Bagong Salta ang Dalagitang Ito sa Maynila Upang Maging Kasambahay; Halos Mapaiyak Siya sa Kaniyang mga Amo

“Oh, Edith… halika na at sumabay ka na sa amin sa pagkain.”

Kunwari ay nag-aayos-ayos ang dalagitang kasambahay na si Edith, na bagong salta lamang sa Maynila. Nagbaka-sakaling makasungkit ng trabaho para sa pamilya.

Nagulat si Edith sa alok ng kaniyang among si Margareth. Hindi niya inaasahan na pasasabayin siya nitong kumain sa mag-anak nito. Sa dati niya kasing amo, saka lamang siya nakakakain kapag tapos na silang kumain at nakatapos na rin siyang maghugas ng mga pinagkainan at mga pinaglutuan.

“Mamaya-maya na lang po ako kakain, Ma’am… hindi po ako sanay na sumasabay sa hapag-kainan ng mga amo ko,” paliwanag ni Edith.

Nakangiting iwinasiwas ni Margareth ang kaniyang kanang kamay sa harapan ni Edith.

“Ano ka ba, Edith? Okay lang ‘yun. Walang kaso ‘yan sa pamilya ko. Pare-parehas tayong tao. Hindi naman kami mga VIP o mga hari at reyna sa Europa para hindi sabayan. Kumuha ka na ng plato at mga kubyertos mo, kumain na tayo nang sabay-sabay.”

Nahihiya man, sumunod na lamang sa Edith sa sinasabi ng kaniyang among babae. Naiiyak siya dahil ibang-iba ito sa mga naririnig niyang kuwento ng relasyong amo-kasambahay.

Ang isa nga niyang kababata, hanggang ngayon daw ay hindi pa nawawala ang pasa sa mukha nang buntalin ito ng amo niya dahil hindi napakain nang maayos ang imported nitong aso.

Advertisement

Kaya inihanda niya ang sarili. Sabi niya, mapadaiti lamang ang kamay ng amo niya sa balat niya, lalayasan niya ang mga ito.

Ngunit tila kabaligtaran ito.

Napakasuwerte ni Edith dahil pawang mababait ang kaniyang mga amo at maayos ang pagtrato sa kaniya.

Kaya naman, ibayong sipag ang isinusukli ni Edith sa kanila. 5:00 pa lamang ng madaling-araw ay gising na siya. Nag-aayos na siya sa sarili upang presentable namang siyang haharap sa kaniyang mga amo. Pagkatapos ay naglilinis na siya ng bahay.

Paggising ng kaniyang mga amo ay nakahanda na rin ang masasarap na pagkain na nakahain sa kanilang mesa.

“Napakasuwerte talaga natin kay Edith. Masipag na, masarap pang magluto!” papuri ni George sa kasambahay. Si George ang amo niyang lalaki.

“Oo nga eh. Saka talagang pulido siyang magtrabaho,” segundang papuri ni Margareth sa kasambahay.

“Edith, mamaya pala mag-aayos ako ng mga cabinet ko sa kuwarto. Ibibigay ko na lang sa iyo yung mga damit ko na magaganda pa pero hindi ko pa masyadong nagagamit. Kaya samahan mo sana ako mamaya,” sabi sa kaniya ni Glenda, ang panganay na anak na kasing-edad lamang ni Edith.

Advertisement

“Naku Ma’am Glenda, nakakahiya naman po…”

“Ay naku Edith, huwag ka nang mahiya. Kaysa naman sa iba pa mapunta. Sigurado akong bagay na bagay sa iyo ‘yon.”

Dahil sa kabutihan ng kaniyang mga amo ay nagtagal sa kanila si Edith. Sa pangatlong taon, nagpaalam si Edith sa kanila.

“Ma’am, Sir… hindi po ako aalis dahil hindi ko na po gustong manilbihan sa pamilyang ito. Sa totoo lang po, kayo na yata ang pinakamabait at mapagmalasakit na pamilyang amo na napagtrabahuhan ko. Napakapalad po ng papalit sa akin, kung sakali. Ayaw ko po sanang umalis kaya lang po, kinakain po ako ng konsensya na maging unfair sa inyo,” naiiyak na paliwanag ni Edith.

“Naku Edith, sa totoo lang, ikaw naman ang pinakamasipag at pinakamagaling na kasambahay na nakilala namin. Palagay na ang loob namin sa iyo at kabisado mo na rin ang mga gawain dito sa bahay. Nahuli mo na rin ang lasa ng kape namin, pati ng mga pagkain namin. Pero, wala na ba kaming magagawa para mapigilan ka? Kailangan ba naming taasan ang suweldo mo?” tanong ni Margareth.

“Hindi po Ma’am, hindi po sa suweldo. Sapat na sapat po ang suweldo ko at wala na po akong maihihiling pa. Dahil nga po sa suweldo ko rito, nakaipon po ako nang sapat na pera upang magkolehiyo. Iyon po ang balak ko, Ma’am. Nais ko pong magkolehiyo at makatapos ng pag-aaral. Kung naninilbihan po ako sa inyo at nag-aaral nang sabay, baka po hindi ko na po maasikaso ang trabaho ko rito, at hindi naman po yata patas iyon sa inyo, Ma’am, Sir,” paliwanag ni Edith sa dahilan kung bakit mas pinipili na lamang niyang magbitiw sa trabaho.

