
Pagbalik ng Ginang na OFW ay May Iba nang Ilaw ng Tahanan ang Kaniyang Pamilya; Gagawin Niya ang Lahat Upang Mabawi Ito
Hanggang ngayon ay iniisip pa rin ni Rissa kung paano niya kahaharapin ang dating asawa at tatlong mga anak matapos ang limang taong hindi pagkikita. Ilang linggo na rin siya sa Pilipinas ngunit urong sulong siya sa pakikipagkita sa mga ito, lalo na nang malaman niyang may iba nang tumatayong ilaw ng tahanan sa kanilang bahay.
“Hindi ka pa rin ba makikipagkita kay Greg, Rissa? Hindi mo ba nami-miss ang mga anak mo? Baka hindi mo na sila makilala dahil malalaki na sila ngayon,” wika ng nakatatandang kapatid na si Letty.
“Kung alam mo lang kung gaano ko ka-gustong mayakap at makasama sila, lalong lalo na ang mga anak ko, pero paano ko gagawin ‘yon? Ikaw na rin ang nagsabi na malalaki na sila ngayon. Kilala pa kaya nila ako? Alam pa kaya nila kung paano ako pakikitunguhan? Malamang ko ay hindi na. Kaya kinakabahan ako dahil baka masaktan lang ako,” sagot naman ni Rissa.
“Ipaliwanag mo na lang kasi sa kanila ang lahat. Alam kong mauunawaan nila ‘yon. Pasensya ka na at wala rin kasi ako dito sa Pilipinas noon para ipagtanggol ka. Ngayon ko lang din nalaman ang tunay na nangyari. Bawiin mo ang pamilya mo!” muling sambit ng nakatatandang kapatid.
“Ayos lang sa akin. Kahit mahirap ay tanggap ko namang ako ang nagkulang sa kanila. Ako ang matagal na nawala,” sambit muli ni Rissa.
Nang gabing iyon ay halos hindi na naman makatulog si Rissa sa pag-iisip. Nais niyang makita ang kaniyang mga anak ngunit wala talaga siyang lakas ng loob. Isa-isa niyang tiningnan ang mga naiwang larawan. Hindi na niya napigilan pang umiyak. Labis talaga siyang nangungulila sa mga ito.
Kaya naman kahit hatinggabi na ay tumawag pa rin siya sa dating asawa.
“Greg, handa na ako. Nais ko sanang makita ang mga anak ko bukas. Pasensya ka na at ngayon lang ako nagkalakas ng loob,” sambit ni Rissa.
Ngayon lang ulit narinig ni Greg ang boses ni Rissa. May kurot pa rin sa puso ang tinig nito pero nangingibabaw pa rin sa kaniya ang galit dahil sa hindi ito pagpapakita sa kanila sa loob ng ilang taon.
“O sige, sasamahan ko sila bukas. I-text mo na lang sa akin kung saan tayo magkikita,” matipid na sagot naman ni Greg.
Nang maibaba na ni Rissa ang telepono ay hindi na niya magawang ipikit ang mga mata. Magkahalong kaba at pananabik ang nararamdaman niya.
Kinabukasan ay isang oras na maaga si Rissa sa kanilang tagpuan.
Nang makita niya ang mga anak ay nagulat siya sa reaksyon ng mga ito. Nagtakbuhan papalapit ang dalawang nakababatang anak patungo sa kaniya. Samantalang ang panganay naman ay iwas pa rin at halatang masama ang loob.
Lubos ang saya ni Rissa nang makita din ang dating asawa ngunit nawala ang lahat ng ito nang makita niyang kasama nito ang dati niyang matalik na kaibigang si Bernadette.
“A-ano’ng ginagawa mo rito?” tanong niya.
“Bakit? Hindi ba sinabi sa iyo ni Greg? Tatlong taon na kaming nagsasama. Simula nang iniwan mo sila at ipinagpalit sa iba’y ako na ang tumayong ina at asawa sa pamilyang tinalikdan mo,” saad ni Bernadette.
“H-hindi totoo yan! Hindi ko sila tinalikdan!” sambit naman ni Rissa.
“Tumigil ka na, Rissa. Hindi naman kami nagpunta rito para lang makipag-away. Huwag mong taasan ng boses ang asawa kong si Bernadette. Kung hindi dahil sa kaniya’y hindi ko mapapalaki nang maayos ang mga anak natin,” sambit naman ni Greg.
Nagpupuyos ang galit sa puso ni Rissa ngunit kailangan muna niya itong isantabi dahil kasama na niya sa wakas ang kaniyang mga anak.
“‘Ma, bakit ngayon lang po kayo nagbalik? Kay tagal ka naming hinintay!” sambit ng bunsong si Anne.
