
Matinding Galit ang Nararamdaman ng Babae sa Tatay na Dyanitor Kaya Nang Sumakabilang Buhay Ito ay Wala Siyang Pakialam; Iiyak Siya sa Malalaman Niya
Inis na nagdabog si Celine nang yayain siya ng lola niya na pumunta sa libing ng kaniyang ama.
“Ayoko nga, eh! Bakit ba ang kulit mo, lola!” singhal niya sa matanda.
“Hindi ka na nga tumulong nung nakaburol ang tatay mo, ngayon ay hindi ka pa sasama sa pakikipaglibing,” wika ng Lola Biring niya.
“Sorry, lola, pero ayoko po talaga. Ayokong magkunwari na nagdadalamhati sa pagkwala niya, hindi ako plastik!” matalas na wika niya.
“Ano ka ba naman, Celine? Huwag ka sanang ganyan magsalita sa tatay mo, siya pa rin ang ama mo. Hanggang ngayon ay hindi mo pa rin siya mapatawad dahil nag-aboad siya?” tanong ng matanda.
“Lola, paulit-ulit na lang tayo! Tungkol na naman sa pag-a-abroad niya? Noong namat*y nga si nanay ni hindi nga siya umuwi rito sa Pilipinas para silipin ang labi ng asawa niya. Mula nang nag-abroad siya ay wala na siyang pakialam sa pamilyang ito. Ilang taon siyang walang paramdam sa atin. Oo, palagi siyang nagpapadala ng pera pero sa mga espesyal na okasyon gaya ng Pasko, birthday ko, dedma siya. Ang sabihin niyo mukha siyang pera! Tapos nang malaman niyong nagkasakit siya’t namat*y sa abroad at iniuwi rito ay parang wala siyang kasalanan, nakalimutan niyo na ang mga ginawa niya?” aniya.
Hindi na nakipagtalo pa si Lola Biring sa apo at malungkot nitong tinalikuran si Celine.
Trese anyos lamang ang dalaga nang magtrabaho sa Dubai ang tatay niyang si Froilan na isang dyanitor doon. Dati naman ay malapit na malapit silang mag-ama pero nagbago ang lahat nang dumalang ang pagtawag nito sa kanila. Tumatak tuloy sa isip niya na nakalimutan na sila ng ama.
Sa ilang taong nasa abroad ay talaga namang guminhawa ang buhay nila ngunit ang kapalit niyon ay ang mas lumalim na sama ng loob niya sa ama sa hindi nito pag-uwi at pagtawag sa kanila. Nagulat na lamang siya nang mabalitaan na nagkasakit ito sa Dubai at ilang araw lang ay pumanaw na rin. Sa pagkawala ng tatay niya ay naiwan sa puso niya ang matinding galit kaya nga kahit sa libing ay ayaw niya itong puntahan man lang.
Matapos makapagtapos ng pag-aaral ay naisipan niyang magtrabaho rin sa ibang bansa. Mula nang pumanaw ang kaniyang ama ay wala nang tumulong sa pagpapa-aral sa kaniya kaya nag-working student siya hanggang sa makatapos. Kulang na kulang ang kinikita ng lola niya sa pagba-buy and sell at naubos din ang ipon nila nang mailibing ang tatay niya.
Bagamat isinumpa niya sa sarili na kailanman ay hindi niya uulitin ang ginawa ng kaniyang ama ay kailangan para kumita ng mas malaking pera para sa lola niya at dalawa pang kapatid na nag-aaral sa hayskul. Siniksik niya sa isip na magtatrabaho siya hindi para sa sarili kundi para sa mga mahal niya sa buhay.
Ngunit kahit may pinag-aralan ay nauwi pa rin sa pagiging janitress ang naging trabaho niya sa Dubai. Na-assign siya sa isang maliit na opisina at masuwerte siyang mababait din ang mga amo niya roon.
Isang araw ay nilapitan siya ng boss niyang babae.
“Celine, can you do me a favor?” tanong nito.
“Yes, ma’am?”
“My brother is in need of a helper. Can you do a part time job for him? Cleaning his house is your main priority. Is it okay if you stay there for two day only? I give you bonus for your service,” wika ng banyagang babae na hirap na hirap mag-Ingles pero naitawid naman nito.
Natapos na raw kasi ang kontrata ng tiga-linis sa bahay nito at nakatakada nang umalis pero hindi pa dumarating ang bago nitong kinuhang houseboy kaya nakiusap ito na siya muna ang maglinis doon. Babayaran naman daw siya nang malaki sa hinihingi nitong pabor.
Pumayag si Celine sa pakiusap ng amo. Mabait naman ang amo niya at malaki pang magpasahod saka nakilala na rin niya ang kapatid nitong lalaki na mabait din kaya panatag siya.
