Inday TrendingInday Trending
Dalawang Buwang Pahinga ang Hiningi ng Binata Mula sa Kaniyang Nobya; May Balikan Pa Kaya Siya sa Oras na ‘Magaling’ na Siya?

Dalawang Buwang Pahinga ang Hiningi ng Binata Mula sa Kaniyang Nobya; May Balikan Pa Kaya Siya sa Oras na ‘Magaling’ na Siya?

Tatlong taon nang magkasintahan ang dalawampu’t limang taong si Matthew at dalawampu’t apat na taong gulang na si Niella. Nagkalapit ang kanilang mga puso noong magkakilala sila sa kompanyang una nilang pinagtrabahuhan. Dahil galing sa mapait na hiwalayan ang babae bago sila magkakilala, naging mailap ito sa binata nang ito ay manligaw. Ngunit dahil sa pagiging masugid ng binata, makalipas ang anim na buwan ay nakamit din niya ang matamis na oo ng sinisinta.

Naging matamis ang pagsasama ng dalawa sa loob ng tatlong taong iyon. Marami mang pagsubok ang kanilang pinagdaanan, dumaan man sila sa ilang pag-aaway at ‘di pagkakaintindihan, nagawa nila iyong malampasan nang magkasama. Sa tibay ng kanilang pagmamahalan, marami na nga ang nagtatanong kung kailan na ba ang kasalan.

Kaya naman nagimbal ang mundo ng dalaga nang isang hapon ay bigla siyang pinadalhan ng text ng nobyo.

“Babe, sorry pero hindi na muna tayo matutuloy sa lakad natin sa Sabado. Hindi ko rin maintindihan, pero napakabigat ng pakiramdam ko. ‘Di ko sigurado kung ano, pero ang bigat talaga… Hindi ko matukoy kung ano’ng problema. Okay naman ako sa work, wala rin naman akong problem sa family… pero may hihingin sana ako sa’yo…”

“Hi babe. Gising ka na pala. Bakit, ano’ng problema? Ok ka lang ba? Ano’ng hihingin mo? Sige lang, kahit ano. Alam mo namang ibibigay ko ‘yan, kakakuha ko lang ng 13th month ko e!” masigla pang sagot ni Niella, akala niya’y maglalambing lang ang nobyo ng kung anumang materyal na regalo.

“Hindi ganoon… Gusto ko sanang humingi ng time sa’yo… ng space ba… Cool off, parang ganoon…” sagot ni Matthew.

Dala ng pagkagulat dahil ito ang unang beses na nanghingi ng “cool off” ang nobyo, sinubukan itong tawagan ni Niella. Alam kasi ng lahat, lalo na ng dalaga, kung gaano kahumaling na humaling sa kaniya ang lalaki. Kaya nakapagtataka na bigla na lamang itong nanghingi ng ganoon sa kaniya.

Napakaraming ring ngunit hindi ito sumasagot. Nagtipa na lamang siya ng sagot.

“Bakit? May nagawa ba akong mali? Napapagod ka na ba sa’kin?” tanong ng dalaga, nag-iinit na ang gilid ng mga mata niya. Namumuo na ang mga luha.

“Hindi… Walang mali sa’yo. It’s not you, it’s me,” sagot ng binata.

“Pero bakit? Ano’ng nangyari? Bakit naman biglaan? Kagabi lang, excited na excited pa tayong magplano ng mga gagawin natin sa Boracay trip natin. Nakapag-empake na nga ako e! Natapos ko na rin nang maaga ang lahat ng trabaho ko. Bakit biglaan naman, babe?”

Nakita ng dalaga na nabasa na ni Matthew ang mensahe niya, ngunit makalipas ang ilang minuto ay hindi pa rin ito sumasagot. Napakaraming tumatakbo sa isipan niya ngayon. May ibang babae na ba si Matthew? Long distance ang relasyon nila, tiga-Bulacan kasi siya at tiga-Marikina naman ang lalaki, at halos isang buwan na silang hindi nagkikita dahil nga may nakaplano na silang bakasyon patungong Boracay. Baka sumalisi ito at may nakilala nang mas higit sa kaniya.

Maya maya ay sumagot na ang binata.

“Sorry, babe. Babalik ako. Ipapahinga ko lang ang utak ko. Kailangan ko lang magpahinga. Napapagod na ako sa buhay. Hindi sa’yo, okay? Mahal kita, pero kailangan ko lang ayusin ang sarili ko,” sagot ng binata.

Ilang oras ding nag-isip ang dalaga. Biglang nanumbalik sa kaniya ang pait ng kahapon.