“Pasensya na kayo, mga anak. Hindi ko alam kung paano sisimulan ang istorya, pero ang mahalaga ay narito na ako ngayon. Babawi ako sa lahat ng pagkukulang ko sa inyo,” wika ng ina sabay yakap sa mga ito.
“Ngayon ka magbabalik kung kailangang kaya na namin ang mga sarili namin? Hindi na namin kailangan ng ina. P’wede ka nang bumalik kung saan ka nanggaling!” wika naman ng panganay na si Eunice.
“Ate, huwag mo namang bastusin nang ganyan si mama! Hindi ba’t noon din ay hintay ka nang hintay sa kaniya? Narito na siya ngayon at kapiling natin. Huwag ka nang magalit sa kaniya,” wika naman ng pangalawang si Loraine.
“Alam kong walang kapatawaran ang mga nagawa ko, mga anak, pero babawi talaga ako,” wika muli ni Rissa.
Sa tuwing magkikita ang apat ay hindi maiwasan ng panganay na bastusin ang ina. Hanggang sa hindi na nakatiis pa itong si Rissa at saka niya ito kinompronta.
“’Ma, huwag n’yo na pong patulan si ate. Unawain n’yo na lang po siya. SIya kasi ang nakaranas ng lahat ng pang-aapi na ginagawa sa amin ni Tita Bernadette. Hindi po totoo ang pinapakira niya sa amin kapag kaharap si daddy. Sinasaktan niya kami at tinatakot. Bawal nga pong banggitin ang pangalan n’yo sa bahay. Ang sabi niya pa nga kay daddy ay may iba na raw po kayong pamilya sa ibang bansa. Totoo po ba iyon?” tanong ni Loraine.
“A-ano?! Hindi totoo ang lahat ng iyan, mga anak! Ang totoo’y naaksidente ako sa ibang bansa. Pinilit kong tumakas sa mga amo ko dahil sinasaktan nila ako. Habang tumatakas ako’y nasagasaan ako. Mabuti na lang at tinulungan ako ng lalaking nakasagasa sa akin at pinagamot niya ako. Hindi niya sinukuan ang buhay ko hanggang sa nagkamalay ako. Napakasakit sa akin na malamang nag-asawa na ulit ang daddy ninyo. Ngayong nalaman kong ang dati ko pang kaibigan ang pumalit sa akin ay lalong sumasama ang loob ko. Tapos ay sinasaktan pa pala kayo? Humanda sa akin ang babaeng ‘yan! Gagawin ko ang lahat para mabawi ko kayong pamilya ko,” pahayag ni Rissa.
“Kasama po ba si daddy d’yan, ‘ma? Gusto ko po sanang mabuo pa rin ang pamilya natin. Pero nabilog na po ni Tita Bernadette ang ulo ni daddy. Naniniwala po siya sa lahat ng sinasabi nito,” wika naman ng bunso.
Gumawa ng paraan itong si Rissa upang mapaibig niyang muli si Greg at para inisin na rin si Bernadette. Naging madalas ang pagpunta niya sa dating bahay, at palagi niyang pinapaalala kay Greg ang mga nakaraan.
“Wala pa ring pinagbago ang bahay na ito. Bawat sulok ay natatandaan ko kung paano naging masaya ang pamilya natin. Simple man ang buhay pero punumpuno ito ng saya at pagmamahalan,” saad ni Rissa kay Greg.
“Pero pinili mong sirain ang lahat ng iyon, Rissa. Pinaasa mo kaming babalik ka pero nakahanap ka na pala ng iba. Hintay nang hintay sa iyo ang mga anak natin. Maging ako’y umaasa rin sa pagbabalik mo, pero hindi pala kami sapat na dahilan para umuwi ka,” magkahalong lungkot at galit na saad ni Greg.
“Mas nalulungkot ako, Greg. Hindi mo man lang ako hinanap. Hindi mo man lang inalam ang tunay kong kalagayan. Habang nasa bingit ang buhay ko’y hinahanap ko kayo ng mga anak natin. Lalo ka na. Pero nasaan ka? Nasa piling ka ng iba. Ilang taon akong nakipaglaban para makauwi sa inyo, pero ito lang ang dinatnan ko. Hindi na ako parte ng pamilyang ito,” umiiyak na wika ni Rissa.
Nagulumihanan si Greg. Sa kaniyang palagay ay gumagawa lang ng istorya ang kaniyang dating asawa upang pagtakpan ang kamalian. Ito kasi ang laging sinisiksik ni Bernadette sa kaniyang utak. Ngunit nagbago ang lahat nang makita niyang umiyak si Rissa. Alam niya kung gaanong katatag ang dating asawa at hindi ito basta iiyak lang. Kasabay ng mga luhang iyon ay lumambot ang puso niya.
