Harap-Harapang Kinutya ng Babae ang Kapatid Niya sa Ama; Pahiya Siya Nang Malamang Mas Mayaman Pala Ito sa Kaniya

Nakasimangot na minasdan ni Divina ang kaniyang ina na abalang binubuksan ang mga biniling pagkain sa online food delivery business ng stepsister niya na si Agatha. Ang babae ay anak sa pagkabinata ng kaniyang yumaong ama. Kung tutuusin ay ito ang naunang ipanganak kaysa sa kaniya, mas matanda ito ng dalawang taon sa kaniya. Tanggap ng kaniyang inang si Yoly ang anak ng tatay niya ngunit siya ay hindi.

“Ano ba ‘yan, inay,” usisa niya.

“Tikman mo itong inorder kong chicken barbecue at sisig, bagong recipe ng kapatid mo. Biniyan pa nga niya ako ng discount, eh,” sabi ng ina.

“Bumili pa kayo ng ganyan, eh dami pa nating pagkain sa ref. O kaya sana ay kumain na lang tayo sa labas, sa mas sosyal na restawran na nagseserve din ng ganyang food,” inis niyang sabi.

“Naku, sawa na kasi ako sa mga pagkain natin sa ref, eh. Saka mas malaki ang natipid ko, anak kaysa kakain pa tayo sa labas, mas magastos lang. Suporta ko na rin ito sa kapatid mo. Alam mo namang may anak na binubuhay iyon.”

Sa tinuran ng ina ay napangiti si Divina. Kung tutuusin ay napakasuwerte niya kaysa sa kapatid niya sa ama. Maaga itong nabuntis kaya nag-asawa sa edad na beinte tres anyos, dahil doon ay hindi ito nakapagtapos sa pag-aaral at pinasok na lang ang pag-o-online business gamit ang naipon nito. Kahit may trabaho naman ang mister nito na isang security guard ay kulang na kulang pa rin iyon dahil sa pinag-aaral na anak. Siya naman ay may magandang trabaho na sa isang kumpanya sa Ortigas bilang HR assistant na malaki ang sahod kaya ang laki ng lamang niya sa kapatid. Kung siya ay nakaaangat, ito naman ay naghihirap.

Sa tuwing nagpopost ang kapatid sa Facebook at Instagram ay natatawa na lang siya.

“Kawawa naman ang babaeng ito, kahihiyan kay itay. Kung nabubuhay si itay ay ikahihiya niya itong si Agatha. Naturingang panganay eh kay agang lumandi kaya pag-o-online selling ng mga pagkain ang kinabagsakan,” wika ni Divina sa isip.

Advertisement

Kahit noong mga bata pa sila ay ang laki na ng inggit niya sa kapatid dahil mas pinapaboran ito ng tatay niya kahit na siya ang mas matalino at magaling. Kahit mahina ang ulo ni Agatha ay mas malapit dito ang kaniyang ama. Ang totoo, pantay naman talaga ang pagmamahal nito sa kanilang magkapatid, nasa isip lang niya iyon dahil nababalot ng inggit ang isip at puso niya. Kung mas kinagigiliwan ng kanilang ama ang kapatid ay dahil mas mabait ito at mas malambing kaysa sa kaniya, siya kasi ay masama ang ugali at inggitera.

“Anak nga pala, iniimbatahan tayo ng kapatid mo sa bahay nila dahil kaarawan ng pamangkin mo,” wika ng nanay niya.

“Ha? Kailan nga po iyan?” excited niyang tanong.

“Sa Sabado na, anak. Inimbitahan din niya ang mga pinsan niyo at iba pa nating kamag-anak,” sagot ng ina.

Napangisi si Divina, masaya ito. Makakapagyabang siya at maipapamukha niya kay Agatha na angat na angat na siya rito ngayon, na walang pinagbago na siya pa rin ang pinakamatalino at pinakamagaling.

Mabilis na lumipas ang mga araw at sumapit na ang kaarawan ng anak ni Agatha. Gaganapin iyon sa isang restawran na malapit lang sa kanila. Kahit puwedeng traysikel lang ang sakyan nila ay tumawag pa siya ng taxi para pumunta roon.

“Siyempre gusto kong makita ng kapatid kong hilaw at ng mga kamag-anak namin na ako ang pinaka-asensado,” natatawang sabi ni Divina sa sarili.

Nang marating nila ang venue at nakapasok na restawran ay agad silang sinalubong ng kanilang mga kamag-anak. Napansin niya na malaki at magandang restawran iyon. Sa isip niya ay baka ipinangutang ng kapatid niya kuno ang pambayad sa restawran. Dali-dali niyang inilabas ang mamahalin niyang selpon para magpiktyur-piktyur pero ang totoo niyang intensyon ay ipainggit at ipagyabang iyon. Maya maya ay biglang tumaas ang kilay niya nang makita ang kapatid kasama nito ang asawang si Tyron at nag-iisang anak na si Angelica, ang may kaarawan. Agad niya itong binati ng happy birthday at ibinigay ang mamahalin niyang regalo. Nagpasalamat naman ang bata sa kaniya at niyakap siya’t hinalikan sa pisngi.

