Ikinatakot ng Lalaki na Tuluyang Malugi ang Kaniyang Pinaghirapang Negosyo; Isang Misteryosong Matanda ang Tutulong sa Kaniya

Napakasakit para kay Celso na makitang nalulugi na ang negosyong panaderya na naipundar niya. Lahat ng naipon niya mula sa pinagtrabahuhang kumpanya, sampung taon na ang nakakaraan, ay sa negosyo niya ginastos at ibinuhos.

Kinakabahan siya na kung magtuluy-tuloy ang pagkalugi ng kaniyang pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan ay paano na ang kaniyang pamilya? Iniisip niya ang apat na anak niyang umaasa sa kaniya, nag-aaral pa ang mga ito at isang taong gulang pa lang ang bunso niya. Walang trabaho ang asawa niyang si Nora na pinatigil niya sa pinapasukan nitong maliit na kumpanya para tutukan na lang ang kanilang mga anak. Ngayong hindi niya alam kung saan pa siya kukuha ng pera dahil simot na simot na siya ay nangangamba siya na baka isang araw ay wala nang makain ang mag-iina niya.

“Ikaw kasi, sinabi ko na sa iyo dati na hindi maganda ‘yang napili mong negosyo, anak. Sana ay nakuntento ka nalang na maging empleyado, eh ‘di sana hindi ka namomroblema ngayon. Ang pagnenegosyo ay isang napakalaking sugal, pare,” sermon ng kaniyang ama.

Noon pa ay tutol na ito at ang kaniyang ina nang sabihin niyang magre-resign siya sa posisyon niyang marketing manager sa opisina para makapag-focus sa sariling pamilya at magsimula ng negosyo. Gusto lang naman niyang bigyan ng mas maayos na buhay ang kaniyang mag-iina.

“Sinubukan ko lang naman, papa, at least hindi ko masasabi minsan sa buhay ko na ‘di ko sinubukang abutin ang pangarap kong mabigyan ng magandang buhay ang pamilya ko,” wika niya sa ama habang kausap ito sa selpon.

“Hindi ka kasi nakinig sa amin ng mama mo, eh. Ayan tuloy, nalulugi na ang negosyo mo. Mapapakain ba ng pangarap mo ang pamilya mo?” tugon pa ng kaniyang ama sa kabilang linya.

Hindi na siya nakipagtalo pa sa ama, alam niyang walang pupuntahan kung makikipagsagutan pa siya rito. Labag man sa loob niya ay tanggap na niya ang katotohanan na tila tama ang kaniyang ama sa mga sinabi nito. Tinapos na niya ang tawag at nagmamadaling lumabas ng bahay para mamalengke. Oo, siya ang namamalengke imbes na ang kaniyang asawa. Siya kasi ang magaling mamili kaya hinahayaan siya ng misis niya na siya ang mamalengke.

Habang naglakakad ay natanaw niya ang isang matandang lalaki na nakatayo sa gilid ng kalye, nakangiti ito sa kaniya kaya tinanguan at nginitian niya rin ito.

Advertisement

“Magandang umaga, hijo,” masaya nitong bati.

Saglit siyang napatigil sa paglalakad para makipagkuwentuhan ng ilang minuto. Magaan kasi ang loob niya sa matanda at mukhang palakaibigan naman ito.

“Magandang umaga rin po, sir,” magalang niya sabi.

“Naku, huwag mo na akong tawaging sir, manong na lang. Eh saan ka ba patungo? Mukha kasing nagmamadali ka?”” tanong ng matanda.

“A, eh, mamamalengke po ako. Ako po kasi ang namamalengke,” sagot ni Celso.

“Bihira sa lalaki ang namamalengke, hijo. Ganyan din ko nung kabataan ko, eh, mahilig din akong magpunta ng palengke para mamili. Mahilig kasi akong magluto noon. Ginagawa ko iyon kapag hindi ako abala sa aking negosyo,” wika ng matanda.

“Ah, may negosyo rin po pala kayo, manong?” tanong niya.

“Oo, hijo, pero nang lumago na ang aking negosyo ay ang mga anak ko na humawak niyon dahil matanda na ako. Hindi ko na kayang pamahalaan pa iyon. Kaya nga ngayon ay naglalakad-lakad na lang ako sa umaga, minsan ay nami-miss ko rin ang may mga ginagawa. Ikaw? Kaya napansin kita kanina ay mukha kang may problema, hijo. Habang naglalakad ka’y parang may gumugulo sa isip mo,” sabi ng matanda.

