Inday TrendingInday Trending
Nakipagkita ang Babae sa Lalaking Nagpasakay sa Kaniya sa Kotse nang Maabutan Siya ng Lockdown; Mala-‘Lockdown’ Din Ba ang Kaniyang Puso sa Lalaking Ito?

Nakipagkita ang Babae sa Lalaking Nagpasakay sa Kaniya sa Kotse nang Maabutan Siya ng Lockdown; Mala-‘Lockdown’ Din Ba ang Kaniyang Puso sa Lalaking Ito?

Hindi alam ni Sheryl ang kaniyang gagawin. Wala na siyang masakyang mga pampublikong sasakyan dahil sa ipinatupad na lockdown ng pamahalaan upang masugpo ang mapamuksang sakit.

May face mask at alcohol naman siya, subalit wala siyang ideya na mangyayari ito. Wala na siyang kamalay-malay sa mga nagaganap sa paligid dahil abala siya sa pagtatrabaho. Sa katunayan, sa quarters na nga sa opisina siya natutulog.

“Paano ako uuwi nito, Diyos ko naman…” nag-aalalang sabi ni Sheryl sa kaniyang sarili. Hindi puwedeng hindi siya makauwi dahil simula bukas, hahanapan na siya ng quarantine pass sa checkpoint. Kailangan niyang kumuha nito sa kanilang barangay hall.

Nasa kaniyang malalim na pag-iisip si Sheryl kung anong diskarte ang gagawin niya nang may pumaradang itim na kotse sa harapan niya. Nakaramdam siya nang kaunting kaba subalit hindi siya nagpahalata. Masterado na niya ang pagtatago sa kaniyang tunay na nararamdaman.

Nagbaba ng kaniyang windshield ang nagmamaneho ng kotse.

“Miss, huwag kang mag-alala, hindi ako masamang tao. Naghahanap talaga ako ng mga taong matutulungan at maisasabay nang libre. Nagdeklara ng lockdown kanina kaya walang masakyan, nagmamadali ang lahat. Sakay na,” wika ng lalaki.

Mukha namang matino at mabait ang lalaki. Sa katunayan, guwapo at makisig ito. Mukhang yayamanin.

Ngunit nagpabebe pa rin si Sheryl.

“Naku, salamat na lang ho, pero baka naman may dumaan pang jeep dito…”

Ngunit napansin ni Sheryl na may pumatak na tubig sa kaniyang braso. Isang patak, dalawa, tatlo, hanggang sa dumami na. Umuulan na. Wala siyang dalang payong.

“Miss, sakay na… umuulan na. Mahirap magkasakit ngayon.”

Kaya naman, nagpaunlak na rin si Sheryl.

Hindi niya namamalayan na magkausap na pala sila ng lalaki na nagngangalang Rigor. Marami na silang napagkuwentuhan, hanggang sa ibinibigay na pala niya ang kaniyang contact number dito.

Nagboluntaryo na rin ito na puwede siyang sunduin nito kung halimbawang papasok siya sa trabaho. Magkalugar lang naman pala sila.

Nang sumunod na mga araw ay ganoon na nga ang nangyari.

“Salamat talaga ah. Salamat ulit dito sa libreng sakay. Nakakahiya na sa’yo, ” pasasalamat ni Sheryl habang nasa sasakyan ni Rigor.

“Sus, wala namang problema sa akin. Ganoon talaga. Kailangang nagtutulungan tayo. Tayo-tayo rin naman ang nagtutulungang mga magkakalugar,” wika ni Rigor.

Sa kanilang pagkukuwentuhan ay napag-alaman nila sa isa’t isa na pareho pala silang walang naging karelasyon simula sa umpisa.

Hindi na nila namalayan na nagkakapalagayan na ang kanilang mga kalooban. Hanggang sa ang pangalawang beses ay nagkasunod-sunod na. Lagi na siyang hinahatid at sinusundo ni Rigor.

Ngunit hindi nila pinag-uusapan kung ano ba talaga sila. Hindi rin naman nagsasabi si Rigor kung may balak ba itong ligawan siya.

Para naman kay Sheryl, kinikilig siya. Kinikilig siya sa mga ginagawa ni Rigor para sa kaniya. Kung tutuusin, hindi naman nito obligasyong sunduin at ihatid siya sa kanila pero ginagawa pa rin nito.

“Hay naku bes, bet ka niyan! Maniwala ka. Hindi naman mag-aaksaya ng panahon ang isang lalaki sa babae kung wala lang,” sabi sa kaniya ni Mia na kaniyang matalik na kaibigan, nang ikuwento niya rito ang tungkol kay Rigor.

“Baka naman gusto lang niyang makipagkaibigan sa akin kaya ganoon? Wala naman siyang sinasabi na nanliligaw siya,” sansala naman ni Sheryl.

“Ngek? Hindi ako naniniwalang kaibigan lang ang tingin niya sa iyo. Maghintay ka lang. Hintay-hintayin mo lang ang sasabihin niya sa’yo.”

Ngunit dumaan ang ilang araw na walang Rigor ang nagparamdam sa kaniya.

Walang naghatid-sumundo sa kaniya.

Lumipas ang isang linggo.

Gustong-gustong i-text o tawagan ni Sheryl si Rigor upang alamin kung ano ang nangyari dito subalit naunahan siya ng hiya. Nanaig pa rin sa kaniya ang pagka-Maria Clara niya.

Mukhang hindi totoo ang mga sinabi ni Mia.

Mukhang umasa lamang siya sa wala.

Gusto niyang pagalitan ang sarili dahil sa umasa siya sa isang bagay na wala naman talaga.

Tumagal ng dalawang linggong walang balita kay Rigor.

Ngunit isang araw, nagulat siya dahil may pumaradang pamilyar na kotse sa kanilang bahay.

Si Rigor!

“U-Uy, Rigor… kumusta? Naparito ka?” nauutal na tanong ni Sheryl. Nararamdaman niya ang kabog ng kaniyang dibdib at ang kilig na pumupuno sa kaniyang dibdib.

“Pasensya ka na Sheryl ha… nawala ako ng dalawang linggo kasi may nagpositibo sa virus sa pamilya, na-expose kami sa kaniya, kaya kinailangan naming mag-quarantine. Dinala kami ng barangay sa isang isolation facility at nagkataon namang mababa ang signal doon. Hindi na kita nasabihan kasi nahihiya ako, baka sabihin mo naman, bakit kailangan pa kitang sabihan eh hindi mo naman ako boyfriend, manliligaw pa lang ako.”

“Ah ganoon ba? Okay ka na ba? Negatibo ka naman…”

Natigilan si Sheryl sa kaniyang mga sasabihin. Napatulala siya kay Rigor.

“A-Anong sabi mo?”

“Sabi ko, gusto sana kitang sabihan sa mga nangyayari sa akin, kaya lang baka mailang ka at mainis sa akin at sabihin mo, hindi mo naman ako boyfriend. Nanliligaw pa lang ako, ‘di ba?”

At hindi na nagpatumpik-tumpik pa si Sheryl. Mukhang na-lockdown na ang kaniyang puso kay Rigor. Napagtanto niya na kung may naituro man ang pande*mya, ito ay ang huwag magsayang ng oras na gawin ang mga bagay na magpapasaya sa iyo, lalo’t kung wala namang tinatapakang ibang tao.

Naging magkasintahan sina Sheryl at Rigor. Sino bang mag-aakalang sa panahon ng lockdown, dalawang puso ang mala-lockdown sa isa’t isa?

Advertisement