Inday TrendingInday Trending
Magaspang ang Turing Niya sa Manugang na Hindi Niya Gusto; Isang Pangyayari ang Magpapabago ng Ugali Niya

Magaspang ang Turing Niya sa Manugang na Hindi Niya Gusto; Isang Pangyayari ang Magpapabago ng Ugali Niya

“‘Ma, mano po…”

Pigil ni Elena ang mapairap nang magmano sa kaniya si Erin, ang asawa ng kaniyang anak na si Arthur. Mag-nobyo pa lang ang dalawa ay hindi na niya gusto ang babae. Nagmula kasi ito sa isang mahirap na pamilya kaya hindi siya sigurado sa intensyon nito.

Ang kaso ay talagang ipinaglaban ito ng kaniyang anak. Nagbanta pa ito na magpapakalayo-layo kung hahadlangan niya ang kasal ng mga ito. Sa huli ay wala siyang ibang magawa kundi tiisin ang presensya ng babae.

Bagong kasal lamang ang dalawa, at kasama niya itong naninirahan sa malaki nilang bahay. Nais sana ng mag-asawa na bumukod, ngunit naging matigas ang pagtanggi niya.

Napakalaki ng bahay nila kung siya lamang at mga kasambahay ang maninirahan roon.

Sinubukan niya naman na kilalanin si Erin, subalit wala man lang silang pagkakapareho dahil nga lumaki ito sa mahirap na pamilya, malayo sa kinagisnan niya.

Wala man itong ipinakitang hindi maganda ni minsan ay natatakot pa rin siya na baka pineperahan lang nito ang kaniyang unico hijo.

“‘Ma, gusto n’yo po ng merienda? Nagluto po ako ng puto at dinuguan,” isang araw ay paanyaya nito habang nagdidilig siya ng mga halaman.

Tatanggi sana siya, ngunit naalala niya ang pangako niya noon sa kaniyang anak. Nangako siya na makikipaglapit na siya sa kabiyak nito.

Nang makarating siya sa kusina ay agad niyang naamoy ang masarap na amoy ng kung anumang niluluto ng kaniyang manugang. Agad siyang nakaramdam ng gutom.

Nang ilapag nito sa harap niya ang isang hindi pamilyar na pagkain ay napakunot noo siya.

“Anong pagkain ito?” usisa niya.

Ngumiti ang babae.

“Ah, dinuguan po, Mama,” sagot nito.

“Saan gawa ito? Parang kakaiba ang itsura?” hindi pa rin kumbinsidong tanong niya habang nilalaro ng kutsara ang itim na sabaw.

“Ah, Mama, sa dugo po ng baboy. Paborito po ‘yan ni Arthur. Tikman n’yo po, at sigurado ako na magugustuhan niyo,” nakangiti pang udyok ng babae.

Nanlaki ang mata niya.“Ano? Dugo ng baboy? Ano ba naman ‘yang pinapakain mo sa akin! Ano ba naman ‘yang pinapakain mo sa anak ko?” nandidiring bulalas niya, dismayado sa manugang.

Bago pa ito makaimik ay nagdadabog niyang nilisan ang kusina.

“Hay naku, kahit kailan talaga, hindi ko magugustuhan ang babaeng ‘yun!” inis na bulong niya.

“Mama, sorry po. Akala ko kasi ay magugustuhan n’yo…” anang babae nang makalapit sa kaniya.

Inirapan niya ito.

“Hindi ko alam kung anong nagustuhan sa’yo ng anak ko! Wala ka man lang ka-class class! Sana ay magsawa na siya sa’yo nang makahanap naman siya ng disenteng babae!” bwisit na angil niya sa babae.

Hindi na ito nagsalita, ngunit lulugo-lugo itong bumalik sa kusina.

Kinagabihan, nagulat siya nang komprontahin siya ni Arthur ukol sa nangyari.

“Mama, ano ‘tong narinig ko na sinigaw-sigawan mo raw ang asawa ko?” usisa nito, habang bakas ang bahagyang galit sa mukha.

“Nagsumbong ba sa’yo?” taas kilay na tanong niya.

“Hindi! Hindi naman nagsusumbong ‘yun kahit na anong gawin n’yo. Ang kaso, mga kasambahay na mismo ang nakasaksi. Sa ginagawa n’yo Mama, mapipilitan kaming bumukod ni Erin!” banta nito.

