Nagmagandang Loob ang Kapitbahay sa Pag-aasikaso ng Pensyon ng Matandang Ginang; Hindi Niya Akalain ang Tunay Nitong Pakay
Noon pa man ay hikahos na sa buhay ang ginang na si Lumeng, may isang anim na taong gulang na anak ngunit walang asawa. Kasama niya sa barong-barong ang kaniyang inang matanda na at may karamdaman. Naitatawid niya ang pang-araw-araw nilang pamumuhay sa pamamagitan ng mga inaabot sa kaniyang bayad ng ilang kapitbahay na nag-uutos sa kaniya.
Ikatlong baitang lang kasi sa elementarya ang natapos ni Lumeng dahil na rin sa hirap ng buhay. Nang magkaroon ng nobyo’y akala niya’y ito na ang mag-aahon sa kanila sa kahirapan ngunit nagkamali siya. Nang mabuntis siya’y iniwan siya agad nito. Kaya naman dagdag pa sa kaniyang responsibilidad ang nag-iisang anak.
Noon ay nalalapitan niya ang kaniyang matalik na kaibigang si Lira, ngunit iniwasan na niya ito nang maramdaman niyang nagkakagusto dito ang dati niyang nobyo. Gayunpaman, kaibigan pa rin ang turing ni Lira sa kaniya.
Minsan nga ay dumadaan pa ito ng kanilang bahay upang magbigay ng tulong, na lagi lamang tinatanggihan ni Lumeng. Ayaw niya kasing magkaroon ng utang na loob dito.
Ang gustong maging kaibigan ni Lumeng ay ang kapitbahay niyang si Jenny. Lubos kasi ang paghanga niya rito. Sa kanilang lugar kasi’y ito na yata ang pinakamaganda ang buhay. Laging bago ang gamit at laging nakapostura. Gustong-gusto niyang maranasan ang buhay nito kaya naman gusto niya talagang mapalapit dito.
Isang araw ay kinausap ni Jenny itong si Lumeng.
“Lumeng, bakit hindi mo kasi i-apply ng senior citizenship ‘yang nanay mo? Marami siyang benepisyong makukuha. Sayang naman ‘yun! Tulong din sa pambili ng gamot at sa pang-araw-araw n’yong gastusin,” saad ng kapitbahay.
“H-hindi ko kasi alam kung paano umasikaso ng ganyan. Isa pa, hindi rin naman ako bihasang magbasa. Kahit ang nanay ko ay hindi rin marunong bumasa at sumulat. Nakakahiya lang!” sagot naman ni Lumeng.
“Naku, sayang naman! Noong isang araw ay narinig ko si Aling Nora. Nakakuha raw ng pensyon at Christmas bonus sa baranggay. Malaki-laki rin ata ang nakuha niya!” muling sambit ni Jenny.
Halata kay Lumeng na nakakaramdam ito ng inggit at panghihinayang. Ngunit wala naman siyang magagawa dahil hindi niya alam ang kalakaran sa pagkuha ng pensyon. Isa pa, ayaw rin niyang mapahiya pa lalo dahil hindi siya marunong bumasa at sumulat.
“Gusto mo bang tulungan ko kayong maglakad ng papeles? May mga kilala naman ako sa baranggay at sa munisipyo. Tiyak kong matutulungan nila ako!” saad pa ni Jenny.
Nabuhayan ng loob itong si Lumeng. Dahil nga malaking tulong para sa kanila ang makukuhang ayuda mula sa pagiging senior citizen ng kaniyang inang may sakit ay ibinigay niya kay Jenny ang lahat ng kailangan nito.
“Kailangan mo na lang papirmahan ang dokumentong ito sa iyong ina. Kung hindi talaga siya nakakasulat ay kahit patatakan mo na lang ng thumb mark sa kaniya. Kasulatan lang ‘yan na ako na ang maglalakad ng mga papeles niya para maging miyembro siya ng mga senior,” dagdag pa ng kapitbahay.
Masayang-masaya si Lumeng dahil kahit paano’y may aasahan na siyang pera. Malaking tulong ito para sa kanilang mag-iina.
Sa isang banda ay hindi maiwasan ni Lira na marinig ang usapan ng dalawa. Agad niyang pinuntahan ang dating kaibigan sa bahay nito upang kausapin.
“Lumeng, sa tingin ko ay kailangan mong samahan si Jenny sa pag-aasikaso ng mga papeles ng nanay mo. Marami kasing umiikot na hindi magandang balita sa kaniya. Ayaw ko lang naman na madawit ka,” saad ni Lira.
