
Galit ang Ina sa Kaniya Dahil sa Kaniyang Katamaran Kaya Binalak Niyang Umalis na sa Poder ng Pamilya; Payo ng Kaibigan ang Magpapabago sa Iniisip Niya
“Marcus! Ano na? Kailan mo balak hugasan iyang mga nakatambak na plato riyan sa lababo?” malakas na sigaw ni Aleng Marie sa anak na kanina pa nakaharap sa selpon. “Kapag binasag ko iyang selpon mo, kasama niyang mga plato na iyan, ano kaya sa tingin mo ang mangyayari?”
Agad namang nilingin ni Vernon ang katabing kaibigan na si Marcus, kaninang umaga pa itong nakikipaglaro sa kanila ni Alfred, kanina niya pa rin ipinapaalala rito ang mga gawaing bahay na dapat nitong gawin.
Tatlo lamang ang anak ni Aleng Marie, iyon ay sina Mae, Mark, at Marcus. Sina Mae at Mark ay pawang may mga trabaho na, habang si Marcus ay nag-aaral pa at siyang katuwang ng ale sa mga gawaing bahay. Ngunit minsan ay tinatamad ito at mas gustong maglaro nang maglaro kaya naman madalas ay nabubungangaan ito ng ina.
“Ano ba naman ‘yan! Kita naman niyang naglalaro ako rito,” maktol ni Marcus.
“Aba’t nagdadabog ka pa riyan!” inis pa rin na wika ng ina nito. “Alam mo na ang obligasyon mo sa bahay na ito, Marcus. Pero minsan nagbibingi-bingihan ka pa rin na parang wala kang naririnig!”
Nakabusangot na tumayo si Marcus.
“Sundin mo muna kasi ang inuutos sa’yo bago ka mag-ayang makipaglaro sa’min,” pabulong na wika ni Vernon.
“Oo nga naman, Marcus,” sang-ayon naman ni Alfred.
Upang hindi maiwan si Marcus sa laro nila, nagpasya ang dalawa na tulungan ito upang mas mapadali ang gawain ng kaibigan at makapaglaro na ulit sila.
“Kapag kaya ko na, aalis talaga ako sa bahay na ito!” ani Marcus, habang nagsasabon ng pinggan.
“Asus! Pinaglilinis ka lang naman ng nanay mo, kung maka-drama ka, wagas!” ani Alfred. Ito naman ang nagbabanlaw sa sinabunan ni Marcus, at si Vernon ang nagtutuyo at naglalagay sa lagayan ng malinis na pinggan.
“Sa tamad mong iyan, sa palagay mo kaya mong mag-isa? Diyos ko! Hindi mo kaya Marcus, ako na ang nagsasabi sa’yo,” ani Vernon.
Bumaling ang kaibigan at tinapunan siya ng masamang tingin.
“Nasasabi niyo iyan dahil hindi kayo ang natatambakan ng utos. Ang hirap maging bunso,” reklamo pa rin ni Marcus.
“Ang dali lang kaya,” ani Alfred. “Hindi ka naman matatambakan kung ‘di ka nagpapatambak ng gawain. Ultimo paghuhugas ng pinagkainan niyo minamamaya-mamaya mo pa kaya ka natatambakan ng hugasin.”
“Tama! Pasalamat ka nga may nanay kang katuwang rito sa lahat ng gawain. Ako nga, ako ang panganay tapos wala na akong mama, kaya ako lang mag-isa ang tumutulong kay papa. Dahil hindi ko pa kayang magtrabaho at kumita ng pera, simpleng pagtulong sa kaniya sa gawaing bahay at pag-aalaga sa mga kapatid ko’y ako na ang gumagawa. Kasi alam ko na pagdating ni papa, pagod na siya. Kapag tapos na ako sa lahat ng gawain, saka pa ako nakikipaglaro sa inyo. Sana ganoon ka rin,” ani Vernon.
“Ako naman, mag-isang anak lang ako, kaya kargo ko lahat. Nasa trabaho palagi ang mama at papa ko, kaya sinanay nila akong huwag umastang senyorito. Kapag hindi ko pa nagagawa ang mga gawain ko sa bahay, hindi rin nila ako papayagang makalabas at makilaglaro. Sabi ni mama, pagdidisiplina ang tawag sa gano’n, para hindi ako lumaking tamad at walang alam sa buhay,” ani Alfred.
“Hindi por que inuutusan ka ng mama mo, inaapi ka na niya. Disiplina ang tawag doon, at para lang din iyon sa’yo, kaya sumunod ka na lang,” ani Vernon.
Malalim na bumuntong hininga si Marcus saka tumango-tango.
“Oo na, gets ko na!” aniya. Hindi siya galit ngunit pasinghal niyang sinabi ang mga salitang iyon sabay tawa nang malakas. “Pasensya na kayo sa’kin ah. Minsan kasi sa pananabik kong makapaglaro kaagad, nakakalimutan kong gawin ang mga gawain ko. Hayaan niyo sa susunod, sisikapin kong magsipag sa gawaing bahay para naman wala nang istorbo,” ani Marcus at tumawang muli.
“Dapat lang ‘no! Ikaw pa naman itong malakas mag-aya ng laro, tapos ikaw rin itong dahilan kung bakit nahihinto ang laro natin,” wika ni Alfred.
“Dapat bago ka mag-aya, tapos mo na dapat ang lahat ng gawain mo nang ‘di kami nadadamay sa galit ng nanay mo,” nakangising wika ni Vernon.
“Oo na nga. Saka salamat rin sa pangre-real talk niyo ah. Naisip ko na tama kayo, hindi ko talaga kayang mabuhay na mag-isa kasi tamad ako,” ani Marcus.
“Tamad sa gawaing bahay, pero ang sipag kapag laro ang usapan,” ani Vernon.
Nagkatawanan na lamang silang magkakaibigan at muling ipinagpatuloy ang gawain upang muling makabalik sa paglalaro.
Iba ang pagdidisiplina sa pang-aapi. Ang ginagawa ng ating mga magulang, hindi iyon pang-aapi, gusto lang nilang may matutuhan tayo sa buhay.