
Makalipas ang Maraming Taon, Muling Bumalik ang Ina Upang Kunin ang Isa sa mga Anak Niya; Paano na ang Apat na Matitira?
Pagod na pagod ang buong katawan ni Cheska dahil sa maghapong trabaho. Nag-inventory kasi sila ng lahat ng stocks kaya pagbabanyo lang ang kaniyang naging pahinga kanina. Pakiramdam niya’y ayaw na niyang kumain, mas gusto niyang matulog na lang at ilatag ang napapagod na katawan sa kama.
Pagkababa sa dyip ay nagpasya siyang dumaan sa malapit na karinderya upang bumili ng uulamin nilang magkapatid. Nagsaing na si Ernesto kaninang alas-sais, kaya ulam na lang ang kulang. Tatlong klase ang ulam na kaniyang binili, kasya na iyon para sa kanilang limang magkakapatid.
Ilang distansya pa lang patungo sa kanilang bahay ay rinig na rinig na niya ang iyak ni Andrew, ang kaniyang bunsong kapatid, habang naririnig naman niya ang malakas na sigaw ni Ernesto, ang sumunod sa kaniya.
“Cheska, kanina pa iyang rambulan sa bahay niyo. Mabuti naman at dumating ka na,” ani Aleng Narsing.
Kaysa sagutin pa ang ale ay mabibilis na hakbang ang ginawa ni Cheska upang saksihan kung ano nga ba talaga ang nangyayaring kaguluhan sa bahay nila. Ngali-ngali siyang pumasok sa bahay nila upang makita ang babaeng ilang taon na ang lumipas mula noong huli niya itong nakita.
“M-Mama?” gulat niyang bulalas.
“Ate!” Sabay-sabay na nagtakbuhan sa kaniya ang tatlong kapatid.
Maghigpit ang pagkakahawak ng ina sa braso ni Andrew, kaya hindi nito magawang kumawala sa ina. Salubong at labis siyang nagtataka kung ano ang ginagawa ng kanilang ina sa bahay nila at kung bakit nagkakagulo ang kaniyang mga kapatid.
“Ate, huwag kang pumayag na kunin niya si Andrew!” ani Niel, ang pang-apat sa magkakapatid.
“Ateee,” umiiyak na wika ni Andrew.
“Bitawan mo siya,” mahinahon niyang utos sa ina.
Tatlong buwan pa lang noon si Andrew nang mangpasya ang inang iwanan sila nang wala man lang paalam. Basta na lang itong umalis at hindi na muling nagpakita, wala man lang silang naging balita kung nasaan na ito. Limang taong gulang na ngayon si Andrew, saka lang ito nagpakita at nagkakagulo pa ang lahat.
“Cheska, anak, hayaan niyo na lang na kunin ko si Andrew. Apat pa naman kayong matitira, akin na lang si bunso. Kailangan ko ngayon si bunso, wala kaming anak ng asawa ko, nagbabalak kaming mag-ampon, kaysa naman maghanap pa kami ng ibang batang aampunin, si Andrew na lang. Mas magiging maayos ang buhay niya sa’min ng asawa ko,” paliwanag ng ina.
Nagpanting ang tainga ni Cheska sa narinig mula sa ina. Limang taon itong hindi nagpakita, limang taon silang pinabayaan ng ina, tapos ngayon ay babalik ito upang kunin ang isang anak dahil sa pansarili nitong dahilan?
“Pagkatapos mong ipasa ang obligasyon mo kay ate, babalik ka rito upang kunin si Andrew?! Medyo makapal din talaga ang mukha mo!” inis na wika ni Ernesto.
“Ernesto, may karapatan akong lahat sa inyo dahil anak ko kayo. Kung kukunin ko man si Andrew ay nararapat lamang dahil sa edad niya, dapat ay nasa pangangalaga ko pa siya,” anang kanilang ina.
“Talaga ba, ‘ma?” nang-uuyam na wika ni Cheska. “Limang taon niyo kaming iniwan. Dalawang buwan pa lang noon si Andrew, limang taon si Niel, siyam na taon naman si Mae, dose anyos si Ernesto at kinse lang ako noong ipinapasan mo sa’kin ang obligasyong dapat ikaw ang humarap dahil namayapa na si papa. Pero iniwan mo kaming mga anak mo. Nagbuhay dalaga ka, nagpakasarap sa buhay! Tapos ngayon, bigla mong naisip na isa ka pa lang nanay?!” galit na litanya ni Cheska.
“C-Cheska,” nanginginig ang boses na wika ng kanilang ina.
“Kukuha ka ng isang anak na para kang kumukuha lang ng isang tuta sa isang inang asong may limang anak. Isa lang ang kailangan mo kaya wala kang pakialam sa apat na natira!” namumulang mga mata ni Cheska habang galit na nakatitig sa ina. Gusto niya itong sampalin, pero hindi niya magawa. Ito pa rin ang babaeng nagluwal sa kanila, ito pa rin ang kanilang ina.
“C-Cheska, anak, patawarin mo ako. Alam kong galit ka sa’kin, anak,” umiiyak na wika ng ina.
“Anak?! Wala kang anak dito!” singhal niya sabay hablot sa braso ng umiiyak na si Andrew. “Hindi kami hayop, pero iyon ang ipinaramdam mo sa’min!” mangiyak-ngiyak niyang wika saka itinulak ito palabas ng pamamahay nila.
“Anak…” humahagulhol na wika ng ina.
“Nakaya ko silang buhayin noon, tiyak na kaya ko silang buhayin ngayon. Ito na lang ang tatandaan mo!” aniya. Sa sobrang inis ay hindi niya napigilang duru-duruin ang ina. “Hindi ka namin kailangan. Para sa’min, matagal ka nang p*tay, kasama ka na naming inilibing kay papa!” aniya saka pabagsak na isinara ang pintuan.
Hindi niya napigilan ang pag-agos ng luha sa mga mata nang tuluyang nawala sa paningin niya ang ina. Sabay-sabay naman siyang niyakap ng kaniyang mga kapatid, habang umiiyak din.
“Ayaw ko sumama sa kaniya, ate,” tumatangis na wika ni Andrew.
“Hindi kita ibibigay sa kaniya, Andrew.” Isang pangakong kaniyang binitawan, hindi lang para sa bunsong kapatid kung ‘di para sa lahat.
Pinasan na niya ang mga ito simula pa noong kinse anyos siya. Siya na ang tumayong ina at ama ng mga kapatid. Hindi niya nagawang ipamigay sa iba ang mga ito dahil sa takot na baka mapariwara ang buhay ng kaniyang mga kapatid. Nagsakrispisyo siya, nagtiis, at nagpakahirap huwag lamang silang magkahiwa-hiwalay, kaya hindi niya mapapayagan ang sinuman, kahit ang kaniyang sariling ina, na paghiwalayin sila!
Nakayanan na nila noon, mas kakayanin pa nila ngayon ang mga darating na mga pagsubok sa kanilang buhay, basta’t sila ay magkakasama at nagtutulungan.

Galit ang Ina sa Kaniya Dahil sa Kaniyang Katamaran Kaya Binalak Niyang Umalis na sa Poder ng Pamilya; Payo ng Kaibigan ang Magpapabago sa Iniisip Niya