“Naririnig mo ba ang sinasabi mo? Nagmagandang loob na nga ang tao tapos ay pag-iisipan mo pa ng masama! Ano naman ang mapapala niya sa tulad namin? Saka katiting lang ang makukuhang benepisyo ni nanay kumpara sa perang meron siya!” sambit naman ni Lumeng.
“Pinaaalalahanan lang naman kita. Kung gusto mo ay tayo na lang ang maglakad ng papeles ng nanay mo. Sasamahan kita sa baranggay o sa munisipyo, para alam mo mismo kung anu-ano ang sakop na mga benepisyo ng nanay mo,” dagdag pa ni Lira.
“Huwag ka nang mag-abala pa. May kakilala si Jenny sa munisipyo at mas mapapadali ang lahat. Huwag ka nang makialam dahil hindi ko naman hinihingi ang tulong mo. Kung ako sa iyo’y ‘wag ka nang manghimasok sa mga bagay na wala ka namang kinalaman,” sambit pa ni Lumeng.
Nagdaan ang ilang araw ay naasikaso na nga ni Jenny ang mga papeles.
“O, Lumeng, ito na ang ID ng nanay mo. Pero kung gusto mo ay ako na rin ang hahawak nito. Parang ATM card na rin ito. Dito raw dadating ang pera kapag meron silang makukuhang benepisyo. Parang hindi ka naman ata marunong na kumuha ng pera sa bangko,” saad pa ni Jenny.
“Oo, hindi talaga ako marunong. O siya, ikaw na nga ang humawak. Tuwing kailan daw ba merong benepisyong matatanggap si nanay?” tanong naman ni Lumeng.
“Ang sabi doon sa munisipyo’y kada tatlong buwan daw ay makakatanggap ng isang libong piso ang nanay mo. Hindi na masama, hindi ba? Tapos sa darating na Pasko ay may limang daang piso siya. Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng iyan kapag pumasok na ang pera,” saad pa ng kapitbahay.
Masayang-masaya si Lumeng sa balitang ito. Malaking tulong na rin kasi ang perang iyon para sa kanila.
Nang dumating ang araw ng Pasko ay nag-abot ng limang daang piso si Jenny kay Lumeng. Agad niya itong ibinili ng gamot ng ina at konting pagkain.
Pauwi na siya ng bahay nang masalubong niya si Lira.
“Nakuha mo na ba ‘yung ID ng nanay mo kay Jenny?” tanong ng kaibigan.
“Anong pakialam mo sa ID ng nanay ko?” naiinis namang sambit ni Lumeng.
“Wala naman, Lumeng. Dapat lang naman kasing nasa iyo ang ID ng nanay mo dahil magagamit mo ‘yun sa pagbili ng gamot ng nanay mo,” wika naman ni Lira.
Dahil sa tingin ni Lumeng ay nangingialam na naman ang dating kaibigan ay binalewala lang niya ang sinabi nito.
“Alam ko ang gagawin ko, Lira. Huwag mo namang ipamukha sa akin masyado na wala akong pinag-aralan,” saad muli ni Lumeng sabay talikod sa ginang.
Pag-uwi ni Lumeng ay agad siyang tumuloy sa bahay ni Jenny upang tanungin tungkol sa diskwento sa gamot.
“Piling gamot lang naman ang mga ‘yun. Saka kaunting diskwento lang. Sa tingin ko ay hindi rin kasama ang gamot ng nanay mo. Dito na muna sa akin ang ID dahil baka mawala pa. Sa susunod na buwan na pala darating ‘yung isang libong pisong pensyon ng nanay mo. Ibibigay ko na lang sa iyo,” saad pa ni Jenny.
Hindi naman nag-isip pa ng masama itong si Lumeng. Nararamdaman kasi niya ang pagmamagandang loob ni Jenny sa kaniya.
Lumipas ang mga araw at nakakatanggap naman si Lumeng ng pera mula kay Jenny. Sa loob ng isang taon ay hindi man lang nahawakan ng ginang ang ID ng ina at lagi lang itong na kay Jenny.
Isang araw ay nagtungo na naman si Lira sa bahay ni Lumeng upang bigyan ng babala ang dating kaibigan. Ngunit binalewala na naman niya ito. Imbes na makinig ay nagalit muli siya sa pangingialam ni Lira.
“Bakit ba nakikialam ka pa rin, Lira? Hindi ba’t sinabi ko na sa iyo na buo ang tiwala ko kay Jenny?” sambit ni Lumeng.
“Nag-aalala lang naman ako para sa inyo, Lumeng. Parang mali kasi ang taong pinagkatiwalaan mo. Gusto ko lang namang masigurong natatanggap mo talaga ang mga benepisyong para sana sa nanay mo,” wika pa ni Lira.
