Inday TrendingInday Trending
Ayaw Dalawin ng Binata ang Kaniyang Lolo at Lola; Magbabago ang Lahat dahil sa Regalo ng mga Ito

Ayaw Dalawin ng Binata ang Kaniyang Lolo at Lola; Magbabago ang Lahat dahil sa Regalo ng mga Ito

“Bryan, magbihis ka na at pupunta na tayo sa lolo mo,” saad ni Alice sa anak habang naglalaro ito ng playstation.

“‘Ma, bakit kailangan pang sumama ako? Hindi ba p’wedeng ikaw na lang? Tinatamad talaga ako, e!” saad naman ng binata.

“Anak, minsan na nga lang natin makasama ang mga lolo at lola mo. Pasko naman ngayon at wala ka naman ding ibang gagawin dito sa bahay. Magiging masaya ang mga iyon kapag nakita ka nila,” dagdag pa ng ina.

“Ayoko kasi talagang pumupunta kina lolo at lola. Dyahe! Ang liit ng bahay nila. Hindi ako makakilos nang maayos. Isa pa, wala rin naman akong mapapala kapag pumunta ako sa kanila. Wala naman silang maibibigay na regalo sa akin!” dagdag pa ni Bryan.

“Anak, hindi kita pinalaki na maging materyalistiko. Matatanda na ang mga lolo at lola mo. Sa simpleng pagdalaw ay malaking bagay na iyon para sa kanila. Huwag ka nang mag-asam ng kahit ano mula sa kanila. Matatanda na sila at simple lang ang buhay na mayroon sila,” paliwanag muli ni Alice sa anak.

Kahit na ano’ng paliwanag ng ginang ay hindi pa rin tumitindig ang binata upang magbihis. Ang hindi alam ng dalawa ay nakikinig ang haligi ng tahanan na si Henry. Nakabihis na rin ito at sasama sa pagdalaw sa mga biyenan.

“Kapag hindi ka pa nag-ayos at hindi ka sumama sa amin ngayon sa mga lolo at lola mo ay hindi mo na makikita ang playstation mo na ‘yan. Huwag mong painitin ang ulo ko, Bryan. Bigyan mo ng respeto ang mga magulang ng mama mo!” sambit ng ama.

Kahit labag sa kalooban ni Bryan ay gumayak siya upang sumama patungo sa bahay ng kaniyang lolo at lola. Sa buong byahe ay nakasimangot lamang siya.

“Bakit ba kailangan pa kasi nating dalawin sina lolo at lola? Kapag may nakakita pa sa akin na tropa ko na nagpupunta ako sa lugar na iyon ay baka maging tampulan lang ako ng tukso,” saad ni Bryan.

“Mas iniisip mo pa ‘yan kaysa makasama mo ang mga magulang ng mama mo? Hindi mo alam kung gaano kalaki ang sakripisyo ng mga ‘yun para sa mama mo. Kapag nagpatuloy ang ugali mong ganyan ay hindi mo na rin makikita ang mga itinuturing mong kaibigan!” wika muli ng ama.

Dahil palagi na siyang pinagsasabihan ng ama ay lalong tumitindi ang inis niya sa kaniyang lolo at lola.

Hindi nagtagal ay nakarating muli sila sa tirahan ng matandang mag-asawa. Hindi na nila nagawang ipasok sa eskinita ang kanilang sasakyan dahil hindi ito magkakasya. Halos takpan tuloy ni Bryan ang kaniyang mukha dahil sa kahihiyan.

Habang papasok sa lugar na kinalakihan ng kaniyang ina’y maraming bumabati sa kaniya. Magiliw namang nakikipag-usap si Alice at si Henry pero ilag si Bryan.

“‘Ma, tara na! Tama na ‘yan at pumunta na tayo kina lolo at lola para makauwi na tayo agad. Hindi ko na makakayanan pa ang lugar na ito!” wika ng binata.

Napailing na lang si Alice. Pinigilan din niya ang mister dahil muli nitong pagagalitan ang anak.

Nang makarating sa dating tirahan ay mainit na sinalubong ng dalawang matanda ang mag-anak.

“Masaya kami at nakadalaw kayo rito. Sana’y dinadalasan n’yo naman ang pagpunta n’yo!” saad ni Aling Anita.

“Oo nga! Ito na pala ang apo kong si Bryan! Aba’y ang bilis ng pagtangkad mo, apo!” saad naman ni Mang Pedring.

“Halina kayo sa loob ay ipinagluto namin kayo. Pagpasensyahan n’yo ang bahay at talagang luma na. Tulad ng mga nakatira,” natatawang saad muli ng lolo.

Nilibot ni Bryan ang kaniyang mga mata sa lumang bahay na iyon. Hindi niya maiwasan na maningkit ang kaniyang mga mata dahil hindi niya gusto ang kaniyang mga nakikita.

“‘Tay, pumayag na kayo ni nanay na ilipat namin kayo ni Henry ng bahay. Hindi na ligtas ang lugar na ito para sa inyo,” saad ni Alice sa ama.

“Huwag mo na kaming alalahanin, anak. Sanay na kami ng nanay mo rito!” wika pa ni Mang Pedring.

“Kung ayaw n’yong lumipat, ‘tay, ipapagawa na lang namin itong bahay,” saad naman ni Henry.

