Inday TrendingInday Trending
Dahil sa Pagmamadali ay Hindi Sinasadyang Nabangga ng Rider na Ito ang Kotseng nasa Harapan; Napaiyak Siya sa Ginawa ng Drayber Nito

Dahil sa Pagmamadali ay Hindi Sinasadyang Nabangga ng Rider na Ito ang Kotseng nasa Harapan; Napaiyak Siya sa Ginawa ng Drayber Nito

Tirik na tirik ang araw. Kakain na sana ng pananghalian ang delivery rider na si Mang Ben. Katatapos lamang niyang i-deliver ang huling parsela niya bago ang inilaan niyang break time para sa kaniyang sarili, nang makatanggap siya ng tawag mula sa kaniyang asawa…

“M-mahal, bilisan mo! Sumunod ka rito sa amin sa ospital. Iyong anak mo, inaapoy ng lagnat!” umiiyak na sabi ng misis niyang si Aling Hilda na agad namang ikinagulat ni Mang Ben.

“Ano? Sige, sige, pupunta na ako! Huwag kang masiyadong mag-isip, mahal. Makakasama sa ’yo ’yan!” paalala naman ni Mang Ben sa asawa, dahil inaalala niya ang pagdadalang tao nito. Maselan pa naman ang pagbubuntis ni Aling Hilda lalo pa’t maituturing na menopausal baby na ang dinadala nito ngayon.

Pagkababa niya ng tawag ay muli siyang sumakay sa kaniyang motorsiklo at ini-start iyon. Hindi na nagdalawang isip pa si Mang Ben na paharurutin ang kaniyang motorsiklo sa sobrang pag-aalala sa kaniyang mag-iina. Una’y para sa panganay niyang si Chelsea na noon pa man ay sadya na talagang sakitin, pangalawa ay para sa kaniyang asawang nagdadalang tao pa man din!

Madaling-madali si Mang Ben. Ni hindi na niya alintana pa ang gutom. Mataman siyang nakipaggitgitan sa gitna ng trapiko sa kalsada, kahit pa medyo mabigat ngayon ang daloy ng mga sasakyan. Nagkataon kasing may banggaan sa ’di kalayuan na sumabay pa sa ginagawang daan!

Dahil sa sobrang pagmamadali ay hindi sinasadya ni Mang Ben na masagi ang sasakyang nasa kaniyang harapan. Hindi niya kasi napansing nakadikit na pala siya nang sobra dito dahil tila lumilipad ang isip niya! Nagdulot iyon ng isang napakahabang gasgas sa nasabing sasakyan na mukhang napakagara pa man din, at walang nagawa si Mang Ben kundi ang mabigla at matulala.

“Diyos ko, saan ako kukuha ng ibabayad ko rito?!” hindi magkandaugagang tanong niya sa sarili.

Mukhang hindi napansin ng may-ari ng sasakyan ang nagawa niya dahil hindi pa ito bumababa mula sa loob, ngunit bago pa iyon mangyari ay inunahan na ito ni Mang Ben. Kinatok niya ang bintana ng kotse upang ipaalam sa driver nito na nadali niya ang sasakyan nito.

“Sir, pasensiya na po. Nagmamadali lang po talaga ako dahil nasa ospital po ang anak ko. Nasagi ko po ang kotse n’yo, sir!” mangiyak-ngiyak na sabi ni Mang Ben sa naturang may-ari na nakita niyang nakasuot din ng magara at eleganteng damit. Mukhang sa opisina ito pumapasok, dahil sa suot nito kaya lalong kinabahan si Mang Ben. Sigurado kasi siya na mayaman ito at kayang-kaya siyang ipahuli.

“Alam ko ho, manong. Hindi lang talaga ako lumabas agad para tingnan kung ano ang gagawin n’yo,” sagot naman ng may-ari ng kotse. “Kung tinakasan n’yo ako, mamalasin kayo sa akin. Sisiguraduhin kong magbabayad kayo nang malaki para sa damages ng kotse ko, pero mabuti na lang at ginawa n’yo ang tama,” sabi pa ng lalaki na nagpakunot naman ng noo ni Mang Ben.

“S-sir, ano pong ibig n’yong sabihin?” tanong niya.

Ngumiti naman ang may-ari ng sasakyan bago sumagot. “Dahil sa katapatan n’yo, hindi ko na ho kayo aabalahin pa, manong. Hayaan n’yo na ho ’yang sira sa kotse ko at ako na ang bahalang magpagawa n’yan. Puntahan n’yo na ho ang anak n’yo. Heto ho ang kaunting tulong. Baka kailanganin n’yo,” dugtong pa ng naturang lalaki pagkatapos ay inilagay pa mismo sa palad ni Mang Ben ang tumataginting na sampung libong piso na animo barya lang na ipinamigay nito!

“S-sigurado ho kayo, sir?” gulat na gulat na tanong ni mang Ben sa nasabing lalaki. Nakangiti naman siyang tinanguan nito bilang tugon at dahil doon ay hindi na napigilan pa ni Mang Ben ang kaniyang emosyon at napaiyak na lang sa harap nito.

“Maraming-maraming salamat po, sir! Hulog po kayo ng langit sa akin!” pahabol pang sabi niya rito bago siya tuluyang umalis upang puntahan ang kaniyang mag-iina sa ospital na pinagdalhan sa kaniyang anak.

Mabilis namang naagapan ang anak ni Mang Ben. Talagang nakatulong din nang malaki ang sampung libong ibinigay sa kaniya ng mabait na lalaki na siyang tumulong sa kaniya dahil na rin sa kaniyang pagiging matapat. Dahil doon ay lalo pang na-inspire si Mang Ben na ipagpatuloy ang kaniyang katapatan at pagiging mabuting ama. Alam niyang pinagpapala ng Diyos ang mga ganoong tao, ’tulad ng ginawa Nito sa kaniya ngayon.

Advertisement