Nangungupit ng Huling Isda ang Lalaking Ito; Nagunlantang Siya nang Tulungan Siya ng Kaniyang Pinagkukupitan
Pangingisda ang pinagkakakitaan ng padre de pamilyang si Omer. Edad labing lima pa lamang siya nang magsimula siyang sumama sa kaniyang ama sa panghuhuli ng isda sa laot at dahil nga kumikita na siya ng pera sa trabaho niyang iyon sa murang edad, doon na siya nawalan ng gana sa pag-aaral.
Ilang beses man siyang hikayatin ng kaniyang ama sa pamamagitan ng masinsinang usapan na mas malaki ang perang kaniyang malilikom kapag siya’y nakapagtapos ng pag-aaral, buo na ang loob niya noon na habang buhay na siyang magiging mangingisda.
“Nasisiraan ka na ba ng ulo, Omer? Gusto mo pa talagang maging isang katulad ko? Gusto mong mahirap na buhay ang ibigay mo sa magiging pamilya mo?” galit na tanong ng kaniyang ama sa kaniya, ngunit imbie na makinig dito na magpatuloy sa pag-aaral, tumatakas pa siya rito para lang makapangisda sa laot gamit ang bangka nito at kumita ng pera.
Tila nagkatotoo nga ang kinakatakot ng kaniyang ama dahil ilang taon lang ang kanilang binilang, siya’y nagkaroon na ng nobya at agad niya itong nabuntis. Doon na siya hinayaan ng kaniyang ama na mangisda at gawin kung ano ang gusto niya basta’t makakabuti sa kaniyang mag-ina.
Sa pagkawala ng kaniyang ama, minana niya rito ang dalawang bangkang pagmamay-ari nito at dahil nga may pagkanegosiyante ang utak niya, binenta niya ang isa sa kaniyang kaibigan. Inenganyo niya rin itong malaki ang kitaan sa pangingisda dahilan para magkaroon siya muli ng kasama sa paglaot.
Kaya lang, habang tumatagal ang pangingisda nilang dalawa nang magkasama, lumalalim ang inggit na nadarama niya rito. Kahit kasi sabay silang magbaba at magkalat ng lambat, mas marami ang palagi nitong nahuhuli kaysa sa kaniya. May pagkakataon pa ngang nakikipagpalit siya rito ng pwesto upang makakuha rin ng maraming isda ngunit ito pa rin talaga ang nakakahuli nang sandamakmak.
Dito na siya nag-isip ng paraan upang malamangan naman ito kahit minsan. Pagdaong nila sa pangpang, habang nagtatali ng bangka ang kaibigan niyang ito, inalok niya ito na siya na ang magbababa ng mga huli nitong isda dahil nga sobrang dami niyon.
Katulad ng inaasahan niya, pumayag nga ito at hinayaan na lang siyang magbaba ng mga baldeng nasa bangka nito dahil sa pagod na nararamdaman. Ngunit halos kalahati sa mga huli nito ay diniresto niya sa sariling mga baldeng walang laman at ito’y agad na pinabenta sa asawa niyang naghihintay sa pangpang.
“O, galing ‘to sa bangka ng kaibigan mo, ha? Huli mo rin ba ito?” pagtataka ng kaniyang asawa.
“Oo! Huwag ka nang maraming tanong! Ibenta mo na ‘yan sa palengke! Siguraduhin mong malaki ang kikitain mo, ha!” bilin niya na agad nitong sinunod.
Nang mapagtanto niyang halos doble ang kita niya nang siya’y magnakaw ng huling isda sa kaibigan, inaraw-araw na niya ang ganoong klaseng gawain.
“Siya ang binibiyayaan ng dagat, dapat lang na ipamahagi niya iyon! Mag-isa nga lang siya sa buhay, eh, kaya dapat talaga namimigay siya! Tama lang ‘tong ginagawa ko dahil may anak na ako at asawang kailangan pakainin!” pangungumbinsi niya sa sarili, isang umaga habang mabilis niyang sinisilid sa kaniyang balde ang ilan sa mga huli nito habang nagpapahinga ito.
Binibili niya kaagad ng grocery items, bigas, at ilan pang mga kailangan ng kaniyang anak ang perang kinikita niya mula roon upang hindi na ito mabawi ng kaniyang kaibigan kapag nalaman nito ang pangdurugas na ginagawa niya.
Kaya lang, isang araw, pagkarating nilang mag-asawa sa kanilang bahay, tumambad sa kanila ang nakabulagta nilang anak dahilan para agad nila itong isugod sa ospital.
Doon lang niya nalamang may sakit pala ito sa baga at kailangan manatili sa ospital upang matingnan ng mga doktor. Hindi na niya alam ang gagawin noong mga oras na iyon lalo pa’t wala naman siyang ni pisong duling na naiipon. Walang tumatakbo sa utak niya kung hindi ang kaligtasan ng kaniyang anak.
Bago pa bumagsak ang luha niya, tinapik-tapik siya ng kaibigan niyang mangingisda saka iniabot sa kaniya ang isang bag ng pera.
“Ipon ko ‘yan… gamitin mo na ‘yan para madugtungan ang buhay ng anak mo,” sambit nito na ikinagulantang niya.
“Sigurado ka ba?” paninigurado niya pa.
“Oo naman, Omer!” masiglang sagot nito saka siya muling tinapik sa balikat.
“Kahit malaman mong ninanakawan kita ng huling isda?” sabi niya pa rito na ikinabuntong-hininga nito.
“Matagal ko nang alam ‘yon. Hinahayaan lang kitang kumuha nang kumuha sa mga huli ko dahil alam kong malaki ang pangangailangan mo. Pero sana, simula ngayon, maging patas ka na sa buhay,” tugon nito na nakapagpawala ng malaking tinik sa kaniyang lalamunan.
“Oo, pangako! Maraming salamat! Napakabait mo talaga! Ngayon alam ko na kung bakit ganoon ka na lang kung biyayaan ng Maykapal!” mangiyakngiyak niyang sabi saka ito niyakap.
Noon din ay agad niyang naipatingin sa doktor at napamalagi sa ospital ang kaniyang anak. Nang malaman niyang unti-unti itong gumagaling, siya’y napaiyak na lang sa sobrang saya at pasasalamat.
Kaya naman, simula noon, imbes na magnakaw, siya ay naging patas sa pangingisda kasama pa rin ang kaibigan. Nagdesisyon din siyang magtapos ng pag-aaral kahit pa siya’y may edad na upang mas malaking pera ang maaari niyang kitain katulad ng sabi ng kaniyang ama.