
Dahil sa Kagipitan ay Biniktima Niya ang Isang Dalagita; Hindi Niya Inakala na Muli Niya Itong Makakadaupang Palad
Todo postura si Alice nang lumabas siya sa kanilang bahay. Sa itsura niya ay mukha siyang gigimik, kaya walang mag-aakala na papunta siya sa bago niyang trabaho.
Tumawag ang ahensya noong isang araw. Mayroon na raw siyang bagong amo.
Hila-hila ang malaking bag na naglalaman ng mga mga damit niya ay sumakay siya sa jeep patungo sa eksklusibong subdibisyon kung saan nakatira ang amo niya.
Bahagya na siyang nakakaidlip sa biyahe nang maramdaman niya ang pagdikit sa kaniya ng marusing na bata na katabi niya.
Inis niyang binalingan ang bata bago ito pinagsabihan.
“Ano ba! ‘Wag kang dumikit sa’kin!” galit na sikmat niya rito.
“Sorry po,” tila napahiyang bulong nito.
Hanggang sa makababa ang pobreng bata ay masama ang tingin ni Alice rito.
“Ambaho-baho!” inis pang pahabol niya nang pababa na ang bata.
Matapos ang mahigit kumulang bente minutos ay narating niya na ang eksklusibong subdibisyon.
Bago siya pumara ng traysikel ay kinapa niya ang kaniyang pitaka upang maghanda ng pamasahe. Kinabahan siya nang hindi niya makapa iyon.
Agad siyang tumabi at nagkalkal ng bag.
“Nasaan na ‘yun? Eh dito ko ‘yun nilagay pagkatapos kong magbayad sa jeep,” nagtatakang bulong niya.
Habang hinahanap ang kaniyang pitaka ay tila kidlat na bumalik sa alaala niya ang bata na nakatabi niya sa jeep.
“Hayop na bata ‘yun! ‘Wag siyang magpapakita sa’kin dahil yari talaga siya!” nanggigigil na bulong niya.
Luminga siya sa paligid bago nag-isip kung paano siya makakarating sa bahay ng amo. Ang una niyang ginawa ay ang magtanong sa guwardiya.
“Manong, malapit lang po ba ang bahay ng mga Arguelles? Pwede po ba na lakarin?” usisa niya.
Umiling ang guwardiya.
“Naku, hindi pwede. Mag-traysikel ka, malayo ‘yun. Nasa bandang dulo pa,” anang guwardiya.
Napangiwi si Alice. Mukhang tuloy-tuloy ang kamalasan niya noong araw na iyon.
Sinubukan niya na makiusap at magpa-cute sa mga traysikel drayber, ngunit hindi tumalab. Malayo raw ang bahay at malulugi ang mga ito.
Nang mga sandaling iyon ay kabado na talaga siya. Kapag kasi hindi siya nakarating ng araw na iyon ay siguradong magrereklamo ang mga Arguelles at hihingi ng kapalit niya.
Kaya kailangan niyang makarating, sa kahit na anong paraan.
Nakasungaw siya ng pag-asa nang isang dalagita ang dumating. Sa tingin niya ay nasa labingwalong taong gulang pa lang ito. Tulad niya ay may bitbit din itong malaking bag. Nahinuha niya na gaya niya ay mamamasukan din itong katulong.
Kakausapin na sana niya ito nang magsalita ito.
“Ate, may alam ka bang palikuran? Ihing-ihi na kasi ako,” nangingiwing bulalas nito.
Tinuro niya ang nadaanan niyang palikuran. Ngunit bago tumalikod ang dalagita ay isang ideya ang pumasok sa isip niya.
“Teka lang! Hindi mo pwede ipasok ang bag mo roon,” bulalas niya.
Lumingon ito, nagtataka.
“Ha? Bakit naman daw po?”
Agad siyang nag-isip ng palusot.
“Para raw hindi makapagpuslit ng kahit na anong pinagbabawal sa loob ng subdibisyon,” paliwanag niya.
Tumango ito. Tila paniwalang-paniwala sa hinabi niyang kwento.
Nagdiwang ang loob ni Alice sa sunod na sinabi ng dalagita.
“Ate, pwede ba na iwan ko na muna ang bag ko sa’yo? Para kasing puputok na ang pantog ko,” tila maiiyak nang pakiusap nito.
