Inday TrendingInday Trending
Mabilis daw Nakalimutan ng Kaniyang Ina ang Namayapa Niyang Ama; Ngunit Mukhang Nagkakamali Lamang Pala Siya

Mabilis daw Nakalimutan ng Kaniyang Ina ang Namayapa Niyang Ama; Ngunit Mukhang Nagkakamali Lamang Pala Siya

Kunot-noong pinagmamasdan ng binatang si Edward ang kaniyang ina, habang kausap nito ang mga kumare sa labas ng kanilang tahanan. Hindi siya makapaniwala sa nakikitang ngiti sa mga labi nito, gayong halos isang buwan pa lamang ang nakalilipas buhat nang tuluyan silang iwanan ng kaniyang ama, dahil sa sakit nito sa baga.

Wala namang masiyadong nagbago sa buhay nila buhat nang pumanaw ang kaniyang ama. Mabilis lamang silang nagpatuloy sa pang-araw-araw nilang buhay na para bang walang nawala…at isa ’yon sa ikinaiinis ng binata. Nagagalit siya sa kaniyang ina, dahil pakiramdam niya ay ni hindi man lamang ito nagdalamhati pagkatapos mailibing ng kaniyang ama. Tila ba mabilis lamang itong naka-move on at nakalimot sa sakit ng pagkawala ng sarili nitong asawa.

Dahil doon ay unti-unting lumayo ang loob ni Edward sa inang si Aling Hellen. Samantalang noon, dahil nag-iisang anak lamang ay napakalapit niya sa kaniyang mga magulang. Mahal na mahal niya ang mga ito, at ganoon din naman sila sa kaniya. Ngunit ngayon ay iba na ang pakikitungo ni Edward sa ina.

“Aalis ka? Anak, noche buena na mamaya. Saan ka pa pupunta?” takang tanong sa kaniya ng kaniyang ina nang hapong ’yon, nang makita siya nitong nakagayak.

“Doon ho ako magno-noche buena kina aunty. Tutal ay may mga bisita naman yata kayong darating mamaya, kaya may mga kasama kayo,” malamig namang tugon ni Edward sa ina. Narinig niya kasi kanina na tila nagpaplano ito ng isang maliit na selebrasyon kasama ang mga kaibigan nito kaya naman lalo siyang nainis sa ina. Sa isip-isip niya, paano nito nagagawang magpakasaya nang ganoon gayong kapapanaw lang ng kaniyang ama?!

Hindi na sumagot pa si Aling Hellen, bagkus ay nginitian na lamang ang anak na si Edward. “Ganoon ba, anak? Sige, mag-ingat ka, ha?” paalala niya pa rito.

Napailing na lamang si Edward. Hindi niya alam kung matutuwa ba siya o maiinis na ni hindi man lamang siya pinigilang umalis nito. Dahil doon ay minabuti na lamang muna niyang magmukmok sa kaniyang kwarto at mamaya na lamang umalis kapag nagsisimula na ang party sa bahay nila.

Napadaan si Edward sa silid ng kaniyang mga magulang nang pumanhik siya sa itaas. Dahil doon ay narinig niyang tumutunog ang telepono ng kaniyang ina. Kanina pa ’yon nagri-ring at tila wala namang kamalay-malay ang kaniyang ina dahil abala ito sa pagluluto ng mga putahe sa kusina.

Nagpasiya si Edward na pumasok sa silid. Pagkatapos ay dinampot niya ang aparatong kanina pa tunog nang tunog. Nakita naman niyang kanina pa rin tawag nang tawag ang mga kumare ng kaniyang ina, ngunit hindi niya pinagkaabalahang sagutin iyon. Muli na sana niyang ibababa ang naturang telepono nang may mapansin siya…

Nakabukas kasi ang messaging application ng naturang cellphone, at doon ay tumambad sa kaniya ang mga mensaheng ipinadadala ng kaniyang ina sa dating numerong ginagamit ng kaniyang yumaong ama!

“Mahal, kumusta ka na? Alam mo ba kung gaano na ako kasabik na makita kang muli? Hindi ko na kaya ang lungkot, pero hindi naman ako maaaring maging mahina sa harap ng anak natin. Gusto kong makita niyang kaya naming lampasan ’to, kahit pa ang totoo ay halos gusto ko nang sumunod sa ’yo…”

Hindi napigilang maluha ni Edward sa mga nabasang mensahe ng ina sa kaniyang ama. Hindi niya inaasahan na ganito pala ang nararamdaman nito ngayon!

“Mahal na mahal kita, asawa ko. Sana ay ako na lang ang nawala at hindi ikaw. Sana ay masaya ang anak mo. Mas matutuwa siguro siya kung ikaw ang natira at hindi ako. Kayo naman kasi talaga ang close, hindi ba? Pakiusap, gabayan mo ako para kayanin ito.”

Kumirot ang puso ng binata. Habang tumatagal ay nahihilam na ang mga mata niya sa luha ngunit patuloy niya pa ring binabasa ang mensahe ng kaniyang ina. Ganito pala ang pinagdaraanan nito. Labis pala itong naaapektuhan ngunit ayaw nitong ipakita sa kaniya upang mabilis siyang makapagpatuloy sa buhay! Sa panahong kinagagalitan niya ito’y siya lamang pala ang iniisip ng ina. Ngayon ay nagsisisi si Edward sa mga ipinakita niyang mali rito.

Dahil doon ay patakbong tinungo ni Edward ang puwesto ng kaniyang ina, at nang sa wakas ay nakita niya ito’y niyakap niya ito nang mahigpit! Taos puso siyang humingi ng tawad at ipinangakong babawi siya rito.

Advertisement