Nilimusan ng Binata ang Matandang Pulubi; Ito Pala ang Magbibigay sa Kaniya ng Trabaho

Ulila na sa mga magulang si Lorio. Pitong taon na ang nakakaraan nang pumanaw sa isang aksidente ang nanay at tatay niya kaya ang nag-aruga at nagpalaki sa kanilang tatlong magkakapatid ay ang Lola Ibyang niya.

Ang tanging hanapbuhay ng matanda ay ang pagtitinda ng mga prutas sa palengke. Maliit lang ang kinikita ng lola niya kaya ang sabi nito’y hindi muna siya nito mapag-aaral sa kolehiyo. Dahil may mabuting puso at marunong umintindi ang binata ay siya na ang nagpaubaya. Ang kaya lamang pag-aralin ng lola niya ay ang mga kapatid niya na nasa elementarya pa lang kaya ang mga ito na muna ang pauunahin niya, saka na lang siya mag-aaral sa kolehiyo kapag naka-ipon na siya ng pera.

Bilang panganay ay maghahanap muna siya ng trabaho para tulungan sa mga gastusin ang lola niya. ngunit sadyang mailap sa kaniya ang suwerte.

“Ano ba itong buhay na ito? Pang-ilan na ba itong inaplayan ko? Kahit janitor hindi ako matanggap, kailangan daw nakatuntong ng kolehiyo. Kung palaging ganito, paano ako magkakaroon ng trabaho?” malungkot na sabi ni Lorio sa isip.

Pawis na pawis na siya kakalakad sa gilid ng kalsada. Ipinangako niya sa sarili na hindi siya uuwi hangga’t hindi siya natatanggap sa trabaho. Maya maya ay huminto muna siya at umupo sa tabi sa isang tindahan. Muli niyang binuklat ang dala niyang diyaryo at nahanap sa classified ads.

“O, ito na lang ang hindi ko pa napupuntahan. May job opening dito, naghahanap sila ng waiter,” sambit niya.

Bago puntahan ang restawran na huling baraha niya ay nanalangin muna siya nang taimtim at hiniling na sana ay suwertehin na siya sa pagkakataong iyon.

Aalis na sana siya nang bigla siyang napapitlag dahil isang matandang lalaki ang kumalabit sa kaniya. Muntik pa nga siyang mapamura sa sobrang gulat. Inilahad nito ang mga palad na tila humingi ng limos.

Advertisement

“Nakakagulat ka naman, lolo. S-sandali po,” sagot ng binata na dumukot ng barya sa pitaka niya.

Napansin pa nga niya na sakto na lang iyon para sa pamasahe niya, kapag nagbigay pa siya ay paano siya makakauwi? Malayo-layo rin kapag nilakad niya, pero dahil nga likas sa kaniya ang pagtulong sa kapwa ay…

“O, sa inyo na po itong lahat. Maglalakad na lang po ako pauwi. Mas kailangan niyo po ito,” sabi niya.

Tuwang-tuwa ang matandang lalaki sa ibinigay niyang barya. Hinaplos pa siya nito sa balikat bago ito tuluyang umalis.

Nagmamadali na niyang pinuntahan ang restawran na aaplayan niya. Ilang sandali lang ay naroon na siya. Pinaghintay muna siya sa labas ng security guard, ang sabi ay ang may-ari raw ng restawran ang mag-iinterbyu sa kaniya. Kinakabahan nga siya, ang akala niya ay manager o supervisor lang ang mag-iinterbyu sa kaniya, iyon pala ay ang mismong may-ari. Nag-aalala siya na baka istrikto ito at maraming tanong, mahina pa naman siya sa Ingles kung sakaling Ingles ang gamitin nitong lenggwahe sa pakikipag-usap sa kaniya.

“Bahala na, kaya ko ito,” sambit na lang niya sa isip.

Ilang saglit lang ay pinapasok na siya sa loob ng restwran ng guwardiya. Napakalaki ng loob niyon at mukhang soyal na kainan. Bumungad sa kaniya ang nakangiting may-ari ng restawran, isa itong lalaki na sa tingin niya ay nasa kuwarenta anyos. May kasama itong matandang lalaki na ikingulat niya nang mamukhaan iyon.

“T-teka, si lolo na binigyan ko ng barya kanina…b-bakit siya narito?” bulong niya sa isip ngunit dahil kaharap na niya ang may-ari ay saglit niya iyong hindi pinansin at hinarap ang lalaki.

Advertisement

“H-hello sir, good afternoon. I am Lorio Sandoval sir, applying for waiter,” wika niya.

Napansin niya na may ibinulong ang matandang lalaki sa may-ari pagkatapos ay nakangiting lumapit sa kaniya.

“Salamat, hijo, salamat sa pagiging mabait mo sa lolo ko,” bungad sa kaniya ng may-ari.

“Ho?” gulat niyang sabi.

“Siya ang aking lolo. Pasensya ka na sa kaniya ha? Nag-uulyanin na kasi siya kaya kung anu-ano na lang ang ginagawa, palagi siyang umaalis dito sa restawran at gumagala-gala sa labas para mamalimos. Bumabalik naman siya rito at hindi nawawala. Ganyan siya talaga, eh, kahit hihigpitan ko’y pilit na ginagawa ang gusto niya, pero mabait ang lolo ko at hindi naman nananakit. Nang makita ka niya kanina sa labas ay sinabi niya sa akin na ikaw raw ang kaisa-isang nagbigay sa kanya ng limos,” hayag ng may-ari.

Nanlaki ang mga mata ni Lorio sa sinabi ng may-ari ng restawran. Ang matandang inabutan niya ng tulong ay lolo pala nito. Mas ikinagulat niya nang walang anu-ano ay tinanggap siya ng lalaki sa trabaho ngunit hindi waiter ang ibinigay sa kaniya nitong posisyon kundi assistant nito sa restawran. Tinulungan din siya nito para makapag-aral siya sa kolehiyo.

Bilang ganti ay mas lalo niyang pinaghusayan ang trabaho kaya ‘di nagtagal ay na-promote siya at naging manager na sa restawran. Naiahon na rin niya ang kaniyang pamilya sa hirap. Siya na rin ang nagpapa-aral sa mga kapatid niya at pinahinto na sa pagtitinda ang lola niya.

Laking pasasalamat niya sa matandang lalaki dahil ito ang nagbigay ng suwerte sa kaniya. Sa simpleng pagtulong niya rito ay mas malaking biyaya pa ang naging kapalit.