Advertisement

Matapos makipagplastikan ay tumabi siya sa mga pinsan nila na may magaganda ring trabaho lalo na ang pinsan nilang si Brenda na kakauwi lang galing sa Australia.

“Kumusta na mga pinsan!” nakangiti niyang sabi.

“O, Divina, long time no see!” wika sa kaniya ng mga pinsan.

“Oo nga, eh, alam niyo na napakabusy kong tao dahil may maganda akong trabaho sa Ortigas ngayon,” sagot niya sabay labas ng mamahalin niyang selpon. “Selfie muna tayo, guys!” hirit pa niya.

Unti-unting nagawi ang tingin niya sa nakangiti ring si Agatha. Oras na para patutsadahan ito.

“Ikaw, Agatha, kumusta ka na? Balita ko nag-o-online business ka raw? Bakit? Maliit ba ang sahod ng asawa mo?” sunud-sunod niyang tanong.

“Ah, matagal ko nang plano ang online business lalo na’t mahilig akong magluto, pagdating naman sa mister ko…”

Hindi na niya pinatapos pagsalitain ang kapatid, agad niya itong ipinahiya.

Advertisement

“Sa bagay, hindi ka naman nakapagtapos sa kolehiyo kaya bumagsak ka sa pagbebenta at pagdedeliber lang. Naaawa tuloy ako sa iyo. Ano kaya ang sasabihin ni tatay kung nabubuhay pa siya ngayon? Nagpabuntis ka lang sa lalaking hindi ka naman mabibigyan ng magandang buhay?” pahaging niya.

Hindi kumibo ang kapatid niya at ang mister nito at napatingin naman sa kaniya ang mga pinsan nila.

Maya maya ay hinila siya palabas ng restawran ng pinsang si Brenda.

“Ano ka ba, Divina? Bakit pinagsalitaan mo ng ganoon ang kapatid mo? Nakakahiya sa kaniya at sa asawa niya,” wika nito.

“Bakit? Anong masama sa mga sinabi ko? Totoo naman, ‘di ba, na naghihirap sila kaya nagbebenta nalang sa online ng mga pipitsugi niyang mga pagkain?” inis niyang sabi.

“Sinong may sabi sa iyo na naghihirap na ang kapaitd mo? Hindi mo ba alam na ang restawran na ito ay pag-aari nilang mag-asawa? At marami na ang branch nito, plano nga nila na magtayo ulit ng panibagong branch sa probinsya. Kita mo iyang magarang kotse na nakaparada sa labas? Sa kanila iyan. Nakapagpatayo na rin sila ng bagong bahay sa Rizal dahil malaki ang kinikita nila sa kanilang negosyo. Nakipagsapalaran silang mag-asawa, gimamit nila ang kanilang ipon para sa negosyo at dahil sa sipag nila at dedikasyon ay naging successful iyon kaya nga nag-resign na si Tyron sa pagiging security guard at nag-focus na lang sila sa business. Naisipan ni Agatha na mag-online selling ng mga pagkaing ibinebenta nila rito sa restawran para mas maraming makatikim ng mga luto niya, alam mo naman ‘yung ibang tao, tamad nang lumabas dahil sa pand*mya kaya ang gusto’y online delivery na lang. Saka alam mo ba na ang laki ng utang na loob ko kay Agatha? Tinulungan niya akong makapag-abroad. Siya ang nagbayad ng fee ko para matuloy ako sa Australia,” bunyag ng pinsan.

“What?!” tanging naisagot ni Divina na biglang nanigas ang buong katawan at pakiramdam niya’y lalamunin siya ng lupa. Ang kapatid na kinukutya at minamaliit niya ay mas asensado pa pala kaysa sa kaniya.

Para siyang sinampal nang paulit-ulit kaya wala siyang nagawa kundi umalis sa lugar na iyon na hindi man lang nagpapaalam. Hiyang-hiya siya sa inasal niya. Wala na siyang mukhang maihaharap sa mga kamag-anak lalo na kay Agatha. Sa isip niya ay siya pala ang kahihiyan sa kanilang ama at hindi ang kapatid niya.

Advertisement

Ipinakita sa kuwento na huwag manghusga o mangmaliit ng kapwa porket hindi nakapag-aral at nakapag-asawa nang maaga ay hindi na maaaring umasenso. Nasa sipag, tiyaga at dedikasyon pa rin ang susi ng pagiging matagumpay sa buhay.