Tuluyan nang Nawalan ng Panahon ang Anak sa Kaniyang Ama; Sa Kanilang Pagkikita’y Magbabago ang Lahat
Pagtungtong ng eksaktong alas sais ng gabi ay tinawagan ni Hector ang kaisa-isang anak na si Abby. Alam kasi niyang ito lang ang tanging panahon na p’wede niyang makausap ang kaniyang anak dahil pauwi na ito galing sa opisina.
Habang nagmamaneho ng sasakyan si Abby ay tumunog ang kaniyang selpon. Agad naman niya itong sinagot nang makita niya ang numero ng ama.
“‘Pa, bakit po kayo napatawag? Nagmamaneho po kasi ako. Pauwi pa lang po ako ng bahay,” bungad ni Abby.
“Wala naman, anak, nais lang sana kitang kumustahin. Ang tagal na rin mula nang huli nating pag-uusap,” tugon naman ng ama.
“Ayos naman po ako, ‘pa. Siya nga pala, hindi ko pa nakikita ‘yung results sa mga laboratory tests ninyo. Nakaligtaan ko na naman kasi. Pero kung kailangan n’yo ng pera ay sabihin n’yo lang. Magpapadala ako agad,” wika pa ng anak.
“H-hindi naman pera ang kailangan ko, anak. Nagbabakasakali lang kasi ako na p’wedeng kang umuwi dito saglit. Isama mo na rin ang apo ko at si George. Ang tagal ko na kayong hindi nakikita, e. Namimiss ko na kayo!” muling sambit ng matanda.
“Sige, ‘pa, kapag libre kami ni George ay pupunta kami riyan. May sasabihin pa po ba kayo? Kasi nagmamaneho po ako, e. Tatawagan ko na lang po kayo ulit pagdating ko sa bahay,” wika pa ng anak.
“W-wala naman na, anak. O siya, sige, mag-iingat ka. Tawagan mo ako mamaya.”
Buong gabing naghintay si Hector sa tawag ng kaniyang anak ngunit tila nakaligtaan na nitong tawagan siya. Nauunawaan naman ito ng matanda dahil nga alam niyang pagod ang anak mula sa trabaho at may pamilya na rin ito.
Hindi tuloy maiwasan ni Hector ang makaramdam ng pangungulila habang tinitingnan niya ang larawan ng yumaong asawa at larawan ni Abby noong ito’y bata pa.
Kinabukasan ay tumawag muli si Hector kay Abby upang mangumusta.
“Anak, nakita mo na ba ang laboratory results ko? Sana ay masamahan mo naman ako na pumunta sa doktor,” saad ni Hector.
Sa telepono ay naririnig niya ang ipinag-uutos ni Abby sa kaniyang sekretarya. Halatang abala ito.
“H-hindi pa po, ‘pa. Mamaya po ay sisilipin ko. Pasensya na po kayo pero p’wede po bang tawagan ko na lang kayo ulit? May hinahabol lang talaga akong trabaho,” pagmamadali ni Abby.
Hindi pa man nakakasagot si Hector ay binabaan na siya ng anak. Hindi lang niya masabi dito ang tunay niyang kalagayan. May bara kasi ang kaniyang puso at kailangan na niyang maoperahan. Malaki ang kakailanganing pera. Sa mga panahong ganito ay nais sanang makasama ni Hector ang anak upang palakasin ang kaniyang loob.
Dalawang araw ang nakalipas at tumawag na rin si Abby. Nakita na kasi nito ang resulta sa pagsusuri sa kaniyang ama.
“Bakit hindi n’yo naman agad sinabi sa akin na kailangan pala kayong operahan sa puso, ‘pa? Ilang beses na tayong nag-usap, ‘di ba?” sambit ni Abby.
“Hindi ko kasi alam kung paano sasabihin sa iyo. Kaya nga pinadala ko na lang sa’yo ang resulta,” sambit naman ng ama.
“Paano na ‘yan, ‘pa? Kailangan niyong magpaopera. Kakausapin ko na si George para sa kailangang pera. Malaki-laki rin kasi ang gagastusin. Saka kakausapin ko na rin ‘yung anak ni Tita Sally. Siya na muna ang magbabantay sa inyo dahil hindi ako p’wedeng lumiban sa opisina. Babayaran ko na lang siya sa mga araw ng pagbabantay niya,” wika pa ng anak.
“Pero, anak, ang totoo kasi n’yan –” pinipilit ni Hector na magpaliwanag sa anak ngunit kailangan na nitong ibaba ang telepono.
“‘Pa, tatawag na lang ako ulit, may problema lang dito sa opisina. Huwag n’yo nang alalahanin ang gastos at kami na ang bahala. Tawagan ko na lang po kayo ulit,” saad muli ni Abby.
Hindi na naituloy pa ng matanda ang nais niyang sabihin sa anak. Hindi na makatiis si Hector dahil palagi niyang hindi makausap nang maayos ang anak, kaya naman nagdesisyon siyang puntahan ito.
Sumakay siya ng eroplano nang hindi nalalaman ni Abby, nang sa gayon ay wala na itong maging rason para hindi sila muling magkasama.
Dumiretso si Hector sa isang restawran. Naupo siya sa isang sulok at saka niya tinawagan ang anak.
“Narito ako sa restawran malapit sa opisina mo. Dito kita hihintayin. Puntahan mo ako,” wika ng ama.
“Bakit kayo bumiyahe, ‘pa? Sandali lang at pupunta na ako riyan!” nag-aalalang sambit ni Abby.
