Laging Tinutulungan ng Tindero ng Fishball ang Ulilang Binatilyo; Ito ang Regalong Handog Nito sa Kaniya

Sa hindi na mabilang na pagkakataon ay natagpuan na naman ni Mang Resty, isang tindero ng fishball, ang ulilang binatilyong si Isko na nakatanghod sa tindahan ng mga gitara. Nahihiya itong lumapit sa naturang tindahan dahil alam nitong paalisin na naman siya ng nagbabantay, Kaya naman nang makita ito ng ginoo’y agad niya itong tinawag.

“Isko, tapos na ba ang trabaho mo sa palengke?” sambit ng ginoo.

“Mang Resty, kayo po pala ‘yan! Dito n’yo na naman ako nakita. Pabalik pa lang po ako ulit ng palengke. May kinarga po kasi ako papunta sa banda roon. Kaya dumaan na po ako rito,” sagot naman ni Isko.

“Nagmeryenda ka na ba? Heto at tumusok ka na riyan ng fishball,” saad muli ni Mang Resty. 

“Naku, huwag na po, Mang Resty. Wala rin po kasi akong ibabayad sa inyo. Kulang pa po ang pera kong pambayad para sa natapon kong mga gulay noong isang araw,” muling tugon ng binatilyo.

“Huwag ka nang mag-alala at sagot ko na! Sige at kumuha ka na riyan. Ito pa ang gulaman para hindi ka mabilaukan,” muling saad nito.

Nahihiya man ay pinaunlakan na ni Isko ang ginoo. Ang totoo kasi ay kumakalam na ang kaniyang sikmura. Hindi pa siya nanananghalian at tanging biskwit lang na kinain niya noong umaga ang laman ng kaniyang tiyan.

Kahit paano ay naibsan ng fishball at samalamig ang gutom ni Isko.

Advertisement

“Maraming salamat po sa inyo, Mang Resty. Baka nalulugi na po kayo at palagi niyo akong nililibre. Ang laki na po ng utang ko sa inyo,” saad pa ng binatilyo.

“Huwag ka nang mag-alala at wala kang utang sa akin. Magkano lang naman ang fishball ngayon. Mas nagagalak ang puso ko sa tuwing natutulungan kita. Napakasipag mo kasing bata.”

“Siya nga pala, bakit ka ba palaging nakatambay sa tindahan na ‘yan? Ano ba talaga ang tinitingnan mo?” tanong ng tindero.

“Tinitingnan ko lang po ‘yung isang gitara. Kapareho po kasi ng gitara ng tatay ko. Naaalala ko tuloy noong palagi nila akong tinutugtugan at kinakantahan ni nanay. Pareho po kasing musikero ang mga magulang ko. Ngunit dahil sa isang aksidente’y kinuha silang pareho sa akin,” anito, bigla na lang nalungkot si Isko.

“Hindi ko akalain na masaklap pala ang tinamo ng mga magulang mo. P-pero kung hindi mo naman mamasamain, sino na ang nag-aalaga sa iyo ngayon? Wala ka na bang ibang kamag-anak pa?” usisa pa ng ginoo.

“Noon po’y kasama ko ang lola ko, pero kinuha na rin po siya sa akin. ‘Yung ibang mga kamag-anak naman po nami’y hindi ko kilala. ‘Yung iba naman po’y wala na talagang pakialam sa akin. Ayaw rin po nilang lalapit ako sa kanila. Kaya naman binuhay ko na pong mag-isa ang sarili ko. Kaya po gusto ko ng gitara para kahit paano ay maaliw naman po ako. Noon pa man ay pangarap ko ring maging isang musikero katulad ng mga magulang ko,” saad pa ng binatilyo. 

Ikinalungkot ni Mang Resty ang nangyari sa buhay ni Isko. Hindi niya lubos akalain na sa murang edad nito’y binubuhay na lang nito ang kaniyang sarili.

Matagal nang kilala ni Mang Resty si Isko, ngunit ngayon lang siya naglakas ng loob na itanong sa binatilyo ang kwento ng kaniyang buhay.

Advertisement

Ilang araw pa ay nakita niya si Isko na tumatakbo at hinahabol ang isang sasakyan.

“Isko, ano ang nangyari?” tanong niya.

“’Yong ginang po na sakay ng sasakyan na iyon, hindi ako binayaran. Marami po siyang pinabuhat sa akin. Binabalik-balikan ko pa po. Nang matapos ay bigla na lang pong nagsara ng pinto at hinarurot ang kaniyang sasakyan!” naiiyak na sumbong ni Isko habang humahangos.

“Huwag ka nang mag-alala at karma na ang bahala sa taong iyon. Uminom ka muna ng samalamig. Huwag kang mag-alala at ako na ang bahala sa kakainin mo ngayong araw,” wika ng ginoo.

“Gusto ko lang din namang makapag-ipon nang sa gayon ay mabili ko ang gitara. Pasensya na po kayo, Mang Resty. Wala lang po talaga akong mapagsabihan ng sama ng loob. Naiinggit ako sa ibang batang ka-edad ko. Mabuti pa sila, may bahay na tinitirhan at may mga magulang na nag-aasikaso. Samantalang ako’y mag-isang naninirahan sa lansangan at nagbabanat ng buto. Niloloko pa ng ibang tao!” umiiyak pa nitong sambit.

“Huwag ka nang umiyak, Isko, may awa ang Diyos,” tanging nasabi ni Mang Resty.

