Inday TrendingInday Trending
Tinanggihan Niya Kaagad ang Alok na Produkto ng Kaniyang Sekretarya; Ito pala ang Tatalo sa Produktong Ibinebenta Niya

Tinanggihan Niya Kaagad ang Alok na Produkto ng Kaniyang Sekretarya; Ito pala ang Tatalo sa Produktong Ibinebenta Niya

Wala nang mahihiling pa ang ginoong si Joseph sa buhay na mayroon siya ngayon. Wala man siyang katuwang sa buhay dahil maagang kinuha ng langit ang kaniyang asawa, masaya naman siyang makasama at maalagaan ang kaniyang mga dalagang anak na pawang magaganda at matatalino. Bukod pa roon, siksik at liglig din ang biyayang mayroon siya ngayon dahil sa kumpanyang pagmamay-ari niya na patuloy na nakikilala sa buong bansa.

Sa katunayan, magkasintahan palang sila ng kaniyang yumaong asawa nang magsimula silang magtinda ng sapatos na gawang-kamay at dahil sa ganda ng kalidad ng kanilang mga paninda, ilang buwan lang ang kanilang binilang, nakapagpatayo na agad sila ng pabrika nito at isang malaking gusali para sa kanilang mga empleyado.

Nang masiguro na nilang patuloy na aangat ang kanilang kumpanya, roon na sila nagpasiyang magpakasal at magkaanak. Kaya lang, pagkasilang nito sa kambal nilang mga anak, bigla naman itong binawian ng buhay.

Dito na niya tinibayan nang maigi ang kaniyang loob. Alam niyang hindi madali na magpalaki ng kambal na anak at magpalakad ng isang kumpanya pero dahil nga ayaw niyang madismaya sa kaniya ang asawa, lahat ay ginawa niya kahit madalas, hindi na siya nakakapagpahinga.

Ngayong malalaki na ang kambal nilang anak at patuloy na lumalago ang kanilang kumpanya na ngayon ay nagbebenta na rin ng iba’t ibang sapin sa paa at damit, siya’y tila nakampante na.

Kuntento na siya sa buhay na mayroon siya ngayon at hindi na kumukuha pa ng mga investors dahil katwiran niya, kung siya’y kukuha pa ng ilang kasosyo sa negosyo, mahahati lang ang kita ng kaniyang kumpanya.

Kaya naman, isang araw, nang siya’y masinsinang kausapin ng kaniyang sekretarya tungkol sa pinsan nitong may magandang business proposal para sa kaniya, agad niya itong tinanggihan nang hindi man lang nalalaman kung anong klaseng negosyo ang nais nitong ipakita sa kaniya.

“Boss, paniguradong lalong aangat ang kumpanya mo kapag nakipag-sosyo ka sa pinsan ko! Alam mo bang usong-uso ngayon ang mga gawa niyang…” agad niyang pinutol ang sinasabi nito.

“Alam mo namang hindi na ako interesado sa mga gan’yang klaseng produkto, hindi ba? Iyong mga kilalang produkto nga ay tinatanggihan ko, iyan pa kaya?” tugon niya rito habang patuloy na pumipirma sa mga dokumentong nasa lamesa niya.

“Bilang isang graduate ng business administration, boss, sigurado akong sisikat ang produktong mayroon ang pinsan ko! Kailangan lang talaga niya ng isang negosiyanteng maniniwala sa kaniya at makikipagsosyo sa itatayo niyang negosyo!” giit pa nito na ikinainit na ng ulo niya.

“E ‘di maghanap ka na lang iba. Matagal na akong nakapagdesisyong hindi na ako makikipagsosyo kanino man at sigurado akong walang makakapantay sa ganda ng produkto ko kahit sandamakmak pa ang maglabasang bagong produkto!” pagyayabang niya dahilan para mapatungo na lang ito at agad na lumabas ng kaniyang opisina.

Buong akala niya ay hindi pepersonalin ng kaniyang sekretarya ang paninigaw niya rito. Kaya lang, paglipas ng isang linggo, bigla na lang itong nagsumite ng resignation letter sa kaniya at hindi na kailanman nagpakita.

“Akala ko pa naman, propesyonal siyang sekretarya! Hindi pala! Maigi pa ngang magsama sila ng pinsan niyang mataas ang pangarap para gustuhin akong maging kasosyo sa negosyo!” paglalabas niya ng sama ng loob sa kaniyang kambal na anak na ngayon ay pansamantala niyang ginawang sekretarya.

“Teka, daddy, hindi ba’t ito po ‘yong sekretarya mo dati? Ang daming nakapila sa store na tinayo nila ng pinsan niya sa mga mall! Nagbebenta rin sila ng sapatos, daddy, pero gawa naman sa recyclable materials!” balita nito na agad niyang ikinataranta.

“Totoo ba ‘yan? Ibig sabihin…” siya’y napatigil sa pagsasalita nang makita ang ganda ng produkto nito na naka-post sa social media.

“Umalis siya rito para tulungan ang pinsan niya! Daddy, hindi mo ba alam na ito na ang mga sikat na produkto ngayon dahil sa unti-unting pagkasira ng mundo? Diyos ko! Malaking oportunidad sana ito sa kumpanyang natin, daddy!” panghihinayang ng kaniyang anak dahilan upang agad niyang tawagan ang kaniyang sekretarya para sabihin ditong handa na siyang makipagsosyo sa pinsan nito.

Kaya lang, imbes na makarinig ng positibong sagot, tugon nito, “Salamat na lang, boss, dahil ang hangarin naming magpinsan ngayon ay tapatan ang kumpanyang pinagmamalaki mo,” na agad nagbigay sa kaniya ng kaba.

Dahil doon, siya’y dali-daling naghanap ng supplier ng mga sapatos na gawa rin sa mga recyclable materials ngunit ni isa, walang gustong gumawa para sa kaniya dahil nga natatakot na matalo ng pinsan ng kaniyang sekretarya.

Ginawa man niya ang lahat upang tabunan ang ingay na nagagawa nito sa social media, siya ang biglang nabalewala ng mga tao hanggang sa tuluyan nang bumagsak ang kaniyang kumpanya at ang kumpanya naman nito ang umarangkada.

Kung dati’y siya ang pinakikiusapan ng kaniyang sekretarya na makipagsosyo sa pinsan nito, ngayon ay siya na ang nakikiusap at lumuluhod sa harap ng dalawa upang maisalba ang kumpanya niyang isang maling galaw lang ay tuluyan nang sasadsad.

“Ngayong naabot na namin ang hangarin naming maungusan ka, siguro dapat lang na iligtas ka rin namin. Hindi namin gagawin sa’yo ang ginawa mo sa amin, boss. Kaya sana, maging aral sa’yo na hindi lahat nang maliliit na negosyo, walang maitutulong sa kilalang kumpanya,” sabi ng kaniyang sekretarya na labis niyang ikinaiyak sa tuwa.

Pagkatapos ng pag-uusap nilang iyon, muling umingay ang kaniyang kumpanya at ngayo’y mas lumago sa tulong ng kaniyang sekretarya na magaling sa pagbebenta.

Simula noon, kahit sinong kasosyo sa negosyo ang lumapit sa kaniya, malaki o maliit mang negosyo, agad siyang nagbibigay ng oras upang malaman kung anong produkto ang gustong ibenta ng mga ito.

Sa ganoong paraan, patuloy niyang napaangat ang kumpanyang tinayo nilang mag-asawa na ipapamana niya sa kaniyang kambal na anak.

Advertisement