“Bakit ba kasi ‘yang babaeng ‘yan pa! Ang dami-daming babae riyan!” matapang na sigaw niya.

“Wala kayong pakialam dahil buhay ko ‘to! ‘Wag niyo akong pakialamanan!” sigaw naman nito pabalik.

Naramdaman niya ang pagsikip ng dibdib niya dahil sa maanghang nilang palitan ng salita. Maya-maya lang ay umiikot na ang paningin niya. Hindi niya na narinig ang mga sumunod na sinabi ni Arthur dahil tuluyan na siyang binalot ng kadiliman.

Nang imulat niya ang paningin ay nasa ospital na siya. Sinubukan niyang gumalaw ngunit tila paralisado ang kaniyang katawan.

Nakita niya ang doktor na kausap ang kaniyang anak at manugang.

“Kung ipapa-therapy n’yo siya, maaari pa siyang makalakad muli. Pero sa ngayon, paralisado ang kalahating parte ng katawan niya. Mahihirapan din siya sa pagsasalita,” anang doktor.

Napaluha si Elena. Nais niya mang magsalita, ngunit hindi niya magawa.

Ipinikit niya ang mata nang magsimulang mag-usap ang mag-asawa.

“Tutuloy pa rin tayo sa plano nating pag-alis sa bahay. ‘Wag kang mag-alala,” ani Arthur sa asawa.

Naramdaman niya ang gulat sa naging sagot ni Erin.

“Ano? Nababaliw ka na ba? May sakit ang Mama mo, hindi tayo pwedeng umalis sa bahay!” kontra nito.

“Pero ayoko na inaapi ka roon sa bahay kapag wala ako…” ani Arthur.

“Hindi ako inaapi. Sadya lang na hindi ako gusto ng Mama mo. Natural, ikaw ang unico hijo niya. Gusto niyang masigurado na mahal kita, at kailangan ko pang patunayan ang sarili ko. Pero gusto ko na magkalapit kami, at ayaw na ayaw kong ako ang dahilan para mapalayo ka sa Mama mo. Tandaan mo na ang nanay, nag-iisa lang ‘yan. Hindi ‘yan binabalewala. Inaruga ka ng nanay mo tapos ngayong may sakit, iiwan mo?” mahabang litanya nito kay Arthur, tila nanenermon.

Hindi nakaimik ang lalaki.

“Sige, hahanap na lang ako ng mag-aalaga kay Mama…” tila pagsuko nito.

“Hindi na kailangan. Pamilya ko na rin siya. Ako na’ng bahala kay Mama, wala naman din akong ginagawa sa bahay,” ani Erin.

“Salamat. Kakaiba ka talaga mag-isip, kaya mahal na mahal kita, eh!” narinig niyang wika ni Arthur sa asawa.

Tuluyan nang napaluha si Elena. Ang babae kasi na pinagdududahan niya ay hindi lang mahal ang anak niya, kundi itinuturing din siyang pamilya sa kabila ng mga kagaspangang ipinakita niya rito.

Nang maiwan sila ni Erin, sa nanghihina at bulol-bulol niyang boses ay tinawag niya ito.

“Mama, salamat naman at gising na po kayo! Kumusta na po ang pakiramdam niyo?” tarantang usisa nito.

“S-salam-mat…” bulong niya sa babae. Sa puso niya ay ang pangako na babawi rito.

Tinupad ni Erin ang sinabi nito. Ito ang nag-alaga sa kaniya sa oras na makaalis siya ng ospital. Bagaman hindi biro ang pag-aalaga sa matanda na may sakit, ni minsan ay hindi niya ito naringgan ng anumang reklamo.

Nakita niya ang tunay na kulay ni Erin, at nakita niya kung gaano ito kabuti bilang isang asawa at manugang. Sigurado siya na magiging mabuti itong ina sa mga magiging apo niya.

Nang tuluyan na siyang gumaling at maka-rekober sa sakit ay ginawa niya ang isang bagay na matagal niya nang gustong gawin—humingi siya ng tawad kay Erin para sa lahat ng nagawa niya rito. Kasabay noon ay ang pangako na ituturing niya na itong isang tunay na anak.

Advertisement