May Taning na ang Buhay ng Dalagang Ito; Galit ang Ibinigay Niya sa Panginoon dahil Dito
Huling araw ng taon noon, habang abala ang lahat sa paghahanda ng mga pagkaing pagsasaluhan sa pagsalubong sa bagong taon, nasa ospital ang buong pamilya ng dalagang si Yska upang masigurong ayos lamang ang kaniyang kalagayan.
Habang naggagayat siya noon ng mga gulay na isasahog sana ng kaniyang ina sa mga lulutuin nito, bigla na lang siyang bumagsak at ilang oras bago nagising.
Kaya lang, kahit na roon nagtipon-tipon ang kaniyang buong pamilya kasama pa ang ilan nilang kaanak upang sabay-sabay na manalangin para sa kaniya, hindi pa rin iyo naging sapat at sabay-sabay na gumuho ang kanilang mundo nang marinig ang sabi ng doktor.
“Tatapatin ko na po kayo, isang taon na lang po ang nalalabi sa buhay ni Yska. Kalat na po ang sakit sa buo niyang katawan at wala na po itong lunas,” diretsahang sabi ng doktor sa kaniyang buong pamilya habang siya’y nakahiga sa kama.
Rinig na rinig niya kung paano mangibabaw ang iyak ng kaniyang ina sa buong silid na kanilang kinaroroonan. Mas malakas pa ito kaysa sa mga paputok na sinisindihan sa kalsada bilang simbolo ng Bagong Taon.
Nang makita siya nitong nakadilat na, agad itong nagpunas ng luha at sinabi sa kaniyang magaling na siya na labis niyang ikinailing.
“Narinig ko naman ang lahat, bakit kailangan niyo pang magsinungaling? Halika na, umuwi na tayo. Ngayong taon lang malungkot ang bahay natin dahil lahat tayo ay narito sa ospital. May isang taon pa ako para mabuhay, huwag na kayong malungkot agad!” kunot noo niyang sermon sa buong pamilyang nag-iiyakan kahit na gustong-gusto niya na ring umiyak at magpakita ng kahinaan sa mga ito.
Sa buong taong iyon, wala siyang ibang ginawa kung hindi ang magpabalik-balik sa ospital upang patuloy na magpatingin. Ayaw na niya sana itong gawin dahil nga alam niyang bilang na lang ang mga araw na itatagal niya rito at malaki na rin ang nagagastos ng kanilang buong pamilya, patuloy niya pa rin itong ginagawa alang-alang sa ina niyang simula nang malamang may taning ang buhay niya, hindi na umalis sa tabi niya.
Sa bawat gabing katabi niyang matulog ang ina, kaniyang naririnig ang paghikbi nito habang hawak-hawak ang kaniyang kamay na talagang nagpapadurog sa kaniyang puso dahilan upang siya’y magalit sa Panginoon na nagtakda ng lahat ng ito.
“Pwede Mo naman akong kuhanin agad, eh. Bakit kailangan Mo pang pahirapan ang pamilya ko? Bakit kailangang taningan Mo pa ang buhay ko bago Mo ako dahil d’yan sa langit o sa impyerno?” galit niyang usal habang pinakikinggan ang hikbi ng ina.
Patuloy siyang nagalit sa Panginoon habang lumilipas ang mga araw. Wala siyang ibang ginawa kung hindi ang kwestiyunin at sabihan nang hindi kaaya-ayang mga salita Ito.
Isang buwan bago ang takdang araw ng kaniyang pagkawala sa mundo, nagulat na lang siya nang bigla siyang tabihan ng bunso niyang kapatid at ito’y nagsimulang magdasal na dugtungan ang kaniyang buhay.
“Bunso, kahit anong dasal ang gawin mo, mawawala na rin talaga ako sa mundong ito. Imposible na ‘yang pinagdarasal mo! Dapat ang ipagdasal mo ngayon, mapasa sa iyo ang katalinuhan ko!” biro niya rito.
“Lahat ay posible sa Diyos, ate! Iyon ‘yong tinuro sa amin sa eskwela!” sagot nito saka siya patuloy na ipinagdasal. Wala man sa intensyon niyang maniwala sa milagrong sinasabi ng kaniyang kapatid, sa araw-araw nitong pagdadasal sa tabi niya, bigla na lang siyang nakaramdam na gusto niya pang mabuhay.
Pinag-aralan niya ang sakit na mayroon siya batay sa mga resulta ng kaniyang mga laboratory tests at nang mapanuod niya sa internet na ang mga malalalang sitwasyon sa kalusugan katulad ng mayroon siya ay dapat pinatitingin sa higit sa isang doktor.
“Mama, nagpa-second opinion na ba tayo sa ibang doktor? Sabi rito sa napanuod ko, kailangan daw iyon upang makumpirma ngang may taning na ang buhay ko!” sabi niya sa ina dahilan para siya’y agad-agad nitong dalhin sa ibang ospital.
Doon ay muli siyang dumaan sa mga laboratory tests at nakumpirma nga na malala na ang sakit niya. Kaya lang, napag-alamanan ng mga doktor doon na milagrosong humihina ang sakit na nasa katawan niya!
“Mukhang malakas ka sa Panginoon, hija! Kahit siyensya ay hindi maipapaliwanag ang sitwasyon mo ngayon! Patuloy kang manalig at siguradong hahaba pa ang buhay mo!” sabi nito na nagbigay ng malaking pag-asa sa puso nilang lahat.
Wala siyang ibang masabi noon kung hindi labas na pasasalamat sa Itaas at sa kapatid niyang patuloy na nagdarasal para sa kaniya.
Katulad ng nakasanayan nila noon, masaya nilang sinalubong ang Bagong Taon. Sandamakmak na pagkain ang hinanda ng kaniyang ina upang ipagdiwang ang milagrong naibigay sa kaniya at sa kanilang buong pamilya. At simula noon, imbes na siya’y magalit sa Maykapal dahil sa kans*r na mayroon siya, sinabayan niya sa pagdarasal araw-araw ang kaniyang kapatid na nakapagbigay ng malaking pag-asa sa kaniya.
“Kahit anong oras Mo ako kuhanin ngayon, ayos lang dahil alam kong makakasama naman kita riyan,” bulong niya sa hangin habang pinagmamasdan ang mga ulap na tanaw sa kaniyang bintana.