“A-anong sinasabi mong nilaban mo ang buhay mo? Ano ba talaga ang tunay na nangyari sa iyo?” sambit ni Greg.
Nang makita ni Bernadette na nagkakausap ang dating mag-asawa ay agad siyang umentra.
“Anong kasinungalingan na naman ang sinasabi mo sa asawa ko, Rissa? Kung sisirain mo lang ang pamilya namin ay hindi ko na pahihintulutan na makita mo ang mga anak ninyo!” saad ni Bernadette.
“Ikaw, Bernadette, pinagkatiwalaan kita! Pero ano’ng ginawa mo? Inagaw mo ang pamilya ko! Nahahalata ko na noon pa na malaki ang inggit mo. ‘Yun pala, may gusto ka sa asawa ko. Tapos ay sinasaktan mo pa ang mga anak ko!” galit na wika ni Rissa.
“Sinasaktan? Nagpapatawa ka ba? Ako nga ang nag-alaga sa kanila noong wala ka at sumama sa iba! Huwag mong ibaling sa akin ang lahat ng pagkakamali mo! Ako ang narito noong kailangan nila ng ina! Kitang-kita naman sa mga larawan na may iba ka nang kinakasama sa ibang bansa kaya huwag ka nang magkaila pa,” sigaw pa ni Bernadette.
Ang hindi alam ni Bernadette ay nakahanda na si Rissa para sa araw na ito. Dumating bigla ang lalaking sinasabi nilang napangasawa nito. Kasama mismo ang asawa at mga anak nito galing ibang bansa. Ikinuwento niya mismo kay Greg ang tunay na nangyari at kung paanong ginawa ni Rissa ang lahat upang matawagan sila at makausap, ngunit lahat ng iyon ay hinadlangan ng tusong si Bernadette.
Maging ang tatlong anak ay nagsalita na rin tungkol sa pananakit sa kanila ng madrasta.
Nang malaman lahat ni Greg ang pangyayaring ito ay labis siyang nagalit kay Bernadette.
“Umalis ka na rito bago pa magdilim ang paningin ko sa’yo! Ikaw ang may kagagawan kung bakit nasira ang pamilya namin! Hindi ko akalain na nagpatuloy pala ako ng ahas dito sa pamamahay ko! Umalis ka na dahil hindi kita mapapatawad!” bulyaw ni Greg sa kinakasama.
“P-pero nagmamahalan tayo, Greg. Hindi ba’t mahal mo ako at pakakasalan mo ako kapag napawalang bisa na ang kasal n’yo ni Rissa? Nangako ka sa akin!” pagsusumamo ng babae.
“Mabuti na lang at inadya ng pagkakataon na mangyari ito bago ko pa gawin ang pinakamalaking pagkakamali ko sa buhay ko! Umalis ka na dahil ipapupulis talaga kita!” sigaw muli ng ginoo.
Kinaladkad ng magkakapatid palabas ang kanilang madrasta. Sa wakas ay malaki na ang pag-asang magkabalikan ang kanilang mga magulang at mabuong muli ang kanilang pamilya.
“Patawarin mo ako, Rissa. Hindi ko man lang nagampanan ang pagiging asawa ko sa iyo. Hindi ko alam na nahirapan ka rin nang husto. Nagpa-uto ako sa lahat ng kasinungalingang sinasabi sa akin ni Bernadette. Pero isa lang ang aaminin ko sa iyo. Pinipilit kong magalit sa iyo dahil akala ko’y nag-asawa ka na ng iba pero ang totoo’y ikaw pa rin ang laman nitong puso ko. Sana’y bigyan mo pa ako ng isang pagkakataon para mabuo natin ang ating pamilya,” pagsusumamo ni Greg kay Rissa.
“Wala naman akong nais kung hindi mabuo ang pamilya natin. Ikaw at ang mga anak natin, Greg… Kayo ang buhay ko. Kayo ang rason kung bakit hanggang ngayon ay narito pa rin ako,” saad naman ng ginang.
Nang gabing iyon ay nangibabaw ang pagpapatawad at pagmamahal ng bawat isa. Nabigyan ng isa pang pagkakataon ang pag-ibig nina Greg at Rissa. Muli ay ikinasal ang dalawa at muling nagsama kapiling ang kanilang mga anak.
Sa pagkakataong ito ay nangako sila na kahit ano’ng mangyari ay hindi na sila maghihiwalay pa. Sama-sama nilang haharapin ang bagong simulang naghihintay sa kanilang pamilya.