Inday TrendingInday Trending
Palagi Niyang Pinipili ang Trabaho Kaysa Makasama ang Pamilya sa Pasko, Nadurog ang Puso Niya nang Malaman ang Sitwasyon ng Ina

Palagi Niyang Pinipili ang Trabaho Kaysa Makasama ang Pamilya sa Pasko, Nadurog ang Puso Niya nang Malaman ang Sitwasyon ng Ina

Nakasanayan na ni Paula na magdiwang ng Pasko sa pinagtatrababuhan niyang kilalang hotel sa Maynila. Taon-taon na lang kasi simula nang siya’y magtrabaho rito halos isang dekada na ang nakakaraan, palagi siyang nailalagay sa graveyard shift dahilan para hindi siya makapagdiwang ng Pasko o kahit Bagong Taon kasama ang kaniyang buong pamilya.

Ni minsan ay hindi niya naisip na lumiban sa trabaho dahil alam niyang doble ang ibabayad sa kaniya kapag siya’y pumasok. Kaya naman, kahit alam niyang hindi makukumpleto ang kanilang pamilya nang wala siya, trabaho pa rin ang pinipili niya.

Katwiran niya pa, “Nandoon naman ang iba ko pang nakababatang kapatid para samahan ang nanay sa pagsalubong ng Pasko! Bukod pa roon, baka magpunta rin sila kuya sa bahay! Kapag nangyari ‘yon, hindi na nila mararamdamang wala ako!”

Kaya lang, ngayong araw ng Noche Buena, bago siya pumasok sa trabaho, napansin niyang sobrang saya ng kaniyang ina na may katandaan na rin habang naggagayat ng mga sangkap na isasahog sa lulutuin nitong pancit at ilan pang putahe.

“Mukhang marami-rami ka pang gagayatin, nanay, ha? Dito ba magpa-Pasko ang lahat ng kapatid ko?” bati niya rito saka pinagmasdan ang dami ng hahatiin nitong gulay.

“Oo raw, anak, eh. Nakausap ko ang mga kuya mo kanina at sabi nila, dadalhin daw nila ang kani-kanilang pamilya rito para magsama-sama kami! Lumiban ka na kaya muna sa trabaho, anak? Para makumpleto naman tayo! Ilang taon ka nang wala sa bahay tuwing Pasko at Bagong Taon, eh!” tugon ng kaniyang ina na agad na ikinakunot ng noo niya.

“Naku, nanay, sayang ang double pay!” wika niya saka agad na umalis upang hindi na makulit pa ng kaniyang ina. Pagdating niya sa pinagtatrababuhang hotel, agad siyang nagbihis at nagsimulang magtrabaho dahil sa dami ng mga kustomer na naroon. Hindi na nga niya napansin ang oras dahil sa pagiging abala niya.

Kaya lang, habang siya’y abala sa pagtatrabaho, naririnig niyang panay ang tunog ng kaniyang selpon na nakalagay lang sa lamesang pinagtatrabahuhan niya.

“Paula, sagutin mo na kaya ‘yang tawag? Kanina pa ‘yan tunog nang tunog! Baka naman emergency ‘yan kaya patuloy na tumatawag sa’yo! Ako muna rito!” sabi ng kaniyang katrabaho kaya siya’y nagmadaling magpunta sa palikuran at tingnan kung sino ang tumatawag.

“Diyos ko, si nanay lang pala!” inis niyang sambit saka sinagot ang tawag ng ina, “O, nanay, bakit ba? Tawag ka nang tawag, alam mo namag may trabaho ako!” inis niyang bungad dito.

“Nalulungkot kasi ako, anak, eh. Wala akong ibang makausap ngayon,” hikbi niya na agad niyang ikinapagtaka. “Anong pinagsasasabi mo riyan, nanay? Wala ba riyan sila kuya?” tanong niya rito.

“Wala, eh, tinatawagan ko nga silang lahat pero hindi nila ako sinasagot. Pati sila bunso, ang sabi doon daw sila sa kaibigan nila magpa-Pasko. Ang dami-dami kong niluto, anak, wala akong kasabay kumain ngayon,” hagulgol nito na nakapagpadurog ng puso niya.

Habang pinapakinggan ang hikbi ng ina, doon na siya nagdesisyong umuwi upang makasama ito ngayong Pasko.

“Kalahating oras pa, nanay, bago mag-Pasko. Hintayin mo ako riyan, ha?” sabi niya rito na nakapagpatigil sa pag-iyak nito.

Nang masiguro niyang tumahan na ito, agad na siyang nakiusap sa kaniyang manager na siya’y pauwiin na at sa kabutihang palad, siya ay pinayagan nito.

Saktong alas dose nang siya’y makauwi sa kanilang bahay. Kitang-kita niya ang saya sa mukha ng kaniyang ina nang siya’y makita.

“Salamat, pinili mo akong makasama ngayong Pasko, anak,” iyak pa nito saka siya niyakap.

Masaya nilang pinagsaluhang mag-ina ang sandamakmak na pagkaing hinanda nito. Mayroong pancit, menudo, pritong manok, fruit salad, at iba pang mga pagkain. Marami-rami rin silang napagkwentuhang mag-ina na nagbigay sa kaniya ng saya.

“Ang tagal na simula nang makausap kita tungkol sa buhay-buhay, nanay. Pasensya ka na, ha? Naging abala ako sa trabaho, nakalimutan ko na palang bigyan ka ng panahon,” sabi niya rito.

“Ayos lang, anak, alam ko namang lahat ng ginagawa mo ay para sa kinabukasan mo. Naiintindihan ko naman kayong magkakapatid. Nalulungkot lang ako sa tuwing ako lang ang mag-isa rito sa bahay,” kwento pa nito kaya hindi niya napigilan ang sarili na hindi ito yakapin.

Wala man siyang natanggap na double pay ngayon, hindi mababayarang saya naman ang naranasan niya sa unang pagkakataon kasama ang kaniyang ina.

“Pangako, nanay, simula ngayon, sasamahan na kita sa lahat ng darating na okasyon!” sabi niya pa rito na lalo nitong ikinatuwa.

Advertisement