“Tumigil ka na, Lira, at lalo lang nag-iinit ang ulo ko sa pangingialam mo. Mabuting tao si Jenny! Hindi niya ako lolokohin. Baka ikaw pa nga ang kayang manloko sa akin. Hanggang ngayon ay hindi mo pa rin inaamin sa akin na tinukso mo ang nobyo ko kaya iniwan niya ako!” saad naman ni Lumeng.
“Nagkakamali ka, Lumeng. Hindi ko kayang gawin ‘yan sa iyo. Kaibigan kita. Parang kapatid na ang turing ko sa iyo! Gusto lang naman kitang balaan tungkol sa pagtitiwala mo kay Jenny! Dahil noong isang araw kasi –” nagsasalita pa si Lira ngunit pinutol na siya ni Lumeng.
“Tumigil ka na, Lira! Ayaw ko nang makarinig pa ng kahit ano mula sa iyo. Umalis ka na dahil hindi na kaibigan ang turing ko sa iyo, matagal na!” saad muli ng ginang.
Nasaktan si Lira kaya naman tumigil na siya. Bago umalis ay muli siyang nagwika.
“Gusto ko lang namang sabihing nakatanggap ang nanay ko ng sampung libong benepisyo bukod pa sa pamasko at buwan-buwang pensyon mula sa pamahalaan. Sana ay nakuha n’yong lahat ng iyan, Lumeng,” saad muli ni Lira sabay alis.
Nanlaki ang mga mata nitong si Lumeng. Agad siyang nagtungo kay Jenny upang tanungin ang tungkol sa mga perang sinasabi ni Lira na nakuha raw mula sa benepisyo ng mga senior citizen. Ngunit itinanggi ito ni Jenny. Wala raw siyang natatanggap. Baka naman hindi kabilang ang ina ni Lumeng sa naturang benepisyo dahil bago pa lamang ito.
Sa pagkakataong ito ay hindi kumbinsido si Lumeng. Kaya naman madalas niyang manmanan si Jenny. Hanggang isang araw nga ay napatunayan niya na tama ang kaniyang kutob nang marinig niya ang pakikipag-usap ni Jenny sa isang kaibigan nito.
“Wala kasing pinag-aralan kaya tatanga-tanga. Uto uto! Mantaking mong ipagkatiwala sa akin ang ID at ATM card ng kaniyang nanay. E ‘di tiba tiba tuloy ako sa mga natatanggap kong ayuda! Tapos sila’y masaya na sa limang daan at isang libo,” tumatawa pang saad ni Jenny.
Dahil dito ay labis na nagalit si Lumeng at sinugod ang kapitbahay.
“Walang hiya ka! Matagal mo na pala kaming niloloko. Ginamit mo pa ang nanay ko para lang magkapera ka! Hindi ka na naawa sa buhay namin!” bulyaw ni Lumeng.
Todo tanggi pa rin si Jenny sa lahat ng paratang ng kapitbahay.
“Kahit magsumbong ka ay wala namang maniniwala sa iyo! Wala kang pinag-aralan!” sigaw rin ni Jenny.
Sasaktan na sana ni Jenny itong si Lumeng nang biglang dumating si Lira kasama ang mga pulis. Sinumbong nila ang lahat ng nangyari. At nakuha nga ang ID ng matanda sa gamit ni Jenny. Isa itong matinding ebidensya laban sa kaniya.
Dahil dito ay nakasuhan si Jenny at naipakulong. Nalaman ng awtoridad na kabilang pala ito sa mga sindikato at nagbebenta ng ipinagb@bawal na gamot. Labis naman ang pasasalamat ni Lumeng dahil naibalik na ang ID ng kaniyang ina.
“Maraming salamat sa iyo, Lira. Dapat noon pa man ay pinakinggan ko na ang sinasabi mo, ngunit nagpatalo ako sa naramdaman ko. Pasensya ka na sa akin, a. Maraming salamat dahil sa kabila ng mga nagawa ko’y kaibigan pa rin ang turing mo sa akin,” saad ni Lumeng.
“Walang anuman, Lumeng. Gaya nga ng sabi ko noon, kapatid na ang turing ko sa iyo. Kalimutan na natin ang lahat at magsimula na tayo nang panibago,” saad naman ni Lira.
Mula noon ay nagkapatarawan na ang dalawa at naibalik na ang dati nilang pagkakaibigan.
Samantala, nakuha na rin ng nanay ni Lumeng ang benepisyong para naman talaga sa kaniya. Malaking tulong ito para sa kanilang pamilya.