Empleyado sa isang mall ang dalagang si Irene. Siya ang nakatoka upang magbenta, mag-ayos, at maglinis ng mga mamahaling alahas doon. Sa laki ng halaga ng bawat alahas na kaniyang binabantayan, hindi niya maiwasang hindi husgahan ang mga taong tumitingin sa mga ito.
Lalo na kung ang titingin o hahawak dito ay mga taong mukhang walang pera. Ilang beses man siyang pagsabihan ng katrabaho niyang nakatoka naman sa mga relo na nasa gilid niya lang na huwag manghusga at paalisin ang mga kustomer na tumitingin sa mga alahas, ginagawa niya pa rin ito.
Isang araw, habang siya’y abala sa pag-aayos ng mga naturang alahas sa estante, may isang dalagang bigla na lang hinawakan ang isang kwintas na nakalatag lang sa ibabaw ng estante. Agad siyang naalarma nang makitang simple lang ang dalaga at mukhang wala namang pera.
“Bibili ka ba o titingin lang, hija?” tanong niya sa naturang dalaga habang tingin na tingin sa kamay nitong may hawak ng alahas.
“Ay, titingin lang po, miss. Nagandahan kasi ako rito sa kwintas na paninda niyo. Mayroon po ako niyan dati, eh, kaso binenta ko na para makabili ng pagkain ng mga kapatid ko,” nakangiti nitong kwento habang nakatingin sa alahas.
“Hindi ko tinatanong. Ibalik mo na ‘yan dito sa lalagyan. Kung gusto mo ng mga ganitong uri ng kwintas, magpunta ka roon sa bangketa. May mga ganito ring binebenta roon, peke nga lang!” payo niya rito habang tatawa-tawa pa.
“Naku, hindi na po. Balang araw magkagan’yan po ulit ako,” sambit nito sa kaniya.
“Tama na ang chika, hija, marami pa akong gagawin!” sigaw niya rito saka pinabalik dito ang hawak na alahas, “Magandang umaga, madam! Ano pong hanap nila? Gusto niyo po ba ng kwintas o hikaw? Lahat po ito ay gawa sa purong ginto! Habang ang iba naman ay may mga diyamante pa!” alok niya sa mukhang mayamang ginang na biglang lumapit sa kanilang dalawa.
“Patingin nga ako nitong may diyamanteng pula at iyong hikaw na ginto,” sabi nito dahilan para agad niyang ilabas ang lahat ng hiniling nito sa paniniwalang bibili ito.
Ngunit ni isa sa mga pinalabas nitong alahas, wala itong binili at agad na umalis sa kaniyang pwesto.
Sa sobrang abala niya sa pag-aasikaso sa ginang na halos lahat ng alahas ay gustong tingnan, hindi na niya napansin ang pag-alis ng dalagang kanina ay minamaliit niya at habang muli niyang inaayos ang mga alahas na naka-display, napag-alamanan niyang nawawala na ang kwintas na kanina ay hinawakan ng dalaga!
Agad niyang inalarma ang mga sekyu kaya hindi agad pinalabas ang mga mamimiling nasa mall. Matiyaga niyang hinanap ang dalaga sa mga taong naroon habang pinapatingin sa kaniyang manager ang kuha ng CCTV camera roon. Sa kabutihang palad, nakita niyang nakatayo lang sa isang tabi ang dalaga habang nagtataka kung anong nangyayari. Pagkalapit niya rito, agad niya itong pinahiya at kinapkapan nang walang kalaban-laban.
“Ilabas mo na ang alahas! Sabi na, eh, may masama kang balak sa mga alahas na naroon! Magnanakaw ka, magnanakaw!” sigaw niya rito habang ito’y kinakapkapan. Marami man ang kustomer na kumukuha ng bidyo sa eksenang iyon, wala siyang pakialam. Ang kagustuhan niya lang ay makuha muli ang kwintas na kung hindi niya mahanap, siya ang magbabayad.
Habang ginagawa niya ang kahihiyang iyon, siya ay hinila ng kanilang manager at pinakita sa kaniya ang kopya ng CCTV footage. Kitang-kita roon na habang abala siya sa paglabas-pasok ng mga alahas na pinapakuha ng ginang sa estante, sinilid nito sa bag ang alahas na nawawala.
“Masyado kang nagpadala sa itsura ng ginang at dalaga, ayan tuloy nanakawan ka na, tiyak na sisikat ka sa social media dahil sa ginawa mo sa dalaga,” bulong nito sa kaniya saka agad siyang hinila patungo sa opisina kung nasaan na ang ginang at mga pulis na pinatawag nito.
Nang makaharap niya ang ginang, nakangisi pa ito sa kaniya at tila tuwang-tuwa sa kat*ngahang ginawa niya.
“Maging aral sana sa’yo ‘to, miss, matalino na kaming mga kawatan ngayon. Hindi na kami nagbibihis mahirap!” tawang-tawa sabi pa nito bago ito tuluyang kuhanin ng mga pulis.
Sinubukan man niyang humingi ng tawad sa dalaga simula noon, ngunit hindi na niya ito nakita kailanman at dahil sa insidenteng iyon, sumikat nga siya sa social media na naging rason para siya’y permanenteng tanggalin sa trabaho.
Sirang-sira kasi ang mall na pinagtatrababuhan niya sa mga kustomer dahil sa ginawa niya sa walang muwang na dalaga.
“Bakit ba kasi ako nagpaloko at nagpadala sa emosyon ko? Imbes na may trabaho akong pagkakakitaan, bumalik na naman ako sa pagiging palamunin!” iyak niya habang pinagmamasdan ang dating uniporme.