Nangarap nang Mataas ang Trabahador na Ito sa Tubuhan; Sa Kabila ng mga Hadlang ay Patutunayan Niya ang Kaniyang Kakayahan
“Omar, hatinggabi na, a? Hindi ka pa ba matutulog?” tanong ng isa sa mga kasamahan ni Omar sa tubuhang kanilang pinagtatrabahuhan.
“Mamaya na siguro, pare. Gumagawa pa kasi ako nitong assignment ko, e,” sagot naman niya.
Naupo ito sa kaniyang tabi habang hawak ang isang tasa ng mainit na kape. “E, mukhang mas kailangan mo pala ito,” sabi pa nito sa kaniya sabay abot sa kapeng barakong katitimpla pa lamang nito.
“Salamat,” impit namang sagot lamang niya bago ibinalik ang atensyon sa ginagawang assignment.
“Pare, hindi ka ba nagsasawa o nahihirapan sa ginagawa mo? Alam mo kasi ako, nagsawa na ako sa kakaasa na makakaahon pa ako rito. Totoo ’yong sinasabi sa atin ni boss na hanggang dito na lang tayo,” maya-maya’y muling sabi sa kaniya ng kaibigan.
Natawa naman si Omar. “Alam mo ba kung ilang beses nang may nagsabi sa akin na wala akong mapapala sa pagsisikap na ginagawa ko? Maraming nangmamata sa akin dahil isa lang akong trabahador sa tubuhan. Pero kahit kailan ay hindi ko sila pinakinggan. Alam mo kung bakit? Kasi, naniniwala ako sa sarili ko. Alam kong kaya ko,” sagot naman niya.
Dahil doon ay puno ng paghangang tiningnan naman siya ng kaibigan. Tila nabuhayan ito sa sinabi niya, bagama’t hindi nito sinasabi.
“Kahit pa hinahadlangan ka ng marami? Alam mo, madalas kong marinig na pinag-uusapan ka rito. Ang sabi nila, ambisyoso ka raw. Maging si Boss ay natawa nang malamang nag-aaral ka. Napakababa ng tingin nila sa atin. Tingnan mo nga at pati ang mga magulang mo’y hindi rin naniniwalang kaya mo. Ayos lang ba iyon sa ’yo?”
Totoo ang sinabi nito. Siya ay isang biktima ng panghuhusga at pangmamata mula sa ibang tao, dahil lamang sa uri ng pamumuhay na kinalakhan niya. Marami na ang nagsabi sa kaniya na wala siyang mapapala sa ginagawa niya, maging ang kaniyang mga kaanak kaya naman minabuti niyang lumayo na lang muna sa kanila at pagsabayin ang trabaho’t pag-aaral. Hindi siya nagpapigil sa masasamang sinasabi ng mga ito dahil naniniwala siyang walang imposible sa taong nangangarap at nagsisikap sa buhay.
Napakaraming hirap na dinaanan si Omar bago pa siya makarating sa kinalalagyan niya ngayon. Nasa ikaapat na taon na siya sa kolehiyo, sa kursong Education at malapit na siyang magtapos! Sisiguraduhin niyang hindi niya susukuan ang pangarap na ito, lalo pa at halos abot-kamay na niya iyon!
Nagsumikap pa nang mabuti si Omar. Dahil sa nakikitang dedikasyon sa kaniyang ginagawa ay tila naengganyo rin ang iba sa kaniyang mga kasamahan na muling magbalik sa pag-aaral, lalo pa at nariyan naman si Omar upang tulungan sila. Dahil doon ay lalo pang naging determinado si Omar na tuparin ang kaniyang mga pangarap, dahil sa ipinakikitang suporta ng kaniyang mga kasamahan.
Hindi nagtagal, dumating ang araw ng kanilang pagtatapos. Doon ay nasaksihan ng lahat kung paano nakamit ni Omar ang kaniyang pangarap na may bonus pang mga medalya! Napatunayan niya ang kaniyang kakayahan sa maraming tao, lalo na sa mga humusga at nangmata sa kaniya noon.
“Kaya idol kita, pare, e!” bati sa kaniya ng kaibigang si Jack na ngayon ay kasama niyang nanuod ng seremonya ng pagtatapos. “Pangako, susundan ko ang yapak mo, pare. Dahil sa ’yo ay nagkaroon ulit ako ng pagkakataong mangarap at maniwalang kaya kong tuparin ’yon sa pamamagitan ng pagsisikap!”
“Aasahan ko ’yan, pare,” nakangiti namang sagot ni Omar.
Pagkatapos na pagkatapos ng graduation ni Omar ay hinintay na niya ang kaniyang board examination na walang kahirap-hirap din niyang ipinasa! Dahil doon, ngayon ay isa nang ganap na guro si Omar at ngayon ay maipagmamalaki na niyang lahat ng iyon ay bunga ng pagsisikap niya!
Agad na nagturo sa isang pampublikong paaralan sa Maynila si Omar. Sa pamamagitan n’on ay napag-aral din niya ang kaniyang mga kapatid at kahit papaano’y nabigyan niya ng magandang buhay, sa wakas, ang kaniyang mga magulang bagama’t hindi sila naniwala sa kanya noon! Ngayon ay puno na sila ng pagsisisi.
Pinatunayan ni Omar sa kanila na maling hindi gumawa ng paraan dahil lamang akala natin ay wala na tayong mapapala pa. Minsan, sa buhay ng tao ay kailangan talaga nating kumapit sa patalim at tibayan ang pananampalataya nating kakayanin natin ang lahat, basta’t maniwala lamang tayo sa ating mga sarili.