Malawak siyang napangiti bago kinuha ang bag nito.
“Walang problema. Bilisan mo lang, ha…” paalala niya pa, upang hindi ito maghinala.Nang malayo na ang dalagita ay agad niyang kinalkal ang bag nito. Swerte naman na nakita niya agad ang pitaka nito nang buksan niya ang mabigat nitong bag.
Nang makuha ang pakay ay walang pagdadalawang-isip niyang iniwan ang bag nito sa gilid ng kalsada at agad siyang sumakay ng traysikel.
Alam niya na hindi tama ang ginawa niya at maaaring mapahamak ang dalagita, ngunit ano ang magagawa niya? Gipit din siya at kailangan niyang gumawa ng paraan.
Saktong alas nuwebe nang makarating siya mansyon ng mga Arguelles, ang pamilya na pagsisilbihan niya.
Pagpasok niya ay naroon na ang amo niya na si Sir Gerardo. Nakausap niya na ito sa telepono noon, kaya naman kilala niya na ito kahit papaano. Maaliwalas ang mukha nito, at mukha naman itong mabait.
“Ikaw na ba si Alice?” tanong nito.
Tumango siya.
“Sakto ang dating mo. Ngayon din kasi ang dating ng anak ko. Dalagita na siya, pero gusto ko na mayroon pa ring mag-aasikaso sa kaniya. Matagal kaming nawalay sa isa’t isa dahil sa probinsya siya lumaki. At ngayong sa akin siya titira, gusto ko na alagaan mo nang maayos ang anak ko, Alice. Maaasahan ba kita?” walang paligoy-ligoy na tanong nito.
“Opo, Sir.”
Kasalukuyan siya nitong iginagala sa loob ng bahay nang tumunog ang cellphone ng lalaki. Matapos nitong makipag-usap sa telepono ay bumaling ito sa kaniya.
“Alice, maiwan na muna kita rito. Susunduin ko ang anak ko. May nangyari kasi kaya hindi siya makadiretso ng uwi sa bahay,” anito.
Bago pa siya makahuma ay naglalakad na paalis ang kaniyang amo.
Ilang minuto rin ang lumipas bago niya narinig ang pagparada ng sasakyan. Nakangiti niyang hinintay sa pinto ang pagdating ng dalagitang aalagaan niya.
Ngunit namutla siya nang makita ang kasama ni Gerardo—ang dalagang ninakawan niya ng pitaka!
Base sa ekspresyon sa mukha nito ay nakilala siya nito. Agad nitong kinalabit ang ama, bago bumulong.
Tila nahulog ang puso niya nang pukulin siya ni Gerardo ng isang matalim na tingin.
“Ano itong sinabi ng anak ko na ikaw raw ang nagnakaw ng pitaka niya?” galit na kompronta ng kanina ay napakahinahon na lalaki.
Sinubukan niyang magpaliwanag, ngunit tila naumid ang dila niya at hindi siya makahanap ng sasabihin.
Galit ang nasa mukha ng lalaki, habang pagkadismaya naman ang mababakas sa mukha ng dalagita.
“S-sir, pasensya na po. H-hindi ko n-naman po a-alam na siya pala ang anak n’yo,” utal-utal na paliwanag niya.
Tila mas nagalit lang ang lalaki sa sagot niya.
“Kung kaya mong mang-agrabyado ng iba para lang makaligtas ka, hindi ko kayang ipagkatiwala sa’yo ang anak ko. Ire-report ko sa ahensya ang ginawa mo. Makakaalis ka na,” matigas na pahayag ng lalaki.
Nanlaki ang mata ni Alice. Baka kasi wala nang tumanggap sa kaniya kapag naireklamo siya. Plano niya pa naman sana na mangibang bansa!
“S-sir, maawa po kayo. Bigyan n’yo po ako ng tsansa…” pakiusap niya.
Ngunit nanatiling matigas ang lalaki.
Sa huli ay wala siyang nagawa kundi ang lisanin ang bahay. Sising-sisi si Alice. Dahil sa panlalamang na ginawa niya ay hindi lang trabaho ang nawala sa kaniya. Nawalan din siya ng maraming oportunidad.
Tunay nga na walang tunay na nakakaangat gamit ang panlalamang sa kapwa!