Inday TrendingInday Trending
Nangungupit sa Grocery Store ang Kaherang Ito; Magagawa Niya nga Kayang Maiahon sa Hirap ang Pamilya dahil Dito?

Nangungupit sa Grocery Store ang Kaherang Ito; Magagawa Niya nga Kayang Maiahon sa Hirap ang Pamilya dahil Dito?

Hindi alintana ni Jasmine ang dami ng mga grocery items na napupuslit sa pinagtatrababuhan niyang grocery store tuwing siya ang kahera rito.

Sa tatlong taon niyang pagtatrabaho rito bilang kahera, halos lahat na yata ng kaniyang kapitbahay ay nakakapamili rito nang libre dahil sa kaniya.

Sa katunayan, nakapagpatayo na nga siya ng isang sari-sari store para sa kaniyang ina dahil sa pangungupit niya rito katuwang ang iba pa niyang kapatid na pinasok niya rin doon bilang empleyado.

Halos araw-araw din nagtutungo rito ang kaniyang ina upang manguha ng mga paninda at upang hindi mahalata ng ibang empleyado roon ang ginagawa niya, kalahati sa mga kinuha nitong produkto ay pinababayaran niya lalo na kapag alam niyang naroon ang may-ari o kapag naramdaman niyang may nakatingin sa kaniya habang nagtatrabaho.

Madalas man siyang pagsabihan ng kaniyang ama tungkol sa katiwalian niyang ito, hindi niya ito pinakikinggan.

“Jasmine, kapag ikaw nabisto, tiyak na lahat kayong magkakapatid na nagtatrabaho roon ay matatanggalan ng trabaho! Ang masama pa nito, baka pati itong tindahan natin ay ipasara at kuhanin ang mga produkto! Hindi ka ba natatakot na mangyari iyon?” pangaral nito sa kaniya, isang gabi habang pinagmamalaki niya sa ina ang mga nakupit niyang produkto na pupwedeng itinda sa kanilang tindahan.

“Tatay, hindi naman ako mahuhuli. Saka, hindi ka ba natutuwa? Simula nang mangupit ako roon, gumaan na ang buhay natin, nabigyan ko pa ng trabaho sila bunso sa murang edad!” katwiran niya pa rito.

“Hindi talaga ako natutuwa lalo na’t alam kong sa maling paraan mo ‘yan natatamasa!” sigaw nito sa kaniya na ikinainit ng kaniyang ulo.

“Edi sana ikaw ang gumawa ng paraan para maging maalwan ang buhay natin hindi ‘yong panay padyak ka lang d’yan!” sabi niya rito dahilan para magalit ito at itapon sa labas ang kaniyang mga dalang produkto, sasagot pa sana siya nang siya’y awatin na ng kaniyang ina.

Kahit ganoon na ang nangyari sa kanilang mag-ama noong gabing iyon, kinabukasan ay bumalik na naman siya sa maling gawain. Nagawa niya pa ngang bigyan ng gatas, diaper, at ilan pang gamit pang sanggol ang kaibigan niyang nagtungo roon upang bumili lang ng bulak.

“Ang bait mo talaga, Jasmine!” sambit nito habang tuwang-tuwa pinagmamasdan ang kinakahon niyang mga produkto.

“Huwag ka nang maingay d’yan, kupit lang ‘yan! Kapag may kailangan pa ang anak mo, punta ka lang dito at senyasan ako!” bulong niya rito na lalo nitong ikinatuwa.

Maya maya pa, dumating na rin ang kaniyang ina bitbit ang isang pushcart at katulad ng nakasanayan nila, kalahati lang ang pinababayaran niya rito. Ngunit bago niya pa mailagay sa kahon ang mga napamili nito, bigla siyang binulungan ng may-ari ng grocery store.

“Ibabalik mo lahat ‘yan at magtutungo sa opisina ko o ipapahiya ko kayong buong mag-anak dito?” sabi nito kaya dali-dali niyang pinasauli ang mga produkto sa kaniyang ina at siya’y sumunod sa opisina nito.

Doon nito pinakita sa kaniya ang sandamakmak na CCTV footage ng katiwaliang ginagawa nilang mag-iina dahilan para wala na siyang ibang magawa kung hindi ang umamin na lang.

“Pasensya na po kayo, ma’am, nadala lang po ako nang matinding pangangailangan kaya ko po naturuang magnakaw ang mga katapid at ina ko. Patawarin mo po sila, ma’am, kahit ako na lang po ang parusahan niyo,” pagmamakaawa niya rito nang malamang balak sila nitong ipakulong lahat.

Sa kabutihang palad, sa pamamagitan ng pagluhod niya sa harap nito at labis na pagmamakaawa, nakumbinsi niya itong siya na lang ang kasuhan. Sa kabila ng desisyong iyon, may tatlong kondisyon ang may-ari sa kaniya. Una, hindi na maaaring makapasok sa grocery store ang kahit sino sa kaniyang pamilya. Pangalawa, ipapasara at kukuhanin nito ang lahat ng paninda ng kanilang tindahan at pangatlo, siya’y makukulong ng isang dekada.

Dahil nga ayaw niyang maranasan ng kaniyang ina at mga kapatid ang hirap sa kulungan, pumayag siya sa mga kondisyon nito at mag-isang sumuko sa pulisya.

Durog na durog man ang puso niya at siya’y nawawalan na ng pag-asa sa buhay dahil sa pangyayaring iyon, wala na siyang ibang magawa kung hindi tanggapin ang karma nang mali niyang gawain noon.

“Sa paglaya ko, tuluyan na akong makakatulong sa inyo, tatay, gamit ang mabuting paraan,” iyak niya sa harap ng tatay niyang mugtong-mugto na ang mata nang siya’y dalawin sa kulungan.

Simula noon, bumalik man sa hirap ang buhay ng kaniyang pamilya batay sa mga hinaing ng kaniyang mga kapatid na dumadalaw sa kaniya, panatag naman ang loob niya na kahit anong mangyari, walang makukulong sa mga ito kapag nagkabukingan na.

Advertisement