
Patuloy ang Pasaring ng Ginang sa Dalagang Nililigawan ng Anak; Isang Matinding Leksyon ang Kaniyang Kahaharapin
“Narinig n’yo na ba ang balita? Kaya naman pala hindi na umuwi ng Pilipinas ‘yang panganay na anak ni Carlota ay nakapag-asawa na doon sa Japan! Ang balita ko’y malaki raw ang agwat ng kanilang edad. Sa susunod na linggo nga raw ay uuwi dito sa Pilipinas para ipakilala sa kaniyang mga magulang!” tsismis ni Aling Nelia sa mga kapitbahay.
“E ‘di totoo nga ang balita d’yan kay Carol na nag-japayuki siya. Siguro ay pinatulan na lang ang matandang asawa upang maalis siya sa bar na pinagtatrabahuhan niya!” dagdag naman ng isa pang ginang.
“Mantakin ninyong pinaasa ang anak ko. Kaya naman pala hindi sinasagot ay oportunista talaga! Ano nga naman ang mapapala niya sa anak ko, ‘di ba? Kung titingnan mo ay napakahinhin at hindi makabasag pinggan. Mataas daw ang pangarap kaya mangingibang bansa. Iyon naman pala’y maghahanap lang ng matandang mayaman na mag-aahon sa kaniya sa kahirapan!” dagdag pa ni Aling Nelia.
Masama ang tabas ng dila ng ginang kapag tungkol sa panganay na anak ni Aling Carlota na si Carol. Inis na inis siya sa dalaga dahil sa palagay niya’y nasira ang buhay ng kaniyang anak simula nang paasahin nito.
Nalulong kasi sa alak ang anak na si Dante dahil sa labis na kalungkutan nang hindi siya sagutin ni Carol. Makalipas ang tatlong taong pamamalagi ito sa Japan ay uuwi na ito ng Pilipinas at kasama ang mapapangasawang higit ang edad sa kaniya.
“Kinain na ni Carol ang dangal niya para lang makaahon sa hirap. Pero kung tutuusin ay wais naman ang ginawa niyang iyon. Ginamit niya ang kaniyang utak. Pero nakakasulasok pa rin ang baho ng ugali niya dahil sa ginawa niya sa anak ko. Huwag sana siyang lumigaya!” wika muli ni Aling Nelia.
Makalipas ang isang linggo ay nariyan na si Carol kasama ang mapapangasawang Hapon. Lahat ng kapitbahay ay nakatingin sa kanila habang ibinababa nila ang gamit mula sa sasakyan. Hindi nila maiwasan ang magbulungan.
“Mukhang hindi naman ganoong katanda ang nobyo ni Carol. Mali ka naman ng sagap na balita, Nelia. Kahit na hindi katangkaran ay may itsura pa rin,” saad ng isang kapitbahay.
“Sa tingin mo ay magugustuhan ‘yan ni Carol kung hindi mayaman ‘yan? Tingnan mo nga at ang dami nilang pasalubong. Marahil ay binigay niya ang hilig ng hitad. Alam na natin kung ano ang kapalit ng lahat ng iyan. Ano na kaya ang nagawa ng lalaking iyan sa katawan ni Carol?” natatawang pasaring ni Aling Nelia.
“Grabe ka namang makapagsalita, Aling Nelia. Siguro kaya mo nasasabi ‘yan ay hindi mo matanggap na maganda na ang buhay ni Carol at ang anak mo’y nalulugmok pa rin. Mukha naman kasing masaya si Carol sa mapapangasawa niya!” saad naman ng isang kapitbahay.
“Natural na magiging masaya siya. Tingnan n’yo nga kung gaano kalaki ang ipinagbago niyang si Carol. Pera-pera na lang talaga ang usapan d’yan! Sigurado ako!” sambit muli ni Aling Nelia.
Hindi mapakali ang ginang hanggang hindi niya nalalaman kung ano talaga ang tunay na pagkatao ng mapapangasawang Hapon ng dalaga. Kaya naman nagpatuloy ang kaniyang pagtatanong sa ilang kaanak nito.
Isang araw ay naabutan niyang nagkukwentuhan sa hardin ng kanilang bahay ang mga anak ni Aling Carlota. Pinag-uusapan nito ang kanilang Ate Carol at ang mapapangasawa nito.
“Nakakatakot namang lokohin ang nobyo ni ate lalo na at nalaman ko kung ano ang tunay niyang pagkatao,” saad ng bunsong kapatid.
“Oo nga, e! Ako ma’y natatakot rin. Hindi mo akalain na mamahalin ni ate ang isang lalaking tulad niya, ano?” wika pa ng isang kapatid.
Matindi ang pagnanais ni Aling Nelia na marinig ang usapan ng mga ito kaya ginawa niya ang lahat upang hindi siya mahalata.
“Pero sa tingin ba ninyo ay ligtas si ate sa kaniya? Ano kaya ang pakiramdam ng asawa ka ng isang miyembro ng sindikato sa Japan. Siguro’y nakakatakot rin!” dagdag muli ng bunso.
“Pero binibigay naman niya ang lahat kay ate. Nakakatakot lang at galing sa masama ang perang iyon!” wika pa ng isang kapatid.