Advertisement

“May negosyo rin po kasi ako, manong, kaso…” nahihiya niyang sabi.

“O, pareho pala tayong businessman, eh, pero anong kaso ang sinasabi mo?” tugon ng kausap.

“P-palugi na po kasi ang negosyo ko. Kaunti na lang ang natitirang ipon ko at baka sa susunod na mga linggo, mawala na ang lahat sa amin ng pamilya ko,” hayag niya sa matanda.

“Talaga ba? Naku, nakikita ko talaga ang sarili ko sa iyo, hijo. Ganyan na ganyan ako dati. Teka, tanggapin mo ito, hijo,” sambit ng matanda na may dinukot na belt bag nitong dala. Tseke iyon, sinulatan ng matanda ng malaking halaga at ibinigay sa kanya.

“T-teka, ano po ito?” gulat niyang tanong.

“Tulong ko sa iyo iyan, dagdag puhunan. palaguin mo ha? Ibalik mo akin ang pera kapag matagumpay ka na, hijo,” wika ng matanda at naglakad na palayo.

Naiwang nakatulala si Celso, hawak ang tsekeng ibinigay sa kanya ng matanda na hindi man lang niya naitanong ang pangalan.

Dahil nahihiya siya ay pinilit niyang hanapin ang matanda para ibalik ang tseke ngunit hindi nga niya kilala ito at saan niya hahanapin. Inisip na lamang niya na hulog ng langit ang matanda na nagbigay ng tulong sa kaniya, kaya agad niyang pinapalit sa bangko ang tseke at ginamit ang pera para ibangon ang naghihingalo niyang panaderya.

Advertisement

Makalipas ang ilang buwan ay nabawi ni Celso ang kaniyang puhunan at napalago miyang muli ang kaniyang negosyo. Lubos siyang nagpapasalamat sa matandang tumulong sa kaniya, nagbakasakali ulit siya na hanapin ito. Habang sakay siya ng kaniyang kotse ay napadaan siya sa isang panaderya at laking gulat niya nang makita ang logo nito na ang mukha ng matandang nagbigay sa kaniya ng pera ang nakalagay.

“Di ako maaaring magkamali, siya ‘yung matandang nakausap ko,” bulong niya sa isip.

Bumababa siya ng sasakyan at pinuntahan ang panaderya. Doon niya nakilala ang isang dalaga na anak ng matandang lalaki. Napag-alaman niya na ang panaderyang iyon ay pagmamay-ari ng matanda na ang tunay na pangalan ay Pedro Ruiz, isang negosyante. Ikinuwento niya rito ang tungkol sa ginawa ng ama nito ngunit hindi siya makapaniwala sa sinabi ng babae.

“P-pero imposibleng gawin iyon ni papa… dahil tatlong taon na siyang sumakabilang buhay. Pumanaw siya dahil inatake siya sa puso nang malamang nalulugi na ang negosyo naming ito noon. Mula nang mawala siya ay kaming magkakapatid na ang humawak nito at dahil hindi kami pumayag na tuluyan itong malugi ay ginawa namin an lahat ng magagawa namin upang isalba ang panaderyang ito na pinaghirapang itayo ng aming ama noon. Sa ngayon ay maayos na ulit ang takbo ng aming negosyo,” bunyag ng babae.

“A-ano?!” gulat na sambit ni Celso na nanlaki pa ang mga mata sa tinuran ng anak ng matanda.

“Kahit ako ay hindi makapaniwala sa nangyari sa iyo. Pano niya nagawa iyon? Saan galing ang tseke? M-marahil ay tinulungan ka ni papa dahil nakita niya kung gaano mo kamahal ang iyong negosyo. Ganoon kasi siya nung nabubuhay pa siya, masyado siyang matulungin sa iba kaya maraming nagmamahal sa kaniya,” wika ng babae na hindi napigilang maluha at bigla nitong naalala ang yumaong ama.

Napaluha na rin siya sa sinabi ng babae tungkol sa ama nito. Hindi man niya maipaliwanag ang nangyari sa kaniya, napakalaki pa rin ng utang na loob niya sa matanda. Ito ang nagbigay sa kaniya ng pag-asa na muling makabangon sa pamamagitan ng malaking halagang ibinigay nito na hindi rin niya alam kung saan nagmula.