlo niyang anak na ngayon ay mag-iisang taon lamang, lahat ng ito ay palagi niyang pinapapunta sa bahay nito upang wala na siyang problemahin.

Pagkagising pa lang ng mga ito, magtatago na siya sa kanilang labahan upang huwag siyang makita ng kaniyang mga anak dahil kapag napagtanto ng kaniyang panganay na wala siya, bubuhatin na nito ang bunso niya at isa pang anak para dalhin sa kaniyang biyenan.

Sa tuwing tatahimik na ang kanilang bahay, doon lang siya aalis sa pinagtataguan at magsisimulang mag-ayos ng sarili. Siya’y maliligo nang napakatagal, maglalagay ng make-up, magkukulot ng buhok, at marami pang pag-iinarteng karaniwan ay ginagawa lang ng mga dalaga.

Ilang beses man siyang pagsabihan ng kaniyang asawa tuwing uuwi itong mag-isa lang siya sa bahay at nagseselpon habang kumakain ng kung anu-ano na huwag hayaang palaging nakaasa sa ina nito, lalo na ang bunso niyang anak na nangangailangan pa ng gatas niya, nagagalit pa siya rito.

“Ikaw kaya ang makunsumi maghapon sa tatlo mong mga anak? Akala mo ba madali lang ‘yong ginagawa kong pag-aalaga sa kanila? Minsan ko lang naman sila pinapapunta sa nanay mo, nagagalit ka agad!” sigaw niya rito.

“Hindi lang minsan, Blezy. Matagal nang nagsusumbong sa akin ang nanay ko. Anak natin ‘yong mga ‘yon, bakit kay nanay mo iaasa? Hindi ba’t dapat ikaw ang mag-alaga sa kanila? Hindi ka na dalaga, Blezy!” galit nitong sagot habang nagpapalit ng damit.

“Kasalanan ko bang doon nagpupunta ang mga anak mo?” pagsisinungaling niya pa upang madepensahan ang sarili habang patuloy na kumakain ng chichirya.

“Oo! Kaya huwag kang magtataka kung isang araw, hindi ka na makilala ng mga anak mo! Sabi ko naman sa’yo, ayos lang na magpahinga ka, na magpaganda ka, basta asikasuhin mo muna ang mga anak mo! Lalo na ang bunso natin, gatas mo lang ang inaasahan no’n!” sermon pa nito sa kaniya.

“Ayoko na nga magpas*so dahil lumalaylay ang dibdib ko, eh!” tugon niya na lalo na nitong ikonabwisit.

“Pambihira ka! Ewan ko ba sa’yo!” sigaw nito sa kaniya saka agad na umalis sa kanilang bahay upang kuhanin sa ina ang kanilang mga anak.

Kahit pa halos araw-araw na silang nagtatalo ng kaniyang asawa dahil sa gawain niyang iyon, patuloy niya pa rin itong ginagawa para lang maproteksyunan ang sarili mula sa stress dulot ng makukulit na mga anak, pag-iba ng hubog ng kaniyang katawan, at pagod sa pag-aalaga hanggang sa lumaki na ang mga ito.

Nang makapagtapos na ng pag-aaral ang kaniyang panganay at tumuntong na sa hayskul ang bunso niyang anak, doon niya naramdamang sobrang layo na pala talaga ng loob ng mga ito sa kaniya dahil sa tuwing may asignatura, interbyu, o kahit anong gawain ang mga ito, ni minsan ay hindi nagpatulong ang mga ito sa kaniya, agad lang dumidiretso ang mga ito sa kaniyang biyenan na nagbigay sa kaniya ng matinding pagseselos.

Lalo pa niya itong naramdaman nang mabalitaan niya na lang sa kaniyang mga kapitbahay na umalis ang kaniyang tatlong anak kasama ang kaniyang biyenan. Dinala raw ng mga ito ang kanilang lola sa isang mall upang bilhan ng mga gamit.

“Totoo ba ‘yan?” tanong niya rito.

“Aba, oo, Blezy! Anong klaseng ina ka? Hindi mo ba alam na maganda ang trabaho ng panganay mong anak? Pati mga yung dalawa mo pang anak ay nagtatrabaho habang nag-aaral!” balita pa nito na ikinagulat niya.

“Hindi ko alam, eh, hindi naman sila nagsasabi sa akin,” tipid niyang sagot habang nakakaramdam ng kirot sa puso.

“Diyos ko! Ayan, kakataboy mo sa kanila noon, biyenan mo tuloy ang nakikinabang sa tagumpay nila ngayon! Binilhan pa nga nila ‘yon ng electric bike para hindi mahirapan sa pamamalengke! Sa bagay, biyenan mo naman talaga ang dapat nilang bigyan ng biyaya dahil iyon ang naghirap sa kanila kaysa sa’yo na araw-araw lang nakahiga at ayaw mapagod!” sabi pa nito at imbes na kagalitan niya ang ginang dahil sa mga sinabi, napaupo na lang siya sa kalsada dahil sa labis na pagsisisi.

“Sa sobrang pag-aalaga ko sa sarili ko, hindi na ako nakilala bilang ina ng mga anak,” hikbi niya.

Habang umiiyak doon, napagtanto niyang hindi pa huli ang lahat para hindi niya maparamdam ang pagmamahal sa mga anak. Kaya naman, matiyaga niyang hinintay ang pag-uwi ng mga ito sa bahay ng kaniyang biyenan saka isa-isang kinausap ang mga ito upang humingi ng tawad.

Hindi man siya agad na napatawad ng mga anak, patuloy niyang sinuyo ang mga ito. Wala man siyang natatanggap na biyaya rito, mapagsilbihan lang ang mga ito ay ayos na para sa kaniya.

Nang makita ng kaniyang asawa at biyenan ang pagbabago niya, hinikayat ng mga ito ang kaniyang mga anak na siya’y patawarin na at sa awa ng Diyos, ilang buwang pag-aalaga pa ang ginawa niya sa mga ito, siya rin ay tuluyan nang napatawad at binilhan pa siya ng mga gamit sa bahay kagaya ng ref at washing machine.

“Salamat sa inyong tatlo! Pangako, buong buhay ko na kayong aalagaan kahit tumanda na kayo!” iyak niya dahilan para siya’y yakapin ng mga ito pati ng asawa niyang iyak din nang iyak.

Advertisement