Ganitong-ganito rin kasi ang eksena nang hiwalayan siya ng dati niyang nobyo. Una, nanghingi ng “pahinga” o “cool off” mula sa kaniya, kailangan daw munang mapag-isa, at hindi raw siya ang problema. Sunod, hindi na bumalik sa kaniya. Napag-alamanan niya na lang na may bago na iyong nobya, hindi man lang pormal na nakipaghiwalay sa kaniya. Kaya sa isip-isip niya, ito na naman ba? Deja vu, ‘ika nga.

Kung dati, nang manghingi ng pahinga ang dati niyang nobyo, kinulit pa rin niya ito nang kinulit, minu-minutong tinatawagan, kaya ngayon ay napag-isip-isip niyang baka mas makabubuting hayaan niya muna ang kasalukuyang nobyo na “ayusin” ang kaniyang sarili. Nag-aasam siyang kung iba ang gagawin niya ngayon, babalik ito sa kaniya at ipagpapatuloy nila ang panghabambuhay na pagmamahalan. Rerespetuhin niya ang hinihingi nito. Nagtipa siyang muli ng mensahe para rito.

“Sige, gaano katagal?” tanong niya. Kunyari’y matapang, ngunit ang totoo’y tila ginugulanit na ang puso niya sa pag-iisip na baka gaya ng dati’y wala nang bumalik sa kaniya.

“2 months, babe. Walang usap, walang kumustahan, walang kahit ano,” sagot ni Matthew.

Dalawang buwan? Ngayon ngang ilang minuto pa lamang itong hindi sumasagot sa mga mensahe niya’y halos mabaliw na siya sa kaiisip ng kung anu-ano, paano pa kaya kung dalawang buwang walang usap?

Gayunpaman, sa dami man ng agam-agam sa puso niya, nirespeto niya ang kagustuhan ng nobyo. Ayaw rin niyang isipin nito na ipinagpipilitan niya ang sarili rito. May respeto pa rin siya sa kaniyang sarili.

“Ok. Sige. Nandito lang ako kung kailangan mo ako. Alam mo ‘yan. Anuman ang problema mo, mas gusto kong makatulong kaysa lumayo sa’yo. Hindi ako mawawala, nandito lang ako,” sagot ni Niella, umaasa siya na baka dahil sa sinabi niya ay magbago ang isip ni Matthew at magdesisyon itong magkasama na lamang nilang ayusin ang “problema” nito na ‘di nito matukoy kung ano.

Ngunit bigo siya.

“Thank you. Babalik ako, magiging maayos din tayo,” tipid na sagot ng binata.

Animo naliligaw na tupa si Niella nang mga oras na iyon. Tatlong araw ang inilaan niya sa sana’y bakasyon nila ng nobyo. Nagpaalam pa siya sa trabaho na mag vacation leave para roon. Ngayong nakansela na iyon, at ngayo’y hindi na muna sila mag-uusap ng dalawang buwan, ‘di niya malaman kung ano ang gagawin niya.

Lumipas ang isang linggo na hindi nga nagpaparamdam si Matthew. May mga gabi na nais na sanang lumabag ni Niella sa usapan at padalhan ng text o ‘di kaya’y tawagan ang nobyo, ngunit pinigilan niya iyon. Nais niyang magkusa ang lalaki na bumalik sa kaniya. Sa isip niya, handa siyang maghintay gaano man katagal.

Gaya ng payo ng kaniyang matalik na kaibigang si Marie, nilibang ni Niella ang kaniyang sarili. Inilaan niya ang mga libreng oras niya sa pakikipagbonding sa kaniyang pamilya at ilang mga kaibigan na hindi niya mapuntahan noon dahil may pagkaseloso ang nobyo niya. Pinaglaanan niya ng oras ang sarili niya. Kung dati’y lahat ng libreng oras niya’y ibinibigay niya sa pakikipagkita kay Matthew, ngayon ay inilaan niya ang karamihan noon sa pag-aalaga at pagmamahal sa sarili niya. Iniwasan din niya ang social media, tingin niya kasi’y hindi iyon makabubuti sa kaniya sa takot na baka kung anu-anong balita tungkol sa nobyo ang makita niya.

Hindi niya na namamalayan na unti-unti na niyang nakalilimutan ang pangungulila sa nobyo.

Makalipas ang dalawang buwan…

Masayang masaya si Niella. Sa wakas kasi ay nakuha na niya ang driver’s license niya. Kay tagal na niyang pinaplano na makuha iyon, ngunit ngayon lang niya tunay na napaglaanan ng oras ang mag-enroll sa driving school at pumila ng napakatagal sa himpilan ng LTO. Sa susunod na linggo rin ay makukuha na niya ang pinag-ipunang sasakyan na bunga ng dugo’t pawis niya sa ilang taong pagtatrabaho.