Masaya siyang sinalubong na banyagang lalaki nang puntahan niya ang bahay nito.
“Are you, Celine? Please come inside, you will meet Lucas, he is my houseboy for seven years. Before he left, he will orient you with the things that you have to do here. I will talk to you later, sorry, I am really busy, I have to go to work,” nagmamadaling wika ng lalaki bago sumakay ng magarang kotse at umalis na.
Pagpasok niya sa loob ay nakilala niya ang matandang lalaki na matagal nang houseboy ng kapatid ng amo niya. Sa tingin niya ay nasa sisenta anyos na ito. Sa isip niya ay tama lang na umuwi na ito sa Pilipinas upang makapagpahinga na sa ilang taong pagtatrabaho roon.
“Ano nga ulit ang pangalan mo, ineng?” tanong ng matanda.
“Ako po si Celine, Celine Mateo po,” sagot niya.
Nagulat ang matandang lalaki.
“M-may kilala ka bang Froilan? Froilan Mateo?”
Natahimik si Celine, kilala nito ang tatay niya.
Nang hindi siya sumagot ay muling nagsalita ang matanda.
“Kamukhang-kamukha mo kasi siya, eh, at magka-apelyido pa kayo. Nagtrabaho din siya dito sa Dubai noon bilang janitor din,” tugon ng kausap.
“Umiling siya.
“W-wala, wala po akong kilalang Froilan Mateo,” pagsisinungaling niya.
“Ganoo ba? Naging malapit kong kaibigan ang taong iyon at napakabait niya. Alam mo, hija, kawawa ang kaibigan kong iyon. Minalas iyon sa amo niya eh, sa pinapasukan niyang kumpanya. Malupit ang naging boss niyang Arabo, palagi siyang pinagtatrabaho ng lampas sa oras at hindi rin siya sinusuwelduhan. Sa lahat kasi ng empleyado roon ay siya lang ang Pinoy, eh, mainit ang dugo nung Arabong amo niya sa lahi natin kaya ayun, minsan din kinukulong sa basement nung opisina at ginugutom. Pinipigilan din daw nung amo na tumawag sa mga kamag-anak sa Pilipinas, ganoon ang naging lagay niya rito,” malungkot na kuwento ng matanda.
Nanlambot ang buong katawan ni Celine sa natuklasan niya.
“At alam mo rin ba na palagi niyang ikinukuwento sa akin ‘yung mga anak niya lalo na yung panganay, na nakalimutan ko na ang pangalan. Mahal na mahal niya raw ang mga anak niya, kaya raw siya nagtrabaho rito sa Dubai ay para mabigyan niya ng magandang buhay ang mga ito subalit hindi rin nagtagal ang buhay ng kaibigan ko at nagkasakit ng malubha sa sobrang pagkayod dito at sobrang pagpapahirap sa kaniya ng dating amo. Pumanaw siya na hindi man lang nakakausap ang kaniyang pamilya. Balita ko’y naiuwi na sa Pilipinas ang labi niya at nailibing na rin. Kung nasaan man ang mga anak niya’y sana alam nila ang lahat ng paghihirap ng tatay nila,” naluluhang sabi ng matandang houseboy.
Hindi namalayan ni Celine na tumutulo na pala ang kaniyang mga luha.
Diyos ko, ni hindi niya pinuntahan ang tatay niya sa libing nito. Halos isumpa rin niya ito. Anong klase siyang anak?
Ni hindi niya ito nayakap, ni hindi niya nasabing mahal niya ang ama kahit sa harap man lang ng labi nito. Napakalaki pala ng dapat niyang ipagpasalamat dito kaya ‘di na niya napigilan ang sarili na mapahagulgol nang iwan na siya ng matanda.
Nang matapos ang trabaho niya sa mga amo ay nagpaalam siya na magbabakasyon ng ilang araw sa Pilipinas upang dalawin ang ama sa puntod nito at para makahingi siya ng tawad sa lahat ng sinabi niya.
Inalayan niya ng mga bulaklak, kandila, at panalangin ang puntod ng tatay niya. Dalangin niya na sana ay mapatawad siya ng ama at habang buhay niyang ipagpapasalamat ang lahat ng sakripisyo nito para sa kanilang magkakapatid.
“‘Tay, kulang pa ang mga ito sa lahat ng kasalanan ko sa iyo,” humihikbi niyang sabi.
Ipinakita sa kuwento kung ano ang kayang gawin ng mga magulang na OFW para sa kanilang pamilya. Tanging maipapakita o maipaparamdam natin sa kanila ay ang ating pagmamahal, pang-unawa, at pagsuporta.