
Tsismosa at Laitera ang Babae sa Opisina; Tiklop Siya Nang Sugurin Siya ng Hindi Inaasahang Bisita
Ilang taon nang nagtatrabaho sa isang kumpanya sa Cubao si Aleli. Maganda siya, may mahaba at magandang buhok, maputi ang kutis, matangkad, seksi ang pangangatawan at may mapupungay na mga mata, pero mayroon siyang napakasamang ugali. Iyon ay ang pagiging tsismosa at pintasera. Sa pinapasukan niyang opisina ay wala siyang masyadong makasundo dahil sa ugali niya. May tatlong empleyada siyang palaging kaututang dila na sina Tessie, Jona, at Rhoda ngunit gaya niya ay mga tsismosa din at plastikada ang mga ito.
“Alam niyo ba si Tony ng sales department ay may mabahong amoy? Nakakasuka talaga, kapag katabi ko’y amoy na amoy ang putok sa kili-kili,” sabi ni Aleli, sinundan pa ng malakas na tawa. Rinig na rinig sa buong opisina nila ang usapan nilang iyon, di niya inisip baka makasakit siya sa kaniyang kapwa.
“Uy, huwag ka masyado maingay bruha, baka marinig ka nung tao,” wika ni Rhoda sa kaniya na hindi maisawan na mapabungingis din.
“So? Wala akong pakialam kung marinig niya. Totoo naman ang sinasabi ko, eh. Pag nag-Christmas party nga tayo, kapag siya ang nabunot ko sa exchange gift ay deodorant o tawas ang ireregalo ko sa kaniya,” hirit pa niya.
“‘Di ka ba natatakot? Baka ireklamo ka ni Tony sa boss natin nang paninirang puri at matanggal ka sa opisina,” sabad ni Jona.
Mas humalakhak pa nang malakas si Aleli.
“Wala akong dapat ikatakot,” tugon niya.
Wala talaga siyang takot na masumbong dahil kabit siya ng boss nila na may-ari ng kumpanya.
Kaya rin malakas ang loob ni Aleli dahil alam niyang walang magtatangkang bumangga sa kaniya sa opisina dahil pat*y na pat*y sa kaniya ang kanilang boss. Sino ba naman kasing hindi mabubulag at mauul*l sa taglay niyang ganda? Kaya nga lahat ng gusto niya, lahat ng luho niya ay ibinibigay ng kanilang boss. Wala siyang hiniling na hindi nito idinulog sa kaniya.
“Alam niyo ba si Anna ng accounting department, may dyowang ubod ng tanda at napapanot na?” sabi pa niya sa mga kasama.
“Grabe ka, pati si Anna, eh tsinitsismis mo? Nananahimik ‘yung tao,” sabi ni Tessie.
“Oo nga, mas mataas ang posisyon niya sa iyo, kaunting respeto naman,” sabad ni Rhoda.
“Pake ko! Gusto mo sabihin ko pa sa harap niya? Siguradong hindi niya iyon maitatanggi sa akin dahil kitang-kita ko talaga sila nung dyowa niyang uugud-ugod sa lobby nitong building,” sagot niya na humagikgik pa.
Lingid sa kaalaman niya ay narinig pala iyon ni Anna, sadyang mabait lang talaga ang babae kaya hindi siya nito pinatulan. Dahil doon kaya si Anna na ang paboritong itsismis at pintasan ni Aleli sa opisina. Tingin niya kasi ay kaya-kayanan niya ito kaya hindi ito pumapalag.
Isang araw, habang abala siyang nalalagay ng lipstik at make up sa mukha niya sa mismong mesa niya ay hindi niya napansin na pumasok sa loob ang nagwawalang babae na pilit na pinipigilan ng kanilang boss at ng security guard.
“Sweetheart, huwag kang mag-eskandalo dito. Sa bahay natin pag-usapan ito, please. Mabuti pa ay umuwi ka na, huwag kang manggulo rito,” mahinahong sabi ni Derick, ang boss at ang may-ari ng kumpanya na kinakalantari ni Aleli.
“Ayaw mo ng gulo? Kung ayaw mo ng gulo eh, ‘di sana ginagawa mo ‘yung responsibilidad mo sa amin ng mga anak mo! Ilang buwan ka nang hindi nagpapadala ng pera sa amin sa probinsya, tapos malalaman ko na ginagastos at inuubos mo ang sahod mo sa babae mo! Mga hayop kayo!” galit na galit na sabi ng babae na dinuro pa ang lalaki.
Walang nagawa si Derick at dalawang security guard na pumipigil kay Dianna, ang legal na asawa ng lalaki. Dire-diretso ito sa kinauupuan ni Aleli at huli na nang makita niya ito, nahablot na ng babae ang buhok niya.
“Walang hiya kang babae ka! Kailan mo ba titigilan ang panghuhuthot sa asawa ko? Ang kapal ng mukha mong mag-inarte rito, eh, kabit ka lang naman!” gigil na sabi ni Dianna na matapos pagsasabunutan ay pinagsasampal pa hanggang sa mamaga ang pisngi ni Aleli.
“T-tulungan niyo ako, please!” mangiyk-ngiyak niyang sabi sa tatlo niyang kaibigan pero imbes na tulungan siya ay kinuhanan pa siya ng video ng mga ito gamit ang selpon.
“Iyan ang bagay sa iyo! Ang lakas ng loob na mamintas sa kapwa niya iyon naman pala ay siya itong may itinatagong baho. Dakilang kabit lang pala ni boss, buti nga sa iyo!” bulungan ng ilang mga empleyado, rinig na rinig lahat iyon ni Aleli. Sinubukan niyang lumaban pero mas malakas ang misis ni Derick. Nagmukha siyang basahan sa ginawang pagkaladkad sa kaniya at pambubugb*g ng babae.
Maya maya ay naawat na rin ng mga security guard ang gulo, inilabas ng mga ito ang nagwawalang babae at inilayo na sa lugar na iyon. Naiwan siyang talunan at kaawa-awa. Hiyang-hiya siya at wala nang mukhang maihahaharap pa sa mga kasama niya sa trababo na pinagtitinginan at pinagbubulungan siya. Ni walang tumulong na itayo siya sa pagkakalupasay niya sa sahig. Kahit si Derick ay hindi siya naipagtanggol at mas kinampihan ang misis nito.
Kinabukasan ay nagbigay na siya ng resignation letter at umalis na sa kumpanyang iyon na baon ang lahat ng kahihiyan na natanggap niya. Sising-sisi siya sa mga ginawa niyang pagtsitsismis at pamimintas sa kapwa at ang pagpatol niya sa asawa ng may asawa. Ayan ang napala niya na punahin ang mali ng iba, eh, mas malaki pa pala ang mali niya na hindi niya nakita. Siningil tuloy siya ng karma.