Sa halip na sumang-ayon ay mas natuwa pa sina Margareth at George sa kanilang mga narinig mula kay Edith.

“Nakakatuwa ka naman, Edith! Tama ‘yan! Suportahan ka namin. Hindi mo naman talaga magagawang pagsabayin ang pag-aaral at pagtatrabaho sa amin, tama ka naman. May isang masasakripisyo talaga. Pero sinong may sabing pagsasabayin mo? Pamamahalaan mo lang. Time management, Edith,” paliwanag ni George. “Sayang din ang kikitain mo. Para iyang ipon mo ay magamit mo pa sa ibang bagay.”

Advertisement

“Tama ang sir mo, Edith. Ganito na lang, papayag kami na umaga hanggang hapon, nasa paaralan ka, tapos sa gabi, sige, kahit magluto ka na lamang para sa amin o kaya kung kaya mo pa, maghugas ng mga pinagkainan. Bumawi ka na lamang ng Sabado. Para sa Linggo, makapahinga ka rin. Hindi mo naman ginamit ang mga day off mo noon.”

At ganoon na nga ang naging set-up.

Matuling lumipas ang apat na taon.

“Congratulations, Edith! Sa wakas, titulado ka na!” pagbati ni Margareth sa kanilang kasambahay.

Halos maiyak naman sa tuwa si Edith nang madatnan ang tarpaulin na ipinagawa ng kaniyang mga amo para sa kaniya. Naghanda rin sila ng masasarap na pagkain para sa kaniya at sa kaniyang pamilya na lumuwas pa ng Maynila upang masaksihan ang pagtatapos ng anak.

“Maraming salamat po Ma’am, Sir! Hindi ko po ito makakamit kung hindi ako nakatagpo ng mababait at suportadong amo na gaya ninyo!” umiiyak na pagpapasalamat ni Edith. Abot-langit din ang pasasalamat ng mga magulang ni Edith kina Margareth at George dahil sa mabuting pakikitungo ng mga amo sa kanilang anak.

Makalipas ang dalawang araw, muling kinausap nina Margareth at George si Edith na noon ay naglalaba ng kanilang mga damit at nagluluto.

“Edith… huwag mo sanang isipin na ginagawa namin ito para paalisin ka. Matagal na ang pinagsamahan natin. Napamahal ka na rin sa amin. Kaya lang, syempre tapos ka na ng pag-aaral. May diploma ka na. Makabubuti para sa iyo na maghanap ng trabaho na babagay sa pinagtapusan mo. Gawin mo na ang mga bagay na gusto mong gawin,” nakangiting sabi ni Margareth.

Advertisement

“Sana lang makahanap kami ng kasambahay na kasinsipag, kasimbait, at kasinsarap mong magluto,” segunda naman ni George.

“Ma’am, Sir,” naiiyak na sabi ni Edith. “Huwag n’yo naman po akong itaboy… paano naman po ang mga gawaing-bahay dito… sino na po ang magtitimpla ng kape para sa inyo? Ayaw ko po kayong iwan…”

“Edith… sapat na ang serbisyo mo sa amin. Ngayon naman, gawin mo naman ang mas makabubuti para sa iyong sarili. Bukas ang bahay namin para sa iyo. kahit anong oras o araw mong gusto na dumalaw rito, walang problema sa amin. At kapag dumalaw ka na rito, hindi ka na namin kasambahay kundi kaibigan na,” paliwanag ni Margareth.

Walang magawa si Edith kundi yakapin ang kaniyang mga amo. Napakabuti nila!

Labag man sa kaniyang kalooban ay sinunod na nga ni Edith ang sinabi sa kaniya ng mag-asawa. Bago siya tuluyang umalis, siya na mismo ang naghanap ng panibagong kasambahay para sa pamilya. Hindi siya kampante na ang papalit sa kaniya ay pabaya at walang masalakit para sa mga among mababait at may mabuting puso.

“Ayusin mo ang trabaho ha? Kapag nagreklamo sila, ako ang unang kakastigo sa iyo, sige ka,” biro ni Edith sa kaniyang pinsan na siyang papalit sa iiwanan niyang trabaho bilang kasambahay.

At matuling lumipas ang panahon.

Nakapagtrabaho si Edith sa Canada at nakapag-asawa ng dayuhan.

Advertisement

Nagkaroon ng malubhang sakit si George na kailangan ng milyong piso upang maoperahan.

Nagulat si Margareth nang malaman niya na bayad na ang hospital bills nila, at may nagbayad na rin para sa suplay ng gamot.

Kanino galing ang bayad?

Kay Edith.

Ang dating kasambahay, ngayon ay isang matagumpay na arkitekto na sa ibang bansa at may-ari ng sariling architectural firm sa Canada.

“Maraming-maraming salamat sa iyo, Edith! Tingnan mo ang sarili mo ngayon, isa ka nang matagumpay na tao! Ang layo-layo na ng narating mo!” umiiyak sa kaligayahang pasasalamat ni Margareth sa dating kasambahay.

“Kulang pa po ‘yan sa lahat ng mga magagandang bagay na ibinigay ninyo sa akin, Ma’am, Sir,” nakangiting wika ni Edith nang dalawin niya si George sa ospital.

Pinatunayan ni Edith na ang magagandang punlang itinanim ay aanihin din sa takdang panahon! Anumang magagandang bagay na ginawa mo sa kapwa mo ay babalik din sa iyo, siksik, liglig, at umaapaw!