Inday TrendingInday Trending
Malaki ang Utang na Loob ng Lalaki sa Kaibigan Kaya Ipinaubaya Niya Rito ang Kaniyang Nobya; Nagulantang Ito sa Tunay na Dahilan

Malaki ang Utang na Loob ng Lalaki sa Kaibigan Kaya Ipinaubaya Niya Rito ang Kaniyang Nobya; Nagulantang Ito sa Tunay na Dahilan

Habang nagmamaneho si Ricky ay may napansin siya…

“Aba, si Marvin iyon, a! Si Marvin nga! Pinagtutulungan,” wika niya nang makitang ginug*lpi ng tatlong lalaki ang kaibigan.

Dali-dali niyang inihinto ang kotse at bumaba para tumulong. Sanay sa basag ulo ang binata at dahil kilala siya na mahusay sa pakikipaglaban, nang makita siya ng tatlong nang-aaway sa kaibigan niya ay laking gulat ng mga ito at bigla na lamang nagtatakbo.

“Sibat na mga pare!” sigaw pa ng isa.

“O, wala pala kayo, eh! Mga takbuhin pala kayo, mga duwag!” hiyaw naman ni Ricky sabay halakhak.

“Salamat, Ricky,” wika ni Marvin.

“Kalimutan mo na iyon, pare. Huwag ka kasing nagpapatalo sa mga iyon. Masyado ka kasing mabait, eh kaya kinakayan-kayanan ka nila.”

Sa kanilang magkaibigan ay si Ricky ang mahilig sa pakikipag-away at gulo, anak mayaman kasi kaya pinangingilagan sa lugar nila samantalang si Marvin ay sobrang bait, hindi mahilig makipag-away at laki sa hirap kaya minsan ay nakukursunadahan ng mga lasenggong tambay.

“Alam mo naman na hindi ako mahilig sa gulo, pare.”

“Minsan ay kailangan mo ring lumaban para hindi ka naaapi. O, ano, hindi ka ba sasama sa akin kina Estella? Pupunta ako dun, eh,” yaya ni Ricky.

“K-kina Estella? Bakit hindi, sige tayo na!”

Si Estella ang dalagang labis na iniibig ng dalawang binata. Nang dumalaw sila sa bahay nito ay laking tuwa naman ni Estella na makita sila. Matapos ang ilang minutong kuwentuhan ay nagpaalam na si Ricky, nang magkasarilinan naman sina Marvin at ang dalaga ay bahagyang kumunot ang noo ng huli dahil…

“Napupuna ko, Estella, na nagiging malapit sa iyong damdamin si Ricky. Umiibig ka ba sa kaniya?” tanong ng binata.

“Marvin, minsan lang ako kung umibig, at iyon ay naipagkaloob ko na sa iyo,” sagot ng dalaga.

Ang totoo’y sinagot na ni Estella si Marvin dahil sa dalawang binata na nanliligaw sa kaniya ay si Marvin ang mas matimbang sa puso niya.

Isang hapon ay bumisita sa bahay ni Marvin ang kaibigang si Ricky.

“Galing ako kina Estella, Marvin at sinabi niya sa akin na wala akong pag-asa sa kaniya, ipinagtapat din niya sa akin na ikaw ang pinili niya. Bakit inilihim mo sa akin na magkasintahan na kayong dalawa?” wika ng kaibigan.

“I-ipinagtapat na niya sa iyo?” gulat na tanong ni Marvin. Nakadama ng lihim na pagkapahiya ang binata.

“Oo, pare, p-pero kung hihilingin ko sa iyong ipagpaubaya mo sa akin si Estella, pumayag ka kaya?” tanong sa kaniya ni Ricky.

Hindi agad nakakibo si Marvin.

“R-Ricky…”

Daig pa niya ang sinampal. Matagal din siyang natigilan sa tinuran ng kaibigan.

“Ewan, kung sino sa ating dalawa ang nakahihigit sa pag-ibig na iniuukol natin kay Estella, saka natin pag-usapan ang bagay na iyan, Ricky, maaari ba?” tugon niya.

“Aasahan ko iyan, Marvin. At kung ano man ang kailanganin mo sa akin ay huwag kang mahihiyang magsabi,” sabi pa ng kaibigan.

“Napakabigat ng hinihiling mo sa akin, Ricky, ngunit paano ako makakatanggi sa iyo? Nang minsang magkasakit ang aking ina ay ikaw ang tumulong sa kaniya,” tugon niya.

Totoo iyon, malaki ang utang na loob ni Marvin sa kaibigang si Ricky pagdating sa pinansyal kaya sino nga ba siya para tanggihan ito?

