Ipinangako ng Anak na Ito na Balang-Araw, Hindi na Magiging Tagaluto Lamang ang Kaniyang Nanay sa Reunion ng mga Magkakapatid; Matupad Kaya Niya Ito?
Dalawang araw bago ang pagsapit ng Kapaskuhan, nakaramdam na ng pagkasabik ang batang si Athan.
“Huwag kang maglilikot-likot sa bahay ng Tita Norma mo ha, Athan? Baka mamaya ay makabasag ka na naman ng plorera, nakakahiya sa kanila,” bilin ng kaniyang inang si Aling Bebeng habang binibihisan siya ng luma subalit bihira niyang isuot na damit. Sa pang-ibaba naman, pantalong jumper na kinakalawang na ang mga bakal.
Dalawang araw bago ang Pasko, tradisyon na ng mag-ina na nagtutungo sa bahay ng kapatid ng kaniyang nanay, ang kaniyang tiyahin na si Tita Norma. Mala-mansyon ang bahay nito kaya doon nagaganap ang reunion ng mga kapatid ng kaniyang nanay na nakaaangat na sa buhay.
Ngunit wala silang dalang kahit ano.
Sa pagkakatanda ni Athan, maaga silang nagpupunta sa bahay ng kanilang tiyahin dahil ang nanay niya ang nagluluto ng maraming putahe—menudo, mechado, morcon, pansit, turbong manok, spaghetti, lumpiang shanghai, at marami pang iba, depende sa iuutos ng kaniyang Tita Norma.
Iyon lamang kasi ang maiaambag nila.
Narinig niya mula sa kaniyang Tito Elmer na sila raw ng kaniyang nanay ang pinakayagit sa kanilang magkakapatid. Palibhasa raw ay hindi nakatapos ng pag-aaral ang kaniyang nanay dahil mas inuna ang pakikipagrelasyon noon.
Na tatay niya.
Na hindi naman niya nakilala simula’t sapul. At hindi rin niya alam kung nasaang lupalop ito ng Pilipinas, ng daigdig, o baka nasa ibang planeta na.
Sa tuwing sasapit ang Pasko, hindi naman tumutulong si Athan sa kaniyang nanay. Hinahayaan siya nitong makipaglaro sa kaniyang mga pinsan, na anak ng kaniyang mga tito at tita, na pawang nakaaangat na rin sa buhay.
Minsan, nagtataka siya sa ugali ng iba niyang mga pinsan. May mga sandaling bigla na lamang hinahablot ang mga laruang hinihiram niya. Baka raw masira niya. Kapag nag-uusap sila, Inglesan nang Inglesan.
Sa pagsapit ng Pasko, nagmamantika ang mukha ng kaniyang nanay at ang tuwalya sa kaniyang likod. Hulas na hulas. Naglitaw ang mga ugat sa kaniyang mga kamay. ‘Di iyon malilimutan ni Athan. Nakakaramdam siya ng awa lalo na kapag nagsisimula na ang kainan.
“Masarap talaga magluto itong si Bebeng. Bakit hindi ka na lang magnegosyo ng kainan para hindi nasasayang ang galing mo sa pagluluto?” sabi sa kaniya ni Tita Norma.
“Eh, Ate, gustuhin ko man sana, wala naman akong pang-kapital. Sapat lang ang kinikita ko sa pabrika para sa amin ni Athan,” nahihiyang sagot ni Bebeng.
“Hayan kasi… kaya ikaw Athan, magsumikap ka. Huwag kang tatamad-tamad na bata ka. Para naman maiahon mo sa kahirapan ang Nanay mo at siya na lang ang naiiwan sa amin,” may himig panlalait na sabi ng kaniyang Tito Elmer. At natahimik naman ang lahat.
Palihim na sinulyapan ni Athan ang kaniyang nanay. Tahimik itong kumakain. Tila sanay na ito sa panghahamak at pangmamaliit sa kaniya ng kapatid. Awang-awa naman si Athan sa kaniyang nanay na kung tutuusin, siya ang naghirap sa pagluluto sa mga pagkaing nilalantakan niya ngayon.
Kaya naman nangako sa kaniyang sarili si Athan na balang-araw, ang lulutuin nilang pagkain ay hindi na ipinaluto ni Tita Norma—kundi sarili nilang pagkain. At ang mga matapobre niyang tito at tita at mga anak nila ay sa malaking bahay na nila pupunta.
Balang-araw, sila naman ang magdaraos ng reunion.
At matuling lumipas ang panahon.
Nagsumikap si Athan.
Nakatapos siya ng kaniyang pag-aaral, nakapagtrabaho nang maayos, at nagsimula ng isang maliit na negosyo.
“Athan… okay ka lang?”
Malayo na pala ang nalakbay ng diwa ni Athan. Pasko ngayon at masaya silang kumakain sa isang malaking mesang punumpuno ng pagkain.
Hindi na sa bahay ng kaniyang Tita Norma kundi sa kaniyang sariling bahay. Siya ang nag-imbita ngayon ng reunion.
Ngunit sana lang, kasama niya ang kaniyang nanay. Sana, nakikita niya ang lahat ng ito.
Kasabay sana nilang kakain ang mga kapatid nitong nakaaangat sa buhay. Kaya na niyang makipagsabayan dahil naiangat na rin ni Athan ang buhay nila. Hindi na ito basta-basta malalait pa ng kaniyang Tito Elmer, na ngayon ay puro papuri kay Athan dahil sa napakaganda niyang bahay.
Hinayang na hinayang si Athan na hindi man lamang nasilayan at naabutan ng kaniyang nanay ang bunga ng kaniyang mga pagsusumikap at pagpapagal. Matapos niyang makatapos sa kolehiyo ay binawian ito ng buhay, dahil sa isang malubhang sakit na itinago at tiniis nito para sa kaniyang pag-aaral.
Kaya naman ang lahat ng mga tinatamasa niya ngayon ay alay niya sa kaniyang butihing inang si Aling Bebeng. Pagkatapos ng Noche Buena, gugugulin niya ang maghapon ng Pasko kasama ito—sa puntod nito.