Inday TrendingInday Trending
Parating Nag-aabot ng Pera ang Dalaga sa Kaniyang mga Magulang; Saan nga ba Dinadala ng mga Ito ang Naturang Pera?

Parating Nag-aabot ng Pera ang Dalaga sa Kaniyang mga Magulang; Saan nga ba Dinadala ng mga Ito ang Naturang Pera?

Labis ang respeto ni Lia sa kaniyang mga magulang, subalit may isang patakaran ito na kailanman ay hindi niya naunawaan.

Sa t’wing sumusweldo kasi siya ay kailangan niyang magbigay ng limang libo sa kaniyang mga magulang.

Wala naman sana iyong kaso sa kaniya, ang kaso ay nagtataka siya kung bakit kailangan ng pera ng mga ito. Isang retiradong sundalo kasi ang kaniyang ama, habang ang kaniyang ina naman ay isang retiradong guro. Ang totoo ay sa isang liblib na destino nagkakilala ang dalawa.

Sampung taon na simula noong ibigay niya sa mga ito ang limang libo mula sa una niyang sweldo, ngunit patuloy pa rin ang pagbibigay niya ng pera sa mga magulang.

Hindi naman niya magawang usisain ang mga ito dahil ayaw niyang isipin ng mga ito na madamot siya at ayaw niyang magbigay.

Ang totoo ay masaya siya na magbigay ng pera sa mga magulang, sadyang kuryoso lang talaga siya kung saan nitong inilalalaan ang mga perang binibigay niya.

Isang araw ay hindi niya maiwasang mag-usisa habang sabay-sabay silang kumakain ng hapunan.

“‘Ma, ‘Pa, hanggang kailan po ako magbibigay ng sweldo sa inyo?” aniya.

Ang kaniyang ama ang unang lumingon.

“Bakit, kinukulang na ba ang pera mo, anak?” usisa nito.

Marahan siyang napailing.

“Hindi po, hindi po ‘yun ang dahilan…” sagot niya, bago ipinakita sa mga ito ang suot niyang singsing, na kabibigay lamang sa kaniya ng nobyo.

“Nag-propose na po kasi sa akin si Lance. Hindi pa naman po kami agad-agad ikakasal dahil hihingin niya pa ang basbas niyo, pero naiisip ko na rin po na mag-ipon, para sa kasal namin…” malumanay niyang paliwanag.

Inaasahan niya nang may magiging negatibong reaksyon ang mga ito, ngunit hindi iyon nangyari. Bagkus ay malalaking ngiti ang sumilay sa labi ng kaniyang mga magulang.

“Masaya ako para sa inyo ni Lance, anak. Papuntahin mo siya rito nang makausap ko naman siya,” anang kaniyang Papa.

“At tungkol sa pera, pwede mo nang ihinto. Maiintindihan namin ng Papa mo,” wika naman ng kaniyang Mama.

“Salamat po, Mama, Papa. Kung may kailangan po kayong tulong pinansyal, ‘wag po kayong mahihiya na lumapit sa akin, ha…” paalala niya pa sa mga magulang.

Nag-usap ang kaniyang pamilya at ang pamilya ng kaniyang nobyo. Isang taon ang ibinigay nila para makapaghanda ang isa’t-isa sa matinding gastos na kaakibat ng pagsisimula ng sariling pamilya.

Subalit napagtanto ni Lia na hindi madali ang mag-ipon, lalo pa’t malaki-laking pera ang kakailanganin nila.

Nahihiya naman siyang lumapit sa kaniyang mga magulang dahil hindi naman responsibilidad ng mga ito na gastusan ang kaniyang kasal.

Kaya naman sa huli, bilang bride ay nagdesisyon siya na gawing simple ang kanilang kasal.

“Bakit naman, anak? Hindi ba’t pangarap mo ang magkaroon ng enggrandeng kasal?” takang usisa ng kaniyang Mama nang sabihin niya rito ang kaniyang plano.

“Hindi na po mahalaga ‘yun, Mama. Ayoko naman po na masimot ang ipon ni Lance para lang sa isang bonggang kasal na hindi naman pala namin kaya,” katwiran niya.

Matagal na hindi nagsalita ang kaniyang ina. Kaya nagulat siya sa sunod na sinabi nito.

“Anong walang pera? May pera sa amin ng Papa mo. ‘Wag mong alalahanin iyon,” anang kaniyang ina.

Umiling siya.

“Hindi na po, Mama. Pera n’yo po ‘yan ni Papa…” agad niyang pagtanggi.

Ang kaniyang ina naman ang umiling, bago ito napangiti.

“Anong pera namin? Hindi sa amin ‘yun,” anito bago pumasok sa silid nito.

Paglabas nito ng silid ay may iniabot ito sa kaniya na kung ano. Nang sipatin niya iyon ay napagtanto niya na isa iyong passbook sa isang malaking bangko.

Subalit imbes na pangalan ng kaniyang mga magulang ay pangalan niya ang nakalagay roon!

“Buksan mo, anak,” udyok ng kaniyang ina.

Nang makita niya ang halaga ng pera ay nalaglag ang panga niya.

Tatlong milyong piso!

“K-kanino po ito?” gulat na usisa niya.

“Sa’yo ‘yan, anak…” anito.

Gulat na gulat si Lia. Paano siya nagkaroon ng ganoon kalaking pera?

Ang kaniyang ina ang sumagot sa tanong sa isip niya.

“Simula nagkaroon ka ng trabaho, ‘di ba inobliga ka namin na magbigay sa amin ng pera? Iyan ‘yung pera na naipon mo, anak. Hindi namin ginalaw ‘yan dahil pera mo ‘yan,” paliwanag ng kaniyang ina.

“Gusto kasi namin ng Papa mo na may pera kayo kapag nagsimula na kayo ng pamilya. Ayaw ko na matulad ka sa amin ng Papa mo. Walang-wala kami noon,” bahagya pang kwento ng kaniyang Mama.

Nayakap niya ang ina sa sobrang tuwa. Dahil sa tulong ng mga ito, malaking halaga pala ang naipon niya nang hindi niya namamalayan!

Sa huli ay naganap ang enggrandeng kasal na pangarap niya, at may natira pang pera para sa pagsisimula nilang mag-asawa.

Dahil sa nangyari ay sisiguraduhin ni Lia na ipapasa niya rin sa kaniyang mga anak ang mahalagang aral na itinuro sa kaniya ng mga magulang—ang pagiging masinop sa pera ay nagbibigay ng ginhawa sa pamilya sa oras ng kagipitan!

Advertisement