
Grabe Kung Protektahan Niya ang Nag-iisang Anak; Magawa Niya Kaya Ito Hanggang sa Huli?
“Ma’am, pinatawag niyo raw po ako. May problema po ba?” agarang tanong ni Eloisa sa guro ng kaniyang nag-iisang anak.
Tumango bago bumuntong-hininga. May sinenyasan ito sa labas ng opisina at maya-maya lang ay pumasok ang anak niya na si Daniel.
Nagsimulang magkwento ang guro.
“Ang totoo po ay nahulog sa hagdan ang kaklase niya kanina. Mabuti na lang ligtas siya at hindi napuruhan. At ang sumbong po ng mga nakakakita, pinatid daw po siya ni Daniel,” paliwanag ng guro.
Nanlaki ang mata ni Eloisa sa narinig. Agad niyang nilingon ang anak na prenteng nakaupo at abala sa paggamit ng cellphone.
“Anak, totoo ba ‘yun?” tanong niya rito.
Saglit itong tumingin sa kaniya saka umiling.
Magsasalita na sana siya nang biglang pagsabihan ng guro ang anak niya.
“Daniel, ‘wag ka nang magsinungaling. Ang gusto ko lang naman ay mag-sorry ka sa kaklase mo,” anito.
Awtomatikong tumaas ang kilay niya. Hindi niya nagustuhan ang tono ng boses ng guro kaya kunot-noo niya itong nilingon.
“Hindi nagsisinungaling ang anak ko, Ma’am. Kapag sinabi niyang hindi niya ginawa, iyon ang totoo,” iritado niyang pahayag sa babae.
“Pero may nakakita ho kay Daniel. Hindi lang isang tao, kundi marami. Hindi natin pwedeng sabihin na nagsisinungaling silang lahat,” giit ng guro.
Pagalit siyang tumayo bago hinawakan ang braso ng anak.
“Hindi magso-sorry ang anak ko. Anong malay ko kung nagsisinungaling ang mga batang iyon at pinagtutulungan nila ang anak ko?” pangangatwiran pa niya bago siya nagdadabog na lumabas sa opisina.
May tiwala si Eloisa na mabait ang anak niya at hindi ito gagawa ng kabulastugan. At kung sakali man na ito ang may kasalanan, alam niyang aamin ito at hindi magsisinungaling.
Ngunit nang sumunod na araw, habang nililinisan niya ang kwarto ng anak, isang bagay ang pumukaw sa kaniyang pansin. Agad niyang tinawag ang anak.
“Daniel, kanino ‘tong laruan? Hindi ko maalala na bumili tayo ng ganito,” takang usisa niya habang hawak ang isang mamahaling laruan.
“Kay Mark po ‘yan,” sagot nito.
“Mark? ‘Yung batang nahulog sa hagdan noong isang araw?”
Tumango si Daniel.
“Eh bakit nasa iyo ang gamit ng kaklase mo?” muli ay tanong niya.
“Kinuha ko po sa kaniya,” direktang sagot nito.
Ikinagulat niya ang sagot ng anak. Hindi niya akalain na nagawa nitong kunin ang gamit ng iba.
Mas lalo siyang nagitla nang ikinuwento nito kung paano nito pinatid ang kaklase para makuha ang laruan.
“Eh bakit hindi mo ‘to inamin sa titser mo, anak?” usisa niya.
“Aamin na po dapat ako, pero ang sabi niyo po ay hindi ko magagawa ‘yun. Kaya hindi na ako nagsalita,” anito.
Nagulat man siya sa nalaman, pinilit niyang ngumiti at kampihan ito.
Hindi niya magawang pagalitan ang anak dahil sa sinabi nito.
Ikinuwento niya sa kaniyang ina ang nangyari.
“Anak, mali ang ginawa mo. Hindi mo dapat kinukunsinti ang anak mo. Maliit na bagay lang ‘yan ngayon pero baka lumaki nang lumaki ‘yan nang hindi mo namamalayan,” naiiling na komento nito.
Hindi na siya umimik. May tiwala kasi siya na hindi iyon gagawin ng kaniyang unico hijo. Isa pa, kahit na anong gawin nito, kakampihan niya dahil isa siyang ina.
Lumipas ang ilang taon, sa awa ng Diyos ay hindi na siya muli pang napatawag sa eskwelahan.
Ang tanging pinag-aalala niya lang ay ang pagbabarkada nito. Ngunit nais man niyang tumutol at pangaralan ito, alam niya na normal lang iyon sa mga kabataan na tulad nito.
Isang gabi, nagising siya sa sunod-sunod na katok sa bahay nila.
Nang buksan ang pinto, tatlong pulis ang tumambad sa kaniyang harapan.
“Dito po ba nakatira si Daniel Perez? Kailangan ho namin siyang makausap,” seryosong pahayag ng isa sa mga ito.
“Dito nga po, anak ko po siya. Ano po bang problema?” kabado niyang tanong.
“Nakabangga ho kasi siya ng tatlong tao. Hindi man lang niya hinintuan. Ang sabi ng mga kaibigan niya galing daw ho sila sa kalapit na bar at nag-inuman sila,” paliwanag ng pulis.
“Kung hinintuan niya at itinakbo niya sa ospital, baka nailigtas pa ‘yung isa,” wika pa ng pulis. Magkahalong galit at pagkadismaya ang nakikita niya sa mukha ng lalaki.
“Ano? May namat*y? Hindi ‘yan magagawa ng anak ko!” agaran niyang tanggi.
Hindi nagsalita ang pulis, ngunit ipinakita nito sa kaniya ang isang kuha ng CCTV bilang patunay.
Nakumpirma niyang ito nga ang sasakyan ng anak. Nanlalambot siyang napaupo.
“Ma’am, kailangan na po naming dalhin sa presinto ang anak niyo,” anang pulis.
Nanghihina siyang tumango bago itinuro ang silid ni Daniel. Pinanood niya kung paano ito nilagyan ng posas at hinawakan ng mga pulis sa magkabilang braso.
“’Ma! Hindi ko ginawa ‘yun! Tulungan mo ako! Gawan mo ng paraan, please! Ayaw kong makulong!” umiiyak na sigaw nito.
Napahagulhol lalo si Eloisa sa inakto ng anak. Wala itong pinagbago. Kagaya noon ay pilit nitong itinanggi ang nagawa kahit na malinaw ang ebidensya.
Alam niyang iniisip nitong kakampihan niya ito gaya ng dati. Pero hindi niya magawa, dahil kailangan niya nang ituwid ang pagkakamali nito, lalo pa’t buhay ang naging kabayaran ng kapabayaan nito.
Wala siyang nagawa kundi ang umiyak at sisihin ang sarili. Kasalanan niya kung bakit ito nangyari. Kinunsinti at kinampihan niya ang anak kahit na mali ito. Akala niya kasi ay sa ganoong paraan niya maipapakita ang pagmamahal niya rito.
Sa huli ay nahatulan ng dalawampung taon na pagkakakulong si Daniel. Humaba ang sintensya nito dahil hanggang sa huli ay hindi nito inamin ang kasalanan.
Bilang ina ay durog na durog ang puso ni Eloisa. Tunay ngang anumang sobra at wala sa lugar ay mapanganib at nakasisira—kahit pa ang pagmamahal.