Inday TrendingInday Trending
Nagpaalam ang Mister na Ito na Sasama sa Team Building ng Kanilang Kompanya Ngunit ang Totoo, Kasama Nito ang Kabit; Paano Mabubuko ni Misis ang Kalokohan Niya?

Nagpaalam ang Mister na Ito na Sasama sa Team Building ng Kanilang Kompanya Ngunit ang Totoo, Kasama Nito ang Kabit; Paano Mabubuko ni Misis ang Kalokohan Niya?

“Ma, magpapaalam sana ako sa iyo. May team building kasi ang kompanya namin sa darating na Sabado, kaya wala ako… hanggang Linggo iyon,” paalam ni Alfred sa kaniyang misis na si Ludy habang pinipigaan nito ang mga nilabhang damit mula sa washing mashine.

“Team building? Bakit may paganyan-ganyan pa kayo eh may pand*mya pa?” tanong ni Ludy sa mister. Napakamot naman ito sa ulo.

“Eh ganoon talaga… hindi ko rin alam kung anong pumasok sa kukote ng aming mga boss kung bakit magpapa-team building sila. Sige na… payagan mo na ako. Dalawang araw lang naman akong mawawala rito sa bahay,” saad naman ni Alfred.

“Oh, eh sige… wala namang problema sa akin, kaya lang sana walang trobol ha? Sana naman walang inom-inom ng alak,” paalala ni Ludy sa kaniyang mister. “Saan ba ‘yang team building na ‘yan?”

“Sa bandang Rizal daw eh, sabi ng boss namin. Oo naman, behave naman ako doon mahal, hindi ako iinom ng alak. At kung may inuman man, hindi naman ako iinom dahil iyon ang bilin mo sa akin,” pangako naman ni Alfred sa kaniyang misis.

“Okay sige na…”

Kinarga ni Alfred ang misis.

“Ang bait talaga ng misis ko! Kaya mahal na mahal kita eh!” paglalambing ni Alfred sa asawa.

At dumating na nga ang Sabado. Biyernes pa lamang ng gabi ay nakaimpake na si Alfred. Madaling araw naman ng Sabado nang siya ay umalis patungo sa Antipolo, Rizal.

Ngunit hindi totoo ang dinahilan ni Alfred. Hindi siya sumama sa team building ng kanilang kompanya.

“Hay salamat, babe, at dumating ka na!”

Pinupog ni Geneva ng halik at yakap si Alfred, ang kaniyang kalaguyo. Unang anibersaryo nila ngayon bilang mag-jowa. Alam ni Geneva na kabit lamang siya subalit ayos lang sa kaniya. Para nga sa kaniya, mas masarap ang ganoong relasyon nila ni Alfred.

“Buti nga pinayagan ako eh. Tara na? Handa ka na ba sa nature-tripping natin?” malambing na tanong ni Alfred.

“Oo naman, at nasasabik na talaga ako lalo na sa mga gagawin natin!” kinikilig naman na sabi ni Geneva na para bang kinikiliti sa kaniyang singit.

“May gagawin talaga tayo mamaya na tiyak na mapapatili ka sa sarap, at kailangang gawin natin ‘yan na saksi ang mga puno at halaman. Masarap daw iyon eh,” nakangiti at nakakalokong sabi pa ni Alfred sabay kindat sa kalaguyo.

“Ano ‘yun?” maharot na kunwari ay tanong ni Geneva ngunit mukhang alam naman niya kung ano.

May ibinulong si Alfred sa kaniya. Tumawa si Geneva at hinampas sa balikat ang nobyo.

“Hayop ka talaga! Baka mamaya may makakita sa atin, sira!”

“Hindi ‘yan… sige na… minsan lang eh…”

Matapos ang kanilang biyahe, sa wakas ay nakarating na rin ang magkalaguyo sa isang batis. Masuwerte na kakaunti lamang ang mga naliligo ng sandaling iyon kaya naman tiniyak ng dalawa na masusulit ang araw na iyon. Para silang sina Eva at Adan.

Naroon sila sa lugar na alam nilang walang makakakita, walang nakakakilala sa kanila, sa mga nakaw na sandali ng pagtataksil.

Maya-maya ay dinala na ni Alfred si Geneva sa kakahuyan.

“Saan mo ako dadalhin?” tanong ni Geneva.

“Eh ‘di sa isang tagong lugar at gagawin na natin ang sinasabi ko kanina,” nakangiting sabi ni Alfred.

Nagkubli sila sa isang masukal na lugar at doon ay wala nang usap-usap na umaatikabong halikan, himasan, kapaan ang naganap. Hawak dito, hawak doon. Salat dito, salat doon. Eva at Adang makasalanan. Piping saksi ang mga puno ng narra at akasya sa paligid, pati na ang mahahabang mga talahib.

Maya-maya…

“Aray! Aray! Ano ‘yun?”

Nanlaki ang mga mata ng dalawa dahil nagsunod-sunod ang masasakit na tusok sa kanilang mga hubad na katawan.

Nagtatakbo silang palayo subalit sinundan lamang sila ng mga kumpol-kumpol na bubuyog na nabulabog pala nila! Hindi nila napansin ang malaking bahay ng mga bubuyog sa isang puno.

Kinuyog sila ng mga bubuyog!

Hindi sila tinantanan ng mga ito hanggang sa makaramdam na sila ng hilo at pananakit ng katawan.

Mabuti na lamang at may nakakita sa kanilang lokal at tinulungan sila. Agad silang nadala sa ospital.

Agad na nagtungo sa ospital si Ludy nang malaman ang nangyari sa mister. At doon niya nalaman ang katotohanan sa mga kalokohan ni Alfred. Nakaharap pa niya ang kalaguyo nito.

“Diyos na ang gumanti para sa akin. Hayop kayo. Pasalamat kayo na hindi mga kauri ninyong ahas ang tumuklaw sa inyo. Salamat sa mga bubuyog, sila na ang nagpatikim sa mga kababuyan ninyo sa gubat,” galit na galit na wika ni Ludy.

Nang gumaling si Alfred ay tuluyan na niyang hiniwalayan ito. Sising-sisi naman ang mister sa kaniyang ginawa. Hindi na rin siya pinakisamahan ni Geneva na nagpakalayo-layo na rin. Simula noon ay kinatakutan na nila ang mga bubuyog.

Ngunit para kay Ludy, ang mga bubuyog ay mga anghel na nagkatawang insekto.

Advertisement