Inday TrendingInday Trending
May Matinding Dahilan ang Binata Kung Bakit Siya Pumayag na Maging Konsorte ng Dalaga; Ano kaya Iyon?

May Matinding Dahilan ang Binata Kung Bakit Siya Pumayag na Maging Konsorte ng Dalaga; Ano kaya Iyon?

Miyembro si Wesley ng kabataang barangay sa kanilang lugar kaya napakaaktibo niya sa mga gawain doon lalo na ngayon na dalawang araw na lang ay magdiriwang na ng piyesta sa kanila.

“Pareng Wesley, sa taong ito na yata ang pinakamarangyang piyesta sa atin lalo na ang santacruzan,” wika ng kaibigang si Milo.

“Bakit mo naman nasabi ‘yan, pare? Wala namang pagbabago, a?” sagot ng binata.

Maya maya ay may dumating…

“Hayun, pare, ang dahilan,” sabi pa ng kasama sabay turo sa dalawang dalaga na lumapit sa kanila.

“Sila, Irene at Lily!” gulat na sambit ni Wesley.

“Tamang-tama pare, dalawa sila, tig-isa tayo,” saad pa ng kaibigan.

“Tumahimik ka nga riyan! Baka marinig ka nila, nakakahiya,” saway niya.

Wala na silang nagawa nang nasa harapan na nila ang dalawang dalaga.

“Hi, ang sipag niyo naman,” wika ni Irene.

“Oy, Wesley, kakausapin ka raw ni nanay mamaya sa bahay ha?” sabad ng kapatid ni Irene na si Lily.

Tila natulala si Wesley sa kagandahan ni Irene. Matagal na kasi niya itong crush ngunit nato-torpe siya rito. Magkababata sila ni Irene at parang magkapatid na ang turingan nila kaya nagdadalawang-isip siya na ipagtapat dito ang nararamdaman niya.

“Hoy! Ano ba, Wesley? Bakit tinitingnan mo lang kami?” sabi ni Lily.

Biglang nahimasmasan ang binata.

“Ha? A-ano kamo ‘yung sinasabi mo, Lily?” tanong niya.

“Kako, kakausapin ka ni nanay mamaya kaya daan ka sa bahay,” sagot ni Lily.

“Dahil po ikaw ang gagawing konsorte kay Lily,” sabad ni Irene.

Sa narinig ay agad na pumayag si Wesley. Hindi niya alam kung bakit nakaramdam siya ng kakaibang saya kaya nang pumunta sa bahay nina Lily…

“Mabuti naman at pumayag ka na maging konsorte ng anak ko, Wesley. Ikaw talaga ang napili ko para kay Lily, bagay na bagay kayong dalawa,” masayang bungad ng nanay nina Irene at Lily.

“Naku, tita walang anuman po. Kaibigan ko rin po itong si Lily kaya ayos lang po sa akin na maging konsorte niya sa nalalapit na santacruzan,” tugon niya.

Sa isip ni Wesley sa pamamagitan niyon ay mas mapalapit siya sa babaeng pinakatatangi niya.

“Pumunta ka na lang dito bukas ng maaga, Wesley, para sa isusuot mong barong,” wika ni Lily.

Pag-uwi niya sa bahay nila ay hindi maalis sa isip niya ang santacruzan at ang tungkol kay Irene. Sadyang napakabagal ng oras para sa kaniya. Sabik na sabik na siya, pero mas masaya sana siya kung si Irene ang kokonsortehan niya.

“Kinakabahan ako para bukas pero natutuwa ang puso ko. Bakit pa kasi naging torpe itong puso ko, eh, bukas, maglalakas loob na ako,” bulong ni Wesley sa sarili habang nakahiga siya sa kama.

Kinaumagahan…

“Milo, ayos na ba ang porma ko? Hindi na ba nakakahiyang pumares kay Lily?” tanong niya sa kaibigan.

“Oo naman. Mukha ka na ring tao,” sagot ni Milo sabay humagikgik nang malakas.

“Loko ka!”

Nagsimula na ang santacruzan at si Lily ang Reyna Elena. Habang naglalakad silang dalawa ng dalaga sa parada ay handa na si Wesley sa plano niya.

“M-maglalakas-loob na ako,” sambit niya sa isip. “Ehem, Lily, may sasabihin sana ko sa iyo, eh…”

“Ano ‘yon, Wesley?” tanong ng dalaga na napalingon sa kaniya.

At naisagawa nga niya ang matagal na niyang balak.

“A-ano? Totoo ba iyang sinabi mo sa akin, Wesley?” gulat na sabi ni Lily.

“Oo, Lily, totoong-totoo at walang halong bola,” aniya.

Mas lalong ikinatuwa ng binata ng itinugon pa ni Lily sa kaniya.

“Masyado ka kasing malihim, eh. Huwag kang mag-alala at may maaasahan ka,” wika ng dalaga.

Lumapad ang mga ngiti sa labi ni Wesley.

“T-talaga? Wow, salamat!”

Masayang natapos ang santacruzan nang gabing iyon. Sa pagbalik ni Lily sa kanilang bahay ay agad siyang kinausap ng kapatid na si Irene.

“Alam mo, ate…b-bagay kayong dalawa ni Wesley. Maganda ka at guwapo siya at pareho pa kayong mabait. Mas maganda siguro kung tuluy-tuloy na sa simbahan ang punta niyong dalawa ‘no,” wika ng kapatid.

Napangisi si Lily…

“Nagseselos ka, ano? Halika nga rito at may sasabihin ako sa iyo, Irene,” natatawang sabi ni Lily sa bunsong kapatid.

Sa ibinulong ni Lily ay laking gulat ni Irene. ‘Di makapaniwala ang dalaga sa mga sinabi ng kaniyang ate.

“Tama ba ang sinabi mo, ate? Na ako ang mahal ni Wesley?”

“Siyang tunay, aking kapatid,” tugon ni Lily sabay kindat.

At nang magkita ang dalawang pusong lihim na nagmamahalan ay wala nang pangamba at pag-aalinlangan.

“Akala ko’y ang ate ko ang crush mo kaya ka dikit nang dikit sa kaniya,” wika ni Irene.

“Gusto ko lang siyang gawing tulay…ikaw talaga ang mahal ko noon pa, Irene. Ikaw ang tunay na reyna sa puso ko,” sagot ni Wesley.

Mula noon ay wala nang nakapaghiwalay pa sa kanilang dalawa. Naging masaya ang kanilang relasyon bilang magkasintahan. Makalipas ang ilang taon ay sabay silang nagtapos sa kolehiyo at nagkaroon ng magandang trabaho. ‘Di nagtagal ay ikinasal din sila at binyayaan ng napakagandang anak. Sa kasalukuyan ay maligaya at matiwasay silang namumuhay sa probinsya.

Advertisement