
‘Di Nakayanan ng Binata ang Pagka-Makaluma ng Dalaga Kaya Hiniwalayan Niya Ito; Tama Kaya ang Ginawa Niya?
Halos dalawang taon nang nanliligaw si Rocky sa dalagang si Rufina. Ewan nga kung ano ang nakita niya rito. Hindi naman masyadong kagandahan ang babae at napaka-makaluma pa. Talagang old-fashioned ito kung magsalita, kumilos at manamit.
“Ano ba, Rufina, nilulumot na ako sa panliligaw sa iyo. Sagutin mo na ako,” pakiusap ni Rocky sa dalaga.
“Puwede ba, Rocky, kung manliligaw ka ay sa bahay namin. Mas maganda iyon kesa kung saan-saan mo ako niyayaya,” sagot ni Rufina.
Napakamot sa ulo niya ang binata.
“Diyos ko naman, mas lalo akong hindi makakadiga sa iyo dahil dikit-tuko palagi ang lola mo sa iyo.”
“Magtiyaga ka. Kung may tiyaga may nilaga,” natatawang tugon ng dalaga.
Mas lalong napailing si Rocky.
“Anak ng tinapa, pati dialogue makaluma. Paano ako makaka-iskor nito?” inis na sambit ng binata sa isip.
Lumaki kasi sa lola niya si Rufina kaya pati ugaling matanda ay gustong ipamana nito sa kaniya.
“Diyosmiyo! Umigsi ata ang damit ng apo ko, kita na ang tuhod mo,” gulat na sabi ng lola niyang si Lola Emma.
“Umurong lang po ang tela, lola,” natatawang sagot ng dalaga.
Pati talaga sa pananamit niya ay nakabantay ang lola niya. Gusto nito ay hindi nakikita ang katawan niya, kulang na lang ay pagsuotin siya nito ng baro’t saya gaya ng kay Maria Clara.
Kaya sa ginagawang panliligaw ni Rocky kay Rufina ay pinuputakte siya ng tukso ng barkada niya dahil wala pang linaw ang panliligaw niya rito.
“Kung ako sa iyo, pare ko, ligawan mo si Lola Emma para makapasa ka kay Rufina,” natatawang sabi ng isa sa mga kaibigan niya.
“Oo nga, dumiskarte ka na, pare baka mamaya kapag hindi ka pa kumilos ay pagsisihan mo sa huli,” sabad naman ng isa pa.
“Aabutin ka ng sampung taon niyan, halikan mo na para kasal agad,” suhestiyon naman ng isa at nagtawanan ang mga barkada niya.
Pero dahil sa patitiyaga niya ay nakamit din niya ang matamis na oo ng dalaga. Sinagot na siya ni Rufina.
“At last, siyota na rin kita. O eh, b-bakit k umiiyak?” aniya.
Umiling ang dalaga.
“W-wala, wala, Rocky.”
Hindi na pinansin ng binata ang ginawa ng nobya. Nang makipagkita siya sa mga kaibigan ay agad niyang ibinando ang pagsagot sa kaniya ni Rufina.
“Mga pare ko, sa wakas, siyota ko na si Rufina. Imbitado kayo sa kasal,” aniya.
“Aba, magandang balita ‘yan, pare. Sulit ang matagal mo nang paghihintay at pagtitiyaga,” sambit ng isa sa mga kasama niya.
“Mabuti naman para makahigop na kami ng mainit na sabaw,” sabad ng isa pa.
Akala ni Rocky, kapag naging kasintahan na niya si Rufina ay magiging madali na ang lahat ngunit mali siya dahil kapag magkasama sila nito ay kahit daliri ng dalaga ay hindi niya masanggi. Ayaw ni Rufina hinahawakan niya ang kamay nito.
“Ano ka ba naman, Rocky? Ang kamay mo naman, nasasagwaan ako,” wika ng nobya.
“What’s wrong kung magholding hands tayo? Magkasintahan na tayo, ‘di ba?” gulat niyang tanong.
