Isang Pinay OFW, Binigyan ng Kaniyang Amo ng ‘Pabaon’ para sa Kaniyang Pag-uwi; Magugulat Siya nang Malamang Limpak-limpak Pala Iyong Salapi
Matagal na nagtrabaho bilang OFW sa France ang ginang na ito na kung tawagin sa kanilang lugar ay si Aling Betsay. Mahigit dalawampung taon din siyang namalagi sa nasabing bansa, sa iisa lamang na employer. Sa kaniya na nga halos lumaki at nagdalaga ang noon ay isang taong gulang lamang niyang alaga, na ngayon ay isa nang propesyonal na Fashion Designer. Iyon nga lang, dahil matanda na ay gusto naman ni Aling Betsay na makasama naman ang kaniyang pamilya.
Maganda na ang buhay ng kaniyang mga kaanak sa ‘Pinas. Napatapos na niya ng pag-aaral ang kaniyang mga anak at may kaniya-kaniya na silang trabaho, hanggang sa kaniyang pinakabunso. Kahit papaano ay suwerte pa rin si Aling Betsay dahil lumaking mababait at mabubuting tao ang kaniyang mga anak, kahit pa kulang sila sa pagmamahal at gabay ng isang ina dahil nga nasa malayo siya. Mabuti na nga lang at ngayon ay makababawi na siya. Mababawi na niya ang mga panahong nawalay siya sa kanila.
Masayang sinalubong ng kaniyang pamilya si Aling Betsay. Bumaha pa nga ng luha sa muli nilang pagkikita ng kaniyang mga anak. Pagkatapos n’on ay tuwang-tuwa pa niyang ipinakita sa mga ito ang kaniyang mga pasalubong, lalong-lalo na ang mamahaling bag na ibinigay sa kaniya ng kaniyang alaga.
“Wow, mama! Napakaganda naman ng bag na ’to!” komento pa ng kaniyang anak nang sa wakas ay alisin na nila sa kahon ang naturang bag.
“Naku, espesyal nga raw ’yan, sabi ng alaga ko. Ingatan ko raw at huwag na huwag ko raw munang bubuksan hangga’t hindi ako nakauuwi rito,” paliwanag pa ni Aling Betsay.
“Naks naman, mama. Mukhang mahal na mahal ka talaga ng alaga mong ’yon. Mabuti na lang at naintindihan niya na aalis ka na sa kanila at magre-retire na.”
Napabuntong-hininga si Aling Betsay sa sinabi ng kaniyang anak. “Naku, kung alam n’yo lang kung gaano ako iniyakan n’on. Ang sabi ko nga ay maaari naman siyang bumisita rito sa atin kung nami-miss niya ako. Tutal ay may pera naman ’yon, e.” Bahagya siyang nalungkot nang maalala ang kaniyang alaga na sa tagal ng panahong kasama niya’y talaga namang napamahal na rin sa kaniya.
“Ikaw pala ang dapat na magbukas nito, mama. Para sa ’yo talaga ang regalong ’to, kaya naman, dali na po. Buksan mo na!” sabik pang sabi ng kaniyang anak na agad namang tinalima ni Aling Betsay.
Nakangiti niyang inalis ang nakabalot sa naturang mamahaling bag. Ngunit hindi akalain ng ginang na sa tuluyan niyang pagbubukas nito ay bubungad sa kaniya ang limpak-limpak na perang laman n’yon!
“Mama, ang daming pera!” hiyaw ng anak niya. Nanlaki naman ang mga mata ni Aling Betsay sa nakita!
Dahil doon ay agad niyang tinawagan ang kaniyang alaga sa ibang bansa upang itanong kung bakit ganito ang laman ng bag na ipinabaon nito sa kaniya, at doon niya napag-alaman na iyon pala ay matagal na nitong iniipon upang ibigay sa kaniya para sa kaniyang pag-uwi.
Alam ng kaniyang alaga na mahirap lang ang pamilya ni Aling Betsay kaya naman pinangarap nito na bigyan ng magandang buhay ang taong itinuring niya na ring ikalawang ina. Para daw iyon sa pagmamahal at labis na pag-aalagang ibinigay sa kaniya ni Aling Betsay, kahit pa hindi naman siya nito kadugo.
“Pinaiiyak mo naman ako n’yan, hija. Dahil sa ginagawa mo ay nami-miss tuloy kita,” naiiyak na ani Aling Betsay sa kaniyang alaga habang katawagan ito. Ipinakilala niya ito sa kaniyang mga anak, pati na rin sa kaniyang asawa at halata naman ang tuwa sa mukha ng dati niyang amo at alaga.
“Huwag kang mag-alala, nanny. Magkikita ulit tayo,” nakangiti namang sagot sa kaniya ng dalaga na sa tagal ng panahong kasama niya ay naturuan niya na rin kung paano maging matatas sa pananagalog.
Ginamit ni Aling Betsay ang perang ibinigay sa kaniya ng kaniyang alaga at dating amo upang mag-umpisa ng negosyong lalong ikagaganda ng kanilang mga buhay. Ngunit bukod pa roon ay tinupad din ng dati niyang alaga sa ibang bansa, na itinuring na rin niyang anak, ang pangako nitong dadalawin siya sa Pilipinas! Dahil makalipas lamang ang ilang linggo ay nagulat na lamang sila nang bigla itong dumating at sinorpresa si Aling Betsay! Napakasaya naman ng naging reunion nila kahit sa sandaling panahon lamang.