Inday TrendingInday Trending
Gasgas na ang Linyang Nasa Huli ang Pagsisisi; Ngunit Bakit Ngayon Lamang Niya Napagtantong Nagsisisi Siya sa mga Maling Desisyon Niya Noon?

Gasgas na ang Linyang Nasa Huli ang Pagsisisi; Ngunit Bakit Ngayon Lamang Niya Napagtantong Nagsisisi Siya sa mga Maling Desisyon Niya Noon?

Kumakain silang magkaibigan sa isang sikat na restawran nang mapansin niya ang rebulto ng lalaking kahit sa matagal na panahon ay kilalang-kilala niya pa rin.

“Girls, nakikita niyo rin ba ang nakikita ko?” ani Abby, ang kaniyang kaibigan.

Sabay-sabay namang naglingunan ang dalawa pa nilang kaibigan sa gawi kung saan nakatitig si Abby.

“Si Gerome ba iyon?” manghang bulalas si Cathy.

Hindi pa man sila nakakabawi sa pagkabigla ay nasa harapan na nila ang lalaking tinutukoy. Tuwid na nakatayo habang nakapaskil sa labi ang matamis na ngiti.

“Si Gerome nga!” sabay-sabay na sambit nina Abby, Cathy at Faye.

“Hi! Nandito rin pala kayo,” masiglang bati ng binata. “Long time no see,” dugtong nito.

Dahil sa pagkabigla ng tatlong kaibigan, mas minabuti na lamang ni Kaye na sagutin ang binata.

“Oo nga e, long time no see, Gerome,” ani Kaye.

Si Gerome ang kaniyang dating nobyo. Halos limang taon ring tumagal ang kanilang relasyon, at magtatatlong taon na rin silang hiwalay ng lalaki, kaya medyo nakakailang ang muli nilang paghaharap ngayon. Sa taong lumipas ay napansin niya agad ang malaking pagbabago ng dating nobyo.

“Grabe Gerome, hindi ka namin halos nakilala. Ang layo na ng itsura mo noon sa ngayon. Mukha ka nang bigatin ah!” buong paghangang wika ni Abby sa lalaki.

“Kung dati’y naka-tsinelas ka lang, ngayon—” niyuko nito ang sapatos ng lalaki. “Mukhang tunay na balat na iyang sapatos na suot mo,” segunda naman ni Cathy.

“Oo nga naman, Gerome. Dati’y kupasing damit at pantalon lamang ang suot mo palagi… pero ngayon tingnan mo naman,” turo ni Faye rito. “Naka-amerikanang pinatigas ng plantsa.”

Sa lahat ng papuring natanggap, tanging tawa lamang ang isinagot ni Gerome sa mga iyon. Kahit na noong sila pa ni Kaye ay mga kalog na talaga ang mga ito. Madalas ay kabiruan niya ang mga kaibigan ng dating nobya, at totoong masaya siya kapag ganitong nagkakausap sila. Sa nakalipas na panahon ay hindi man lang nagbago ang mga ito.

“Sir Gerome, pasensya na po kayo sa istorbo, pero nasa loob na po ang asawa ninyo, kausap ang iba pang bisita at kailangan na kayo sa loob,” anang sekretarya ni Gerome.

“Susunod ako, Monet,” nakangiti niyang kausap sa sekretarya.

Gusto pa sana niyang makipagbiruan at makipag-usap sa mga ito, ang kaso’y kailangan na niyang harapin ang dahilan kung bakit naririto sila ng kaniyang asawa.

“Sa totoo lang, gusto ko pa sana talagang manatili at makipagkumustahan sa inyong apat, ang kaso’y may kailangan pa akong asikasuhin sa loob,” hinging paumanhin ni Gerome. “Upang pambawi ay libre ko na sa inyo ang lahat ng in-order niyo rito sa restawran ko. Mag-enjoy lang kayo ah,” ani Gerome saka bumaling kay Kaye na tahimik lamang na nakayuko at ang buong tingin ay nasa mesa. “Nagagalak ako, Kaye, sa muli nating pagkikita,” aniya saka tuluyang nagpaalam sa grupo.

Sinundan na lamang nina Faye, Abby, at Cath ang papalayong lalaki, habang sa isip ay pare-parehong labis na nanghinayang para sa kaibigan nilang si Kaye. Nang tuluyan itong mawala ay saka lamang sabay-sabay na nagsibalikan sa pwesto ang tatlo.

“Wala nga talagang pagsisisi ang nauuna, Kaye,” ani Faye.

“Agree! Kasi kung mayroon lang, malamang baka hanggang ngayon ay kayo pa rin ni Gerome at kagaya niya, bigtime ka na rin,” segunda pa ni Abby.

“Wala akong komento sa bagay na iyan,” ani Cath. “Libre ang pagkain at inumin natin, iyon na lamang ang aking nanamnamin,” dugtong pa nito at saka nagpokus sa pagkaing muling in-order ng mga ito.

Tama ang mga kaibigan niya… walang pagsisising nauuna, palagi talaga itong nasa huli. Hindi pa man niya nakikitang muli ang dating nobyong si Gerome ay nagsisisi na siya sa lahat ng mga naging desisyon niya noon. Ang daming sana ang nagsiunahan sa kaniyang isipan.

Sana pala’y hindi niya sinunod ang mga sinabi noon ng kaniyang mga magulang.

Sana pala ay sinunod niya ang isinisigaw ng kaniyang puso.

Sana naging matapang siya upang ipaglaban ang relasyon nila ni Gerome… sana, sana, sana.

Tinitingan niya ang pintong pinasukan ni Gerome. Nagpakasal siya sa lalaking hindi niya mahal ngunit kaya siyang iahon sa kahirapan. Iniwan niya si Gerome na totoo niyang mahal dahil ayon sa mga magulang niya’y wala siyang magiging kinabukasan kung ito ang kaniyang makakatuluyan. Naging praktikal siya sa buhay ngunit hindi naman siya naging masaya. Kung nagtiwala lamang siya noon kay Gerome, hindi sana ganito ka-miserable ang kaniyang buhay.

“Hindi ka sana isang batt*red wife, Kaye. Ginagawa kang punching bag ng asawa mo, akala niya siguro dati kang baksedor,” muling komento ni Abby.

Hindi na lamang niya sinagot ang kaibigan. Naging miserable ang buhay niya dahil sa mga mali niyang desisyon noon, at pilit man niyang baguhin ang mga pagkakamaling iyon ay wala na ring saysay. May asawa at sariling pamilya na ang lalaking labis niyang minahal, ngunit nagawa niyang ipagpalit sa pera.

Pinili na lamang niyang kumain nang tahimik habang lihim na umiiyak ang puso. Mukhang naunawaan naman ito ng kaniyang mga kaibigan kaya nanahimik na lamang din ang mga ito.

Advertisement