“Naku, huwag na nga natin siyang pag-usapan at baka may makarinig pa sa atin. Itikom n’yo na lang ang mga bibig n’yo at baka mapahamak pa tayo,” dagdag pa ng dalaga.
Parang musika sa tenga ni Aling Nelia ang kaniyang narinig. Hindi na siya makapaghintay na siraan muli si Carol sa kanilang mga kapitbahay.
Nang hapon ding iyon ay tinipon ng ginang ang kaniyang mga kumare sa tsismisan. Isiniwalat niyang lahat ng kaniyang narinig. Maya-maya ay dumaan si Carol kasama ang kaniyang mapapangasawang Hapon.
“Ibang klase ka talaga, Carol. Kaya mo pang iharap ang mukha mo sa amin? Akala mo ba’y hindi namin alam ang tunay na pagkatao ng mapapangasawa mo?” sambit ni Aling Nelia.
“Hindi ko po kayo maunawaan. A-anong tunay na pagkatao?” pagtataka ng dalaga.
“Narinig ko mismo sa mga kapatid mo na ang lalaking iyan ay masamang tao! Mababang uri ka ng babae dahil sa ngalan ng pera’y nagpapagamit ka naman!” wika muli ng ginang.
Hindi na naiwasan pa ni Carol na mainis. Lalo pa at masasakit at personal na ang panghahamak sa kaniya ni Aling Nelia.
“Wala kaming ginagawang masama sa inyo at hindi naman pinakikialaman ang buhay ninyo. Kaya naman huwag n’yong pakialaman ang buhay namin! Kung wala kayong matinong masasabi ay huwag kayong gumawa ng kwento!” galit na wika ni Carol.
Ngunit nagpatuloy ang mga pasaring ni Aling Nelia hanggang sa tuluyan nang nag-init ang ulo nitong si Carol at nakipagbangayan.
Dahil dito ay dinala sila sa baranggay. Doon ay nagpaliwanag ang bawat kampo. Ngunit nang magsalita si Aling Nelia ay tinawanan lamang siya ng mga kapatid ni Carol.
“Ano’ng nakakatawa? Hindi ba’t galing sa bibig ninyo mismong sindikato ang mapapangasawa ng ate n’yo!” saad ng ginang.
“Natatawa kami dahil hindi kami nagkamali sa inakala namin. Nagplano kaming magkakapatid na gawan ng kwento si Ate Carol dahil alam naming minamanmanan mo kami. Ipinagtatanong mo ang nobyo niya sa ilang kaanak namin. Bakit? Hinahanapan mo ng butas ang ate ko? Bakit ba gustong gusto mo siyang maging masama sa paningin ng ibang tao? Mapapahiya ka ngayon sa malalaman mo!” wika ng isang kapatid ng dalaga.
“Hindi totoong kabilang sa sindikato ang mapapangasawa ni ate. Ang totoo nga ay simple lang ang pamumuhay niya sa Japan. Ang ate ko ang mapera sa kanilang dalawa dahil siya ang may-ari ng isang malaking negosyo sa ibang bansa. Nakilala niya ang nobyo niya at nahulog siya rito dahil mabait ito at maunawain. Simula pa lang naman ay wala nang halaga sa ate ko ang antas sa buhay ng iibigin niya!” sambit naman ng bunso.
“E, kung walang halaga ay bakit hindi niya sinagot ang anak ko! Sinira niya ang buhay ni Dante!” giit pa ng ginang.
“Hindi ako ang sumira sa buhay ni Dante kung hindi siya mismo. Noon pa man ay kaibigan lang ang turing ko sa kaniya. Paano ko magugustuhan ang isang lalaking walang pangarap at maraming bisyo? Wala akong nakuhang respeto sa kaniya! Kailangan mong imulat ang mga mata mo, Aling Nelia! Hindi santo ang anak mong si Dante. Noon pa man ay lulong na siya sa alak at iba pang bisyo! Kaya huwag n’yong ibuntong sa akin ang sisi!” wika naman ni Carol.
Sa puntong iyon ay nagbulungan ang ibang mga kapitbahay na nakikiusyoso. Maging ang ilang tauhan sa baranggay ay sinang-ayunan din ang sinabi ni Carol na sakit sa ulo si Dante.
Labis na napahiya si Aling Nelia. Imbes na humingi ng tawad ay lalo pa itong nagkalat ng tsismis tungkol kay Carol, dahilan upang tuluyan na siyang sampahan ng kaso nito.
Noong una ay malakas pa ang loob ni Aling Nelia. Ngunit nang sang-ayunan na ng korte ang kampo ni Carol ay para itong maamong tupa na nagmamakaawa.
“Pinapatawad ko na kayo sa lahat ng mga sinabi n’yo sa aking hindi totoo, pero may batas na kailangan mong panagutan nang sa gayon ay magtanda na ang mga tulad mong walang ginawa kung hindi punuin ang utak ng tsismis,” saad ni Carol kay Aling Nelia.
Labis na pagsusumamo ang sigaw ni Aling Nelia habang dinadala siya sa piitan. Ngunit buo na ang loob ni Carol na bigyan ng leksyon ang matandang walang pinagkatandaan.