Maraming Bashers ang Sikat na Artistang Ito; Tinuruan Niya ng Leksyon ang mga Ito

Anak ng isang kilalang artista ang dalagang si Sunshine. Bata pa lang siya nang una siyang ipakita ng kaniyang ina sa media at simula noon, halo-halong komento na ang natatanggap niya hanggang sa kaniyang pagtanda. 

Dekalibre kasi ang gandang mayroon siya. Kulay asul ang kaniyang mga mata, matangos ang kaniyang ilong, kulot at mahaba ang kaniyang buhok at balingkinitan ang kaniyang katawan. Ngunit kahit wala naman talaga siyang kapintasan, may mga napapansin pa ring kamalian sa kaniya ang mga bashers ng kaniyang ina noon pa man.

“Sigurado namang ampon lang ‘yan! Purong Pinoy ang kaniyang mga magulang tapos kulay asul ang mga mata niya? Malandi talaga ang nanay niya!”

“Naku, mukhang anghel! Kumusta kaya ang ugali? Baka kasing sama ng ugali ng nanay niyang kung sino-sino ang karelasyon!

“Makinis at maganda nga, matalino kaya?”

Ilan lang ang mga ito sa mga katagang pilit na binabato sa kaniya na talagang nagbigay ng pait sa kaniyang paglaki. Sa katunayan, pinagsisisihan ng kaniyang ina kung bakit agad siya nitong pinakilala sa madla dahil kahit noong nag-aaral pa lang siya, walang gustong kumaibigan sa kaniya. Katwiran ng magulang ng mga kaklase niya tuwing siya’y nagsusumbong sa mga ito, “Anak ka kasi ng isang artista. Baka kung anong mangyari sa’yo, kami pa ang masisi!”

May mga tao ring sadyang galit lang talaga sa kaniya dahil halos perpekto na ang buhay at pagkatao niya. Ni wala nga siyang kapintasan kung tutuusin dahil mabait din siya at matalino na naging dahilan para pagtungtong niya ng kolehiyo, siya’y agad na bigyan ng parte sa isang teleserye.

Lingid man sa kagustuhan niyang tanggapin iyon dahil nga alam niyang lalo lang gugulo ang buhay niya, tinanggap niya pa rin ito alang-alang sa ngalan ng kaniyang ina sa naturang industriya.

Advertisement

Katulad ng inaasahan, nagawa niya nga nang mabuti ang parte niya sa naturang teleserye bilang ang bidang dalaga at nang iere na ito sa telebisyon, sandamakmak na magaganda at masasakit na komento ang narinig at natanggap niya.

“Gusto mo bang kasuhan natin ‘yong mga taong naninira sa’yo, anak? Ako kasi hindi ko ‘yan nagawa dati kaya patuloy nila akong sinisiraan ngayon,” alok ng kaniyang ina nang makita ang mga masasamang komento para sa kaniya.

“Hindi na po, mama, mag-aaksaya lang po tayo ng panahon sa kanila. Ayos lang po ako, kahit hindi sila humingi ng tawad, pinapatawad ko na po sila,” wika niya habang kinukubli ang sakit na nasa puso niya.

“Ang bait talaga ng anak ko, kaya ka pinagpapala nang ganito, eh!” tugon nito saka pinakita sa kaniya ang panibagong teleseryeng kaniyang pagbibidahan na labis niyang ikinatuwa.

Kaya lang, habang binabasa niya ang kwento ng panibagong teleseryeng ito, bigla na lang may bumato sa bintana ng kanilang bahay at nang silipin nila itong mag-ina, grupo ng mga dalaga ang bumungad sa kanila at may dala pang mga bato ang mga ito.

“Wala kang karapatan na maging artista, Sunshine! Hindi ka naman magaling umarte! Nadala ka lang ng kasikatan ng nanay mong bayaran! Pati ikaw, balang araw ay magiging bayaran na rin! Kaya siguro ang dami mo agad na proyekto kahit bago ka pa lang sa industriya ay dahil nagpapagamit ka na rin!” sigaw ng namumunong babae saka pinaulanan ng bato ang kanilang bahay.

Doon na siya hindi nakapagtimpi. Dali-dali siyang tumawag ng mga pulis habang nagtatago sa isang ligtas na silid kasama ang ina niyang takot na takot na. Mabuti na lang, nasa labas lang ng kanilang subdivision ang mga pulis at agad na rumisponde sa sumbong niya.

Nang mahuli ng mga pulis ang mga babaeng iyon, nagmakaawa at lumuhod ang mga ito sa kaniya upang humingi ng tawad.

Advertisement

“Alam naman naming mabait ka, Miss Sunshine. Hindi lang siguro namin matanggap na matagumpay na agad sa buhay ang katulad mong kasing edad lang namin. Patawarin mo kami. Marami pa kaming pangarap sa buhay,” iyak ng lider ng grupo habang nakahawak sa makabilang tuhod niya.

“Pasensya na rin kayo dahil may hangganan ang kabaitan ko. Kapag hindi ko kayo tinuruan ng leksyon, uulitin niyo lang ang ginawa niyo sa akin. Kagaya na lang ng mga bashers ng nanay kong hindi niya naturuan ng leksyon noon pa man,” paliwanag niya rito saka sinumite sa mga pulis ang kuha ng CCTV camera na magpapatunay sa ginawa ng mga ito.

“Pakiusap, Miss Sunshine, patawarin mo na kami! Pangako, hindi na po ito mauulit!” hagulgol pa ng isa ngunit imbis na makinig, tinuloy niya ang pagpapahuli sa mga pulis.

Nang kumalat ang balitang iyon sa social media, buong akala niya ay madaragdagan ang mga galit sa kaniya ngunit kabaliktaran ang kinahinatnan nito.

Dumami ang kaniyang mga taga-hanga dahil sa ginawa niyang aksyon. Sabi pa ng isang ginang na dati ay galit sa kaniya, “Napahanga mo ako, Miss Sunshine! Kung tutuusin, kayang-kaya mo silang saktan din pabalik sa tulong ng mga body guards mo pero pinili mong idaan ang lahat sa legal na aksyon! Mabuhay ka!” na talagang nagpataba sa puso niya.

Simula noon, bilang na lang sa kamay ang mga taong nagkokomento nang masasakit na salita sa mga litrato o bidyong nilalagay niya sa social media na nagbigay sa kaniya nang matinding kasiyahan.

“Pupwede naman palang hindi ganoon kalungkot ang buhay ng isang artista, eh!” sabi niya pa habang binabasa ang mga positibong komento ng kaniyang mga taga-hanga.