Inday TrendingInday Trending
Mahilig Magsimba Linggo-Linggo ang Ginang na Ito; Ngunit Bakit Tila wala Siya ni Isang Kasundo sa Kanilang Barangay?

Mahilig Magsimba Linggo-Linggo ang Ginang na Ito; Ngunit Bakit Tila wala Siya ni Isang Kasundo sa Kanilang Barangay?

Nanghahaba na naman ang mga nakangiwing nguso ng ilang mga ‘Marites’ sa barangay na iyon. Kalalabas lamang kasi ni Aling Ason sa simbahan, at nakita iyon ng ilan sa kaniyang mga kabarangay.

“Talagang hindi pumapalya sa pagsisimba ’yang si Aling Ason, ano?” naiiling na bulong ni Girly, isa sa mga kilalang ‘marites’ sa barangay na ’yon, sa kaniyang mga kumareng sina Shiela at Adelle na kapwa niya nakaistambay sa kalsada. Malapit lamang kasi sila sa chapel ng kanilang barangay kaya kitang-kita nila iyon.

“Siyempre! Akala yata ng babaeng ’yan, mababawasan ang mga kasalanan niya kapag nagsisimba siya, e. Kaya ayan, puro simba lang! Wala naman sa gawa!” kunot-noong sagot naman ni Shiela.

“Naku, hayaan n’yo na ’yan. Kahit anong gawin pang pagsisimba n’yan ni Aling Ason ay hindi na magbabago pa ang ugali n’yan. Masama! Matapobre!” naiilin din namang sagot ni Adelle sa mga kasama.

Ang totoo kasi, kilala sa lugar na ’yon si Aling Ason, dahil sa kaniyang hindi magandang pag-uugali. Matapobre, maramot, tsismosa, malisyosa, mapanlait at nananakit pa ang ginang at halos lahat ng kaniyang mga kabarangay ay nakaranas na ng kasamaan niya! Ang masaklap pa ay taong simbahan ito, at katulad nga ng nasabi ng tatlong tsismosa ay talagang linggo-linggo itong nagsisimba bilang pakitang tao!

Sa katunayan, maging ang mga anak nito ay hindi na nakatiis sa kaniyang pag-uugali kaya naman isa-isa na silang humiwalay sa kaniya. Madalang na lang din kung dalawin siya ng mga ito. Masiyado rin kasing ganid sa pera si Aling Ason na maging ang mga anak niya’y gusto niyang pagkakitaan o lamangan!

Ilang beses nang napatawag sa barangay si Aling Ason. Maraming reklamo tungkol sa kaniya. Halimbawa na lamang nang ipagkalat niyang bayarang babae raw ang kapitbahay na si Luningning, gayong alam naman ng lahat na may puso itong lalaki! Isa pa ay noong nanghihingi lamang ng malunggay ang kapitbahay na si Aling Adelle, at bigla itong batuhin ni Aling Ason ng malaking bato sa ulo, na naging dahilan upang mawalan ito ng malay! Pagkatapos ay nang saktan ni Aling Ason ang mga batang nadapa lamang sa harapan ng kaniyang bahay na ’di naman sinasadyang nasagi ang kaniyang mga halaman!

Napakaraming kasalanan ng ginang sa kaniyang mga kabarangay na pinalampas na lamang nila dahil sa labis na pakikiusap ng mga anak nito. Ngayon ay halos wala nang kumakausap sa ginang, at magtatatlong taon nang malungkot ang buhay nito.

Sa totoo lang ay nakapag-isip-isip na ang ginang sa kaniyang mga ginawa noon. Wala naman siyang problema sa pag-iisip, bagkus ay ganoon lamang siya dahil ang tingin niya ay mas mataas siya sa kaniyang mga kabarangay dahil siya lamang ang may pinakamaraming pera sa kanila! Sa tingin niya ay magagawa niya ang lahat ng gustuhin niya dahil lamang siya ang may pera at ang mga ito ay wala. Ngayon ay napagtanto niyang nagkakamali pala siya.

Wala na siyang kaibigan. Wala nang gustong kumausap sa kaniya, maging ang kaniyang mga anak. Ni ayaw nang lapitan ng tao kahit ang tapat lamang ng kaniyang bahay sa takot na baka may gawin siyang masama!

Mahina na si Aling Ason, at sigurado siyang walang malulungkot kapag siya ay nawala sa mundo, kaya naman simula nang iwan siya ng lahat ng tao sa kaniyang paligid ay nagsimula na siyang magsimba linggo-linggo. Doon niya ibinubuhos ang labis na paghingi ng tawad sa lahat ng kaniyang kasalanan, kahit pa lingid iyon sa kaalaman ng mga tao. Nagsisisi siya, ngunit natatakot siyang ipaalam iyon sa kanila dahil baka hindi rin naman sila maniwala.

Mabuti na lamang at pinayuhan siya ng kanilang kura-paroko. Ayon dito ay wala rin namang mawawala sa kaniya kung susubukan niyang humingi ng tawad sa lahat ng nagawan niya ng hindi maganda, at nang araw ding iyon ay nakita niyang nagkukumpulan sina Girly, Shiela at Adelle.

Nagulat pa ang tatlo nang mapansing papalapit sa kanila si Aling Ason, ngunit mas lalo silang napanganga nang bigla itong magsalita…

“Kumusta kayo? Alam kong galit kayo sa akin. Pasensiya na kayo sa mga nagawa ko noon, ha? Humihingi ako ng tawad…” Maiksi lamang ang sinabing iyon ni Aling Ason ngunit nang kumalat iyon ay nagsimula na ulit siyang kausapin ng mga kabarangay niya.

Sa wakas ay unti-unti siyang pinatawad ng mga ito lalo na nang makita nilang talagang nagbabago na nga ang dati ay ginang na masama ang ugali! Iba talaga ang nagagawa ng tapat na pagsuko at pananampalataya sa Diyos.

Advertisement