Magkahalong inis at pag-aalala ang nararamdaman niya habang nagmamaneho papunta sa kinaroroonan ng ama.
Samantala, umorder naman ng pagkain si Hector habang hinihintay ang anak.
Habang nagmamaneho ay tinawagan muli ni Abby ang ama.
“‘Pa, huwag kayong aalis d’yan, a! Diyan ko kayo pupuntahan! Ano bang pumasok kasi sa isip n’yo at bumiyahe kayong mag-isa? Baka mamaya ay mapano pa kayo n’yan. Ang tigas talaga ng ulo n’yo! Sinabi nang ihanda n’yo na ang sarili n’yo para sa operasyon!” wika muli ni Abby.
“Huwag ka nang magalit, anak. Magmaneho ka na lang muna upang makarating ka rito nang matiwasay,” saad pa ng ama.
Pagdating ni Abby sa restawran ay nakita niya ang dami ng pagkain na inorder ng kaniyang ama. Dito pa lang ay nagalit na siya.
“‘Pa, ang tigas talaga ng ulo n’yo! Una’y nagpunta na nga kayo rito mag-isa tapos ay umorder pa kayo ng sandamakmak na pagkain. Alam mo namang pong bawal sa iyo ‘yan! Nagtatrabaho ako nang maayos para lang masustentuhan ko ang pagpapagamot ninyo, tapos ay ilalagay n’yo lang pala sa alanganin ang sarili n’yo?” sambit ng anak.
Napayuko si Hector at napabuntong hininga.
“Anak, umupo ka muna. Sinuway ko ang lahat ng gusto mo dahil nais kitang makasama at makausap. Baka huling pagkakataon na kasi natin itong magkakasama,” saad ni Hector.
“Dadali talaga ang buhay n’yo dahil sa mga ginagawa n’yong hindi tama, ‘pa! Pilit nga kitang pinapagamot para gumaling ka. Matigas naman ang ulo mo!” saad ni Abby.
“Anak, hindi na ako magpapa-opera. Iinom na lang ako ng gamot at kung saan abutin ang buhay ko ay ayos na ako roon. Ayaw ko na rin namang maging pabigat sa iyo. Isa pa, nalulungkot na rin naman akong mag-isa. Mabuti na ‘yun upang magkasama na kami muli ng mama mo,” saad pa ni Hector.
“‘Pa, bakit ba kayo nagsasalita ng ganyan? Hindi n’yo na ba ako mahal? Gusto n’yo bang sumama naman ang loob ko? Kaya n’yo ba inorder ang lahat ng ito para mapabilis ang pamamaalam n’yo?” naiinis na sambit naman ni Abby.
“Hindi, anak, inorder ko ang lahat ng pagkain na iyan dahil alam kong paborito mo ‘yan. Nagpunta ako rito para kausapin ka tungkol sa bagay na ito. Nais ko rin kasing magtagal ka pang kasama ako. Nauunawaan kong abala ka at marami kang ginagawa. Kaya naman ako na ang nagpunta rito para makapag-usap at magkasama tayo ng tulad ng dati. Nais ko ring magpasalamat sa iyo at sa asawa mo sa kabutihang ginagawa n’yo para sa akin. Pero, anak, sa tingin ko ay hindi na talaga ako magpapa-opera dahil tanggap ko na rin namang doon na rin ang tungo ko,” wika pa ng ama.
Sa mga sinasabing ito ni Hector ay nabagbag ang konsensya ni Abby. Kung tutuusin nga ay hindi na rin talaga niya nabigyan ng panahon ang ama. Sa tuwing may pagkakataon ay hindi na rin niya naisip na bigyan ito ng oras. Sa tingin kasi niya ay sapat nang pinadadalhan niya ito ng pera at iba pa nitong pangangailangan. Ngayon tuloy ay wala na itong dahilan para lumaban pa para sa kaniyang buhay.
Habang tinitingnan ni Abby ang mga pagkain sa kaniyang harapan ay napagtanto niyang hindi nakalimutan ng ama ang kaniyang mga paborito. Dito na biglang tumulo ang kaniyang mga luha. Napagtanto rin niya ang malaking pagkukulang niya rito.
“Pasensya na kayo, ‘pa. Patawad kung hindi ko na kayo nabibisita. Kakausapin ko si George. Dito na lang kayo tumira sa amin nang sa gayon ay may kasama kayo palagi. Para pag-uwi ko ng bahay ay makikita at makakasama n’yo na ako. Makakausap n’yo na ako. Patawad. ‘pa. Nagkulang ako nang malaki!” umiiyak na sambit ni Abby.
“Huwag kang humingi ng tawad, anak. Talagang nangyayari ‘yan dahil may sarili ka na ring pamilya. Tanggap ko naman na ang lahat. Matanda na ako at namimiss ko na rin ang mama mo. Hindi na ako magpapa-opera. Gamitin mo na lang ang pera para sa kinabukasan ng anak mo. Pero magandang ideya na makasama ko kayo ng pamilya mo,” wika pa ni Hector.
Hindi na nakumbinsi ni Abby ang ama na magpa-opera. Ngunit pinalipat na niya ito sa kaniyang bahay upang palagi na silang magkakasama.
Dahil sa saya na naidulot nito kay Hector ay himalang bumuti ang kaniyang lagay. Unti-unting nawala ang bara sa kaniyang puso. At sa tulong ng gamot ay hindi na niya kailangan pang magpa-opera.
Masayang-masaya naman si Abby dahil matagal-tagal pa niyang makakasama ang ama. Sa pagkakataong ito’y wala na siyang sinayang na oras at pinunan ang mga panahong hindi sila magkasama.