Kinagabihan ay dumalaw ulit si Ricky kay Estella. Ipinilit pa rin ng binata ang nararamdaman kahit hindi siya pinili nito.

“Lahat ng ginhawa sa buhay ay maipagkakaloob ko sa iyo. Mayaman ako, mapera. Paliligayahin kita, hinding-hindi ka magsisisi kung ako ang iibigin mo. Maaari ba na ako na lang ang piliin mo?” lakas loob na hayag ng binata.

“Nasabi ko na naman sa iyo na ako’y hindi na maaaring umibig sa iba dahil si Marvin ang mahal ko,” sagot ni Estella.

“Ngunit hindi ka totoong iniibig ni Marvin. Pinaglalaruan ka lang niya,” pagsisinungaling ni Ricky.

Ikinagulat ni Estella ang tinuran niya.

“Pinaglalaruan? Nagkakamali ka, Ricky. Tapat ang pag-ibig sa akin ni Marvin. Walang katotohanan iyang sinasabi mo,” sabi ng dalaga.

“Kung tapat siya sa iyo, ano’t pumapayag siyang ipagbaubaya ka sa akin? Tahasan niyang sinabi sa akin na lalayuan ka na niya,” patuloy na pagsisinungaling ng binata.

“G-gagawin niya iyon? Napakababa naman ng pagkakakilala ninyo sa akin at ako’y pinagpapasapasahan ninyo. Magkagayon man, nais kong malaman mo na ikaw ay tangka rin niyang linlangin dahil ako’y nagdadalantao na, Ricky,” sagot ni Estella sa mangiyak-ngiyak na tono habang hinahaplos ang tiyan.

Napatayo si Ricky sa kinauupuan sa rebelasyon ni Estella.

“H-Ha? N-nagdadalantao ka?!”

Dahil sa ipinagtapat ng dalaga ay nagmamadaling lumisan si Ricky na hindi nakuhang magpaalam pa. Wala rin itong imik at parang binuhusan ng malamig na tubig.

“R-Ricky…” tanging nasambit ni Estella nang layasan siya ng manliligaw.

Tinungo ni Ricky ang bahay ng kaibigang si Marvin, at sa may pinto pa lamang ay…

“Hindi ko akalaing nais mo pala akong linlangin! Ipinapaubaya mo sa akin si Estella, iyon pala’y nagdadalantao na siya!” galit niyang sabi.

“T-teka muna, Ricky…magpapaliwanag ako…” wika ni Marvin ngunit hindi na siya pinatapos pang magsalita ng binata.

“Iyo na siya, Marvin. Hindi ko mapapakasalan ang isang babaeng pinagsawaan na ng iba! Diyan ka na!” inis na sagot ni Ricky saka nagmamadaling umalis.

Naiwang mag-isa si Marvin na habol tingin ang papalayong si Ricky.

“Ikaw ay kaibigan ko, Ricky, ngunit anong uri ng kaibigan? Dapat akong tumanaw ng utang na loob sa iyo ngunit hindi sa ganitong paraan. Nang hilingin mo sa akin na ipaubaya ko sa iyo si Estella, ay naisip kong ako’y hindi mo talaga kaibigan,” bulong niya sa isip.

Noon din ay nagsadya si Marvin kina Estella.

“Naniwala si Ricky na ikaw ay nagdadalantao gayong hindi naman iyon totoo at paraan lamang natin iyon upang bigyan siya ng leksyon,” bungad niya sa kasintahan.

“Tagumpay ang plano natin, Marvin. Kailangang gawin natin iyon upang maunawaan ni Ricky na mali ang kaniyang ginawa. Hindi niya dapat kasangkapanin ang inyong pagiging magkaibigan para lamang makuha ang pansarili niyang hangarin, Minsan lamang ako kung umibig at ang pag-ibig ko ay iyong-iyo, hindi maaagaw ng iba,” tugon ni Estella.

“Kaya naman labis-labis ang aking pagtitiwala sa iyo, Estella, at sana, balang-araw ay maunawaan ni Ricky ang kaniyang pagkakamali,” sambit ni Marvin sa kasintahan saka ito niyakap nang mahigpit.

Mula noon ay hindi na sila ginulo pa ni Ricky. ‘Di nagtagal ay ginanap ang kanilang pag-iisang dibdib at totoo nang nagdalantao si Estella na labis namang ikinatuwa ng mister dahil magkakaroon na sila ng sanggol na lalaki.

Ang tunay na kaibigan ay hindi panghihimasukan ang nararamdaman ng kaniyang kaibigan, dapat ay suportahan ito at maging masaya sa kaligayahan ng iba.

Advertisement