Naiimbyerna ang Mister sa Tuwing Tumatanggi sa Kaniyang ‘Pangangalabit’ ang Misis Dahil Pagod sa Pag-aalaga ng Sanggol Nila; Susubukin Niya Kung Totoo Ito
Naiinis si Nolan sa kaniyang misis na si Pamela dahil tinatanggihan siya nito kapag ‘nangangalabit’ siya.
Kagaya ngayon. Bagama’t may isang kasambahay naman sila para sa mga gawaing-bahay, laging kinakatwiran sa kaniya ni Pamela na napapagod itong mag-alaga sa kanilang pitong buwang anak na si Baby Trevor.
“Pagod ako, ‘Pa…” tanggi ni Pamela nang ayain niya ito. Himbing na himbing naman si Baby Trevor na natutulog sa kaniyang crib.
“Ano ba ‘yan ‘Ma… simula noong manganak ka, diyeta na ako sa iyo. Hindi mo na ibinibigay ang mga pangangailangan ko,” nakasimangot na anas ni Nolan.
“Hoy, hindi ko na talaga kaya. Wala na akong enerhiya. Nakakapagod kayang mag-alaga ng sanggol.”
“Okay… sige na… magkakamay na nga lang ako…”
Kaya naman, upang alamin kung talaga bang nakakapagod mag-alaga ng sanggol, nagprisinta siya kay Pamela na siya muna ang magbabantay sa kanilang anak na si Baby Trevor upang masagot ang kaniyang katanungan sa isip, kung mahirap nga ba at gaano nga bang nakakapagod ang mag-alaga ng bata nang walang katulong o kasama.
“Sigurado ka ba riyan?” tanong ni Pamela.
“Oo, sigurado ako. Tutal Sabado naman bukas. Puwedeng-puwede kong gawin ang pag-aalaga kay Baby Trevor. Ikaw, magpahinga ka naman. Day off mo,” wika ni Nolan.
“Sige, sige. Tamang-tama, nag-aayang lumabas ang mga amiga ko. Sige, tuturuan kita ng mga dapat mong gawin.”
At nagsimula na nga si Pamela sa pagtuturo kay Nolan sa kung ano-ano ang mga dapat niyang gawin para kay Baby Trevor.
“Punasan mo si baby ha… tapos tingnan mo rin kung basa na ang diaper niya, palitan mo. Palitan mo rin ang damit kapag basa na sa pawis. Baka mapulmonya ang bata kapag natuyuan. Tapos kapag umiyak, pad*dehin mo. Nariyan na, nakahanda na ang nakatakal na gatas, lalagyan mo na lang ng mainit na tubig. Alugin mong mabuti at tiyaking malinis. Pagkatapos, kailangan mong padighayin bago matulog para hindi sumakit ang tiyan,” bilin ni Pamela.
At ganoon na nga ang ginawa ni Nolan.
Hindi niya alam ang gagawin nang biglang pumalahaw ng iyak si Baby Trevor. Naisip niya, baka nagugutom ito kaya agad siyang nagtimpla ng gatas at pinad*de ito. Tumahan naman ito. Pagkatapos maubos ang gatas sa bote, kinarga niya ito at inilapat ang bandang dibdib nito sa kaniyang balikat. Maya-maya, dumighay na ito at saka nakatulog.
Hindi lubusang makatulog, makaidlip, o makagawa ng kahit na ano si Nolan dahil panay tingin siya sa likod ng sanggol, kung basa na ba ito ng pawis.
Panay silip din siya sa diaper nito kung mabigat na ba dahil sa maraming ihi o baka naman may dumi na.
Sa bawat ingit ng anak, talaga namang napapatingin siya kung ano ang problema nito. Ngunit napapawi ang kaniyang mga agam-agam kapag nakikita na niya ang nangungusap na mga mata ng anak, o kaya ang biglaang pagngiti nito na humahaplos sa kaniyang puso.
Naalala ni Nolan ang palaging sinasabi sa kanilang magkakapatid ng kanilang sumakabilang-buhay na ina. Hindi raw madali ang maging magulang. Ngayon niya napahahalagahan ang naging sakripisyo ng kanilang ina, na nakayang buhayin at alagaan silang magkakapatid.
Nakokonsensya tuloy siya ngayon sa tuwing lumalabas siya kasama ng barkada niya at nakikipag-inuman dahil nalulungkot siya sa pagtanggi sa kaniya ng misis, gayong si Pamela ay hirap na hirap sa pag-aalaga ng kanilang supling. Na dapat ay umuuwi kaagad siya nang maaga para naman matulungan ito.
Kinukurot ang kaniyang puso sa tuwing naaalala niya na kinaiinisan niya ang misis sa tuwing tumatanggi ito sa kaniyang pangangalabit. Mahirap pala talaga ang sakripisyong ginagawa ng mga ina sa pag-aalaga ng kanilang mga anak.
Kaya nang dumating ang kaniyang misis, masuyo niya itong hinalikan. Humingi siya ng tawad.
“‘Ma, patawarin mo ako sa mga nasabi ko sa iyo. Patawarin mo ako kapag pinipilit kitang pagbigyan ako kahit sinasabi mong pagod ka sa pag-aalaga kay Baby Trevor. Nakakapagod nga talagang mag-alaga. Kailangan kasi bukas na bukas ang mga mata mo dahil malingat ka lang nang kaunti, puwede nang may mangyari sa bata. Eh hindi pa naman sila nakakapagsalita,” wika ni Nolan.
“Oo, nakakapagod naman talaga. Pero nawawala naman ang pagod ko lalo na kapag nakikita kong nakangiti ang ating baby, o kaya kapag bigla na lang siyang tumatawa habang natutulog, baka nilalaro ng anghel dela guwardiya niya,” nakangiti namang sabi ni Pamela.
Simula noon ay hindi na kinainisan ni Nolan ang kaniyang misis sa tuwing tumatanggi ito. Mas lalo pa niyang ginalang at minahal ang asawa, at tumaas pa ang paggalang niya sa lahat ng mga inang gaya nito.