Pagbaba ng sinasakyang traysikel, isang pamilyar na bulto ang naaninag niyang naghihintay sa tapat ng pintuan ng bahay nila. Walang tao roon dahil nagbakasyon ang kaniyang nanay at tatay sa bahay ng kapatid niya sa Cebu.

“Hi babe…” bati ni Matthew sa kaniya, may matamis na ngiti sa mga labi. Isang pumpon ng pulang rosas ang nasa kamay nito, iniaabot sa kaniya.

Naestatwa sa kinatatayuan si Niella. Napagtanto niyang ngayon na ang ikalawang buwan mula nang huli silang mag-usap ng nobyo niya. Nang makabawi sa pagkabigla’y saka siya nagsalita.

“Matthew, kumusta ka na? Nakapagpahinga ka ba?” tanong ni Niella matapos kunin ang pumpon ng rosas.

“Oo, babe. Okay na ako. Kaya ito, nagbabalik na ako sa’yo. Kumusta ka na?” balik tanong ng binata sa kaniya.

Pumasok muna sila sa loob ng bahay. Ipinagtimpla niya ng kape si Matthew bago bumalik sa naudlot na usapan.

“Matthew, mahal kita. Magmula nang sinagot kita, hindi tumigil ang puso ko na mahalin ka. Magmula nang magpaalam ka sa akin, wala akong ibang ginawa kundi mag-isip kung ano ba ang mali sa akin. Kung pangit ba ako, kung napabayaan ko na ba ang sarili ko, kung hindi ba ako karapat-dapat sa iyo… kaya mo ako nagawang iwan sa ere nang ganoon na lang,” panimula ni Niella. Huminga siya nang malalim, magpapatuloy na sana sa punto niya, ngunit sumabat si Matthew.

“Babe, hindi naman kita iniwan sa ere. ‘Di ba, ang sabi ko, aayusin ko lang ang sarili ko? Sinabi ko sa’yong babalik ako. Wala rin akong ibang babae na nakausap o kinita habang hindi tayo nag-uusap. Hindi kita iniwan sa ere,” anang binata.

“Kung tunay ang pag-ibig mo sa akin, hindi ka lalayo sa mga oras na hindi mo na kaya ang mga pagsubok ng buhay. Matthew, sa tatlong taon natin, ikaw ang naging takbuhan ko sa tuwing pakiramdam ko ay dinidikdik ako ng mga pagsubok. Pero ikaw, nang subukin ka ng problemang hanggang ngayon ay hindi ko maintindihan, ano’ng una mong ginawa? Inilayo mo ang sarili mo sa akin…” naluluha nang wika ni Niella, naging sariwa sa isip niya ang mga gabing walang patid ang pagbagsak ng luha niyang dulot ni Matthew.

Napakarami pa niyang nais sabihin, ngunit napagtanto niyang huwag na lamang. Sa kaniya na lamang iyon.

“Makakauwi ka na, Matthew. Ingat ka,” pamamaalam ni Niella, saka siya tumayo upang buksan ang pinto.

“P-Pero, babe, mahal kita! ‘Wag mo naman akong iwan sa ere!” naluluhang sambit ni Matthew.

“Tapos na tayo, Matthew. Patawarin mo ako kung hindi ko nakayanang mag-isang ilaban ang relasyon natin. Makakauwi ka na,” aniya.

Dahil pakiramdam ng binata’y hindi na niya madadaan pa sa pakiusap ang dalaga, napagdesisyunan na niyang umalis ng bahay nito. Puno ng panghihinayang sa puso.

Naiwang mag-isa si Niella sa bahay. May luha sa kaniyang mga mata, ngunit alam niyang mas masaya ang puso niya ngayon. Malaya na siya. Malaya na sila.

Sa dalawang buwang iyon, napagtanto ni Niella na hindi nararapat para sa kaniya si Matthew. Natutuhan niya ang tunay niyang halaga. Sigurado rin siyang kung pababalikin pa niya ang binata sa buhay niya, hindi na maibabalik pa ang dating samahan nila – may lamat na. Ayaw na niya. Pagod na siya. Ngayon, sarili na niya ang uunahin niya.

Sa susunod na iibig siya, hiling niya’y siya ang maging “pahinga” ng lalaki sa tuwing ito’y hinahamon ng mundo. Iyong lalaki na hahawakan ang kamay niya at sabay nilang pagtutulungan anuman ang problemang kinahaharap. Iyong lalaki na may pakialam sa kaniyang nararamdaman. Iyong lalaki na hindi kayang mapalayo sa kaniya kahit na sandaling panahon lamang.

Ang gulo ng pag-ibig, ano? Ngunit isa lang ang sigurado. Ilang ulit mang mawasak ang puso mo, tiyak na may darating na tamang tao para sa’yo.

Advertisement