At nang minsang yayain niya ito na manood ng sine…
“Ayaw ko, Rocky. Ikaw na lang mag-isa,” sabi sa kaniya ni Rufina.
Nainis na ang binata.
“Bakit mo pa ako sinagot? Wala ka palang tiwala sa akin. Manonood lang tayo ng sine, wala naman tayong ibang gagawin dun, eh,” tugon niya.
“Hindi naman sa ganoon, Rocky p-pero…”
Hindi na pinakinggan ni Rocky ang paliwanag ni Rufina.
“Kung talagang ayaw mo, mabuti pang mag-break na tayo!” wika niya.
Walang nagawa ang dalaga nang makipaghiwalay si Rocky kaya minsan nang magkasalubong sila…
“Hoy, Rufina, meet Therese. Ang kapalit mo…imbitado ka sa kasal namin ha?” bungad ng binata.
“Hello, Rufina. Nice meeting you,” wika naman ng babae.
Nagsikip ang dibdib ni Rufina sa narinig niya at kumawala ang pinipigil na damdamin. Sa sobrang sama ng loob ay nagtatakbong palayo ang dalaga habang umiiyak.
Nakaramdam ng pangongonsensya si Rocky sa ginawa niya, kaya hanggang sa bar ay dinala niya iyon. Nagpakalasing ang binata kasama ang babaeng bayarang nakilala lang nito doon.
“R-Rufina, Rufina…hik…” ungol ni Rocky na lulong na sa espiritu ng alak.
Kahit lasing ay si Rufina ang palagi niyang bukambibig at iniisip. Hindi niya maipagkakaila na mahal pa rin niya ang dalaga.
Sa inis ni Therese ay nilayasan siya nito.
“Pwe! Hindi ako taga-akay ng lasing. Diyan ka na nga,” inis na sabi ng baba at umalis na sa loob ng bar.
Sa tulong ng mga kaibigan ay naiuwi nang maayos si Rocky sa kanilang bahay na lasing na lasing at ang tanging sinasabi ay ang pangalan ng babaeng pinakamamahal niya, walang iba kundi ang old-fashioned na si Rufina.
Kinaumagahan ay saka lamang nagliwanag kay Rocky ang lahat. Napagtanto niya na hindi basta basta mawawala sa puso niya ang tulad ni Rufina, minahal niya ito sa sa kabila ng katauhan ng dalaga at hinding-hindi iyon mawawala.
Pinuntahan niya sa bahay si Rufina.
“R-Rocky,” gulat na sambit ng dalaga.
“Rufina, puwedeng makatuloy?” sabi niya.
Nang makita siya ni Rufina ay nanginginig na ito, ibig nang humagulgol ng iyak lalo nang ilabas niya ang isang sobre na naglalaman ng imbitasyon.
“Kaya ako nagpunta rito para ibigay sa iyo itong imbitasyon ng kasal ko,” aniya.
Tulalang binuksan ni Rufina ang sobre at binasa ang imbitasyong nasa loob at mas lalong nagulat ang dalaga dahil…
“B-bakit pangalan ko ang nakalagay dito?”
Ngumiti si Rocky.
“Dahil tayo ang ikakasal, Rufina, dahil hanggang ngayon ay mahal pa rin kita. Ikaw lang ang itinitibok nitong puso ko. Puwede pa kaya?” sinsero niyang tanong.
Hindi makapaniwala si Rufina sa tinuran niya, maya maya ay mahigpit siya nitong niyakap.
“Patawarin mo ako kung napasobra ang pagiging makaluma ko, Rocky. At ang sagot sa tanong mo kung puwede pa? Oo naman, puwedeng puwede. Mahal na mahal din kita, kahit kailan ay hindi kita nakalimutan,” tugon ni Rufina.
“O, mahal ko, salamat,” masayang sagot ni Rocky na mas lalong humigpit ang yakap sa babaeng pinakatatangi niya.
Sa pag-ibig, hindi importante kung makaluma ang kilos, pananamit, ugali at iba pa, ang mahalaga ay pareho ang pagtibok ng inyong mga puso.