Habag na habag si Mang Resty kay Isko. Kaya naman umisip siya ng paraan kung paano niya mapapasaya ngayong Pasko ang binatilyo.

Isang linggo ang lumipas at muling natagpuan ni Mang Resty si Isko sa tindahan ng mga gitara, ngunit sa pagkakataong ito ay malungkot ang binatilyo.

Advertisement

“A-ano’ng nangyari at para kang nalugi r’yan?” tanong ng ginoo.

“‘Yung gusto ko po kasing gitara’y nabili na raw. Ang mamahal naman na ng iba. Kulang pa po kasi ang ipon ko kaya hindi ko nabili agad,” nanghihinayang na saad ni Isko.

“Huwag ka nang malungkot, Isko. Heto at binili ko na ang gitara para sa iyo!” sambit ni Mang Resty.

Halos hindi makapagsalita sa labis na kagalakan si Isko. Hindi siya makapaniwala sa regalong kaniyang nakamit!

“Mang Resty, maraming salamat po! Huwag mo kayong mag-alala at huhulugan ko po ito sa inyo, linggo-linggo!” sambit ni Isko.

“Huwag na! Regalo ko ‘yan sa iyo. Ingatan mo ‘yan, a! Sana’y napasaya kita ngayong Pasko,” wika pa ng ginoo.

Sa sobrang saya ni Isko ay napayakap siya sa ginoo.

“Isang araw ay makakabawi rin po ako sa lahat ng naitulong niyo sa akin. Pangako ko po ‘yan!” saad niya.

Advertisement

Mula nang araw na iyon ay laging kapiling ni Isko ang kaniyang gitara. Pagkatapos niyang magtrabaho sa palengke ay diretso siya sa pagtugtog ng kaniyang gitara. Bata pa lang siya ay magaling na siyang tumugtog dahil tinuruan siya ng kaniyang ama.

Isang araw habang nagpapalipas ng oras kasama ang kaniyang gitara ay may lumapit sa kaniyang isang babae. Pilit siyang pinasali nito sa isang paligsahan sa telebisyon. Dahil malaki ang premyo ay naengganyo si Isko. Malaking tulong kasi ito para sa tulad niyang palaboy.

Hindi akalain ni Isko na mapapahanga niya ang mga hurado. Marami rin ang naantig sa kwento ng kaniyang buhay kaya marami talaga ang sumubaybay sa kaniya. Hanggang sa siya na nga ang tanghaling panalo!

Mabilis na nag-iba ang buhay ni Isko. Mula sa isang palaboy ay pinagkakaguluhan na siya ng marami. Kabi-kabila na ang mga programang nais siyang gawing panauhin. Mula noon ay diretso na ang kaniyang pagsikat.

Isang araw ay muli siyang nagbalik sa lansangan upang hanapin si Mang Resty. Mayroon kasi siyang nais ibigay rito.

Natagpuan niya ito sa isang sulok ng eskinita at nagtitinda pa rin ng fishball at palamig.

“Mang Resty, ang tagal na nating hindi nagkita. Kumusta po?” tanong ng binata.

“Isko, ikaw na pala ‘yan! Halos hindi na kita nakilala, a. Lalo kang gumandang lalaki. Ang tayog na ng narating mo! Masaya ako para sa iyo,” saad ng ginoo.

Advertisement

“Sa katunayan po, kaya ako nagpunta rito’y para makita ko talaga kayo. May nais po kasi akong ibigay sa inyo,” wika ni Isko sabay kuha ng isang envelope. 

“Mang Resty, tanggapin po ninyo ang regalo kong ito. Maraming salamat po sa inyo sapagkat hindi ko naramdaman ang kawalan ng pamilya dahil nariyan kayo noon. Kung hindi rin dahil sa gitara na regalo niyo’y hindi ko maaabot kung ano man ang narating ko ngayon,” saad pa ng binata.

Pagbukas ni Mang Resty ay labis siyang nagulat.

“Titulo ng establisyemento? Sobra-sobra ito, Isko. Ipunin mo na lang nang sa gayon ay sigurado na ang magandang kinabukasan mo!” wika ni Mang Resty.

“Huwag na po kayong tumanggi, Mang Resty. Karapat-dapat po kayo sa regalong iyan dahil mabuti po kayong tao. Utang ko sa inyo ang lahat,” wika pa ni Isko.

Niregaluhan ni Isko si Mang Resty ng isang pwesto kung saan p’wede siyang magtinda. Dahil dito ay hindi na kailangan pang tiisin ng ginoo ang init ng araw at ulan.

Napaluha rin si Mang Resty sa regalong handog ni Isko. Sa pagkakataong ito ay siya naman ang napayakap sa binata.

“Maraming salamat, Isko. Hindi ko alam kung paano kita pasasalamatan. Tandaan mo na kaya ka nariyan sa kinalalagyan mo ngayon ay dahil sa iyong pagsisikap at sa kabusilakan ng puso. Huwag na huwag mong kalimutan ang iyong pinagmulan. Palaging mananatili ang mga paa mo sa lupa nang sa gayon ay lalo kang itaas ng Panginoon,” wika pa ni Mang Resty.

Advertisement

Kahit na sobrang sikat na nitong si Isko ay hindi niya nagawang kalimutan si Mang Resty. Palagi pa rin niya itong pinupuntahan, tinatawagan, at tinutulungan dahil ama na ang turing niya rito.

Nanatili ang kanilang pagkakaibigan magpahanggang ngayon.