“Huwag na kayong mag-abalang mag-asawa. Ayos lang kami ng nanay n’yo rito,” saad muli ng matanda.

“Ang gusto kong makausap ay itong apo ko! Kumusta ka na ba, Bryan? Kumusta na ang eskwela? Kuwentuhan mo naman ang lolo!” dagdag pa nito.

“A-ayos lang naman po,” matipid nitong sagot.

“Ikwento mo nga sa lolo mo, anak, kung paano n’yo nasungkit ang tropeyo sa basketball. Tiyak akong matutuwa siya,” saad naman ng ina.

“Saka na lang po. Wala po ako sa mood na magkwento,” saad muli ni Bryan.

Naiinis na si Henry sa ipinapakita ng anak. Ngunit pinipigilan pa rin siya ni Alice.

“Hayaan n’yo na at ganyan talaga ang mga kabataan. Basta, apo, kapag gusto mo nang ikwento ay sabihin mo lang sa akin. Gusto kong marinig,” wika muli ni Mang Pedring.

Habang nagsasalu-salo ang lahat ay nasa gilid lang si Bryan at ayaw makipag-usap. Napansin ito ng kaniyang lolo kaya naman nilapitan siya nito.

“May problema ka ba, apo? May nais ka bang kainin? Sabihin mo lang at bibilhin ko,” saad ng matanda.

“Wala naman po. Siguro ay pagod lang ako,” tugon naman ni Bryan.

“Alam ko na ang magpapasaya sa iyo, apo. Sandali lang at kukunin ko,” muling wika ng lolo.

“Huwag na po, ‘lo. Hayaan n’yo na lang po akong mag-isa dito,” saad muli ng binata, pero hindi na siya narinig ng matanda. Dahil mabilis itong pumasok ng silid.

Pagbalik nito ay may dala na itong supot na may lamang barya.

“Heto, apo, ang lahat ng ito’y sa’yo! Itago mo na at baka makita pa ng mama mo,” nakangiting sambit ni Mang Pedring.

Tiningnan ni Bryan ang plastik. Napaisip siya nang makita kung magkano ito.

“Anong gagawin ko sa kakarampot na perang ‘to? Ni hindi ito makakabili ng paborito kong kape!” wika ni Bryan sa isip.

Pilit niyang ibinabalik ito sa kaniyang lolo ngunit nagpumilit ito. Hanggang sa lumapit na rin ang kaniyang Lola Anita.

“Binigay mo na pala ang regalo mo sa apo mo! Hindi ka rin nakatiis. Ang akala ko ba’y bago sila umalis?” kantiyaw ng matanda.

“Ayoko kasing nakikitang nalulungkot itong apo natin kaya binigay ko na agad,” sambit naman ng kaniyang lolo.

“Pinag-ipunan ‘yan ng lolo mo. Ipinapasada pa rin niya ang luma niyang pedikab dahil nag-iipon daw siya ng pamasko mo. Bilang nga siya nang bilang niyan. Atat na atat na ibigay sa iyo. Pinaghirapan niya ‘yan masyado,” wika pa ng lola.

Muling tinignan ni Bryan ang plastik at laman nitong mga barya, saka niya ibinaling ang tingin sa kaniyang lolo. Kahit na matanda na ito’y nagsikap pa ring mamasada para lang mabigyan siya ng pamasko at mapasaya siya.

Hinigpitan ni Bryan ang hawak sa plastik. Napagtanto niyang tunay na mababait ang kaniyang mga lolo at lola.

“Napasaya po ako ng regalo ni lolo. Sobrang salamat po sa inyong dalawa. Idadagdag ko po ang perang ito sa ipon ko. Maraming salamat po!” naiiyak na wika ni Bryan sabay yakap sa kaniyang lolo at lola.

Natuwa naman sina Alice at Henry sa ipinakitang ito ng anak.

“Masaya kami na pinahahalagahan mo ang regalong bigay sa iyo ng lolo at lola mo, anak,” saad ni Alice sa binata.

“Napagtanto ko na napakaswerte ko dahil mabait ang lolo at lola ko, ‘ma. Luma na ang bahay na ito ngunit hindi man lang sila humingi ng kahit magkano sa inyo ni papa. Ayaw nilang maging abala sa atin at dagdag pasanin kaya kahit hanggang ngayong matanda na sila’y nababanat pa rin ng buto. Nagsisisi ako na ngayon ko lang pinili na makipagpalagayan sa kanila ng loob. Maraming taon ang nasayang ko. Kaya hindi ko na hahayaang mawala pa sa amin ang maraming panahon. Dadalasan ko po ang pagdalaw rito kina lolo at lola,” sambit naman ni Bryan.

Mula noon ay napalapit na ang loob ni Bryan sa kaniyang mga lolo at lola. Kada araw ng Linggo ay dinadalaw niya ang mga ito. Palagi niyang kinukwentuhan ang mga ito tungkol sa kaniyang pag-aaral at paglalaro ng basketball. Masayang masaya naman ang dalawang matanda na lagi nilang nakakapiling ang kanilang apo.

Labis din naman ang saya sa puso ni Alice at Henry dahil sa wakas ay malaki na ang ipinagbago ng kanilang nag-iisang anak.

Advertisement