Inday TrendingInday Trending
Tinutulungan Niya Palagi ang mga Biktima ng Katiwalian; Matanggal nga Kaya Siya sa Trabaho dahil Dito?

Tinutulungan Niya Palagi ang mga Biktima ng Katiwalian; Matanggal nga Kaya Siya sa Trabaho dahil Dito?

Sa tuwing may nakikitang katiwalian ang dalagang si Merly, hindi siya nagdadalawang-isip na tumulong o magsumbong sa mga kinauukulan upang matigil iyon. Lalo na kapag ang biktima ay isang babae na walang kalaban-laban sa mga masasamang loob.

Tutol man sa ugali niyang ito ang kaniyang ina na palaging nag-aalala sa sarili niyang kaligtasan, patuloy niya pa rin itong ginagawa. Katwiran niya pa sa ina tuwing siya’y sinesermunan, “Sayang naman ang lapad ng balikat ko at laki ng braso ko kung hindi ko gagamitin sa pagpoprotekta sa mga babaeng nabibiktima ng anumang klaseng pangbabastos, mama! Kaya ko naman po ang sarili ko, wala kang dapat ikapag-alala!”

Ngunit, hindi niya palaging naililigtas ang mga babaeng biktima. May pagkakataon din na siya’y nadamay nang atakihin ng mga holdaper ang isang babaeng halos kasabay niya lang sa paglalakad sa Maynila at dahil nga likas sa kaniya ang pagtulong, hindi niya na naisip kung anong mangyayari sa kaniya. Bigla niya na siyang nakipag-agawan sa naturang holdaper at doon na siya nasaksak nito sa tiyan.

Dahil sa pangyayaring iyon, nangako siya sa sariling hindi na muling mangingialam sa problema o hamon na kinakaharap ng iba. Ramdam na ramdam niya kasi ang sakit ng pagkakasaksak sa kaniya at ang pag-aalala ng kaniyang ina ayaw niya na muling maranasan.

Ilang beses man siyang makakita ng mga babaeng naab*so, pinasasawalang bahala niya na lang iyon o kaya’y tatawag ng tulong mula sa ibang kalalakihan.

Kaya lang, nang may bagong pasok na empleyado sa pinagtatrababuhan niyang kumpanya na nakita niyang hinawak-hawakan ng bago nilang manager sa maseselang bahagi ng katawan nito, hindi niya na naman napigilan ang kaniyang sarili.

Agad niya itong kinompronta at pinarinig sa iba nilang mga katrabaho ang kababuyang ginagawa nito.

“Mukhang ikaw ang unang matatanggal sa mga hawak kong empleyado, ha? Ayaw mong gayahin itong si Jennie, walang karekla-reklamo dahil gusto niyang manatili sa pagtatrabaho rito,” sabi pa nito saka ipinagpatuloy ang kababuyang ginagawa.

Sa sobrang inis niya, agad niyang sinapok ang mukha nito at hinila palabas ang dalaga.

Rinig na rinig man niya ang galit na sigaw ng kanilang manager, binilisan niya lang ang pagtakbo kasama ang dalaga. Pero bago pa sila makalabas ng kanilang opisina, siya’y biglang napatigil sa pagtakbo nang marinig na binabati ng ibang mga empleyado ang kanilang boss na papalapit sa kanila.

“Kung sinuswerte ka nga naman! Masusumbong kita agad-agad kay boss!” sabi ng kanilang manager at mabilis na naglakad patungo roon habang hawak-hawak ang basag na mukha.

Ngunit imbes na pansinin o pakinggan nito ang kanilang manager, siya’y nagulat nang besuan nito ang hawak-hawak niyang dalaga.

“Maayos ba ang unang araw mo rito, apo?” tanong nito sa dalaga.

“Hindi po, lolo, may bastos na manager na nangh*po sa akin,” sumbong nito sabay tingin sa kanilang manager, “Pero tingin ko po may kaibigan na kaagad ako rito ngayon,” dagdag pa nito saka humilig sa kaniyang braso.

Oramismo, pinatalsik at kinasuhan ng kaniyang boss ang manager na iyon at sa hindi inaasahang pagkakataon, siya ang pinalit sa pwesto nito.

“Sigurado po ba kayo?” paninigurado niya.

“Oo naman, hija, lalo na’t malaki ang utang na loob ko sa’yo sa pagligtas sa kaisa-isa kong apo. Ngunit, ayoko nang mananapok ka ng empleyado, ha? Kapag may mali kang nakita, idaan mo sa maayos at legal na pamamaraan ang pagtuturo ng leksyon,” sabi pa nito sa kaniya na labis niyang ikinatuwa.

“Opo, boss! Pangako po, gagawin ko ang lahat para magawa nang mabuti ang trabaho ko at maproteksyunan ang lahat ng empleyadong hawak ko sa tamang pamamaraan!” galak na galak niyang sabi rito na ikinatuwa rin ng apo nitong simula noon ay naging matalik na niyang kaibigan.

Iyon na ang muling pagbabalik ng kagustuhan niyang tumulong sa mga nangangailangan. Muli man siyang nangingialam sa problema ng iba, ito’y dinaan na niya ngayon sa mabuti at ligtas na pamamaraan. Palagi na siyang tumatawag ng mga pulis kapag may nasasaksihan siyang katiwalian sa kalsada o kung hindi naman ay siya’y nagpapatawag ng sekyu kaysa siya mismo ang malagay sa alanganin.

Sa ganoong paraan, nagagawa na niya nang maigi ang trabaho niya, napapanatag niya pa ang loob ng kaniyang inang palaging nag-aalala sa kaniya.

Iyon din ang naging rason upang umangat ang kanilang buhay na lalong ikinatuwa ng